top of page
Search
  • Nancy Binay

Medical scholarship, solusyon sa kakulangan ng mga healthcare professionals sa bansa

Kamakailan ay isinalang sa Senado ang Senate Bill number 1520, na naglalayong lumikha ng medical scholarship at katuwang na return service program para sa mga karapat-dapat na mga mag-aaral kung saan co-sponsor ang inyong lingkod.

Naniniwala ang inyong lingkod na kailangan nating mag-invest sa ating healthcare system, lalung-lalo na sa human resources. Nakalulungkot ang ating kasalukuyang doctor-to-patient ratio na isang doctor kada 33,000 pasyente, na malayung-malayo sa rekomendasyon ng World Health Organization na 1:1,000.

Kailangan natin ng mas maraming doktor, lalo na sa kanayunan. Ngunit isang malaking balakid sa ating bansa ang malaking gastusin upang makapag-aral ng medisina. Tinatayang umaabot ng hanggang P150, 000 ang tuition sa top private medical schools at hindi pa kasama ang araw-araw na gastusin at iba pang fees na kailangan. Kahit ang tuition sa public medical schools ay nasa P24, 000 hanggang P90, 000 kada taon.

☻☻☻

Lalo lang pinapatingkad ng kasalukuyang pandemya ang kinakailangang kagyat na pagpasa ng panukalang ito, dahil na rin sa kakulangan ng healthcare professionals sa ating mga ospital. Kailangang dagdagan ng estado ang tulong nito sa mamamayan nito. Kailangan ding bigyan daan ng estado na maabot ng ilan sa ating kabataang may potensiyal, ngunit kapos sa pinansiyal ang pangarap nilang maging manggagamot at tagapagligtas ng buhay.

Bilang anak ng isang doktor, nakita ko kung paanong nagbago ang pananaw, hindi lamang ng mga pamilya, kundi ng buong komunidad dahil na rin sa mga payong medikal. Dahil doktor ang aking ina, naikintil sa aming pamilya ang halaga ng kalusugan. Hindi lang naging doktor ng pamilya ang aking ina, kundi doktor na rin ng aming mga kapitbahay—dulugan ng payong medikal at kalusugan, mula bakuna ng mga bata, at sa simpleng usapin ng mura at masustansiyang pagkain para sa mga pamilyang may limitadong kakayahan.

Kung maipapasa ang SB1520 ay uusad ang bansa hindi lamang makamit nito ang rekomendadong doctor-to-patient ratio, ngunit para na rin sa inaasam na makakakuha ng payong medikal ang karaniwang pamilyang Pilipino at masusugpo ang mga katha-kathang at maling ideya tungkol sa pampublikong kalusugan.

Magtulungan tayo upang maipasa ang Medical Scholarship Act na ito.

☻☻☻

Nakikiisa ang inyong lingkod sa sambayanan sa pagbati sa ating mga kapatid na mga Muslim sa pagtatapos ng kanilang banal na buwan ng Ramadan. Binabati ko ang bawat isa at ang lahat ng Eid Mubarak.

Ang Eid’l Fitr ay isang okasyon para tayong lahat ay magsaya at magiliw na gunitain ang pagtatapos ng 30 araw at gabi ng debosyon.

Muli, ang aking taimtim na pagbati sa bawat isa ng isang makabuluhan at maligayang Eid’l Fitr!

☻☻☻

Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.

Malalagpasan din natin ito.

Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page