top of page
Search
  • Korina Sanchez

Ilegal na operasyon ng POGO sa kabila ng ECQ, talupan!

Noong Biyernes, 44 na Chinese at siyam na Pinoy ang inaresto ng Parañaque Police dahil sa operasyong POGO sa kabila ng enhance community quarantine.

Sumugod ang pulisya matapos makatanggap ng tawag mula sa isang mamamayan na nakakita diumano ng mga kahina-hinala at armadong tao sa lugar.

May pinaiiral na panuntunan ang bansa sa ECQ, pero dedma lang ang mga ito. Mahigit isang buwan nang ipinatutupad ang Luzon-wide lockdown pero sige pa rin ang operasyon ng POGO na pinababantay pa sa mga armadong tao. Wala talagang respeto ang ibang mga taga-Mainland China sa Pilipinas.

Ang masaklap, nadiskubre na wala umanong lisensiya ang nasabing POGO kaya pinaiimbestigahan at pinakakasuhan ni Parañaque Mayor Olivarez ng ang may-ari ng gusali sa loob ng compound kung saan itinayo ang POGO.

Samantala, hinihiling na rin sa Bureau of Immigration (BI) na ipa-deport na ang mga Chinese habang kakasuhan naman ang mga nahuling Pinoy.

Sari-saring paglabag sa batas ang kinasangkutan ng mga Tsino mula nang pumasok ang mga POGO sa bansa – illegal detention, kidnap for ransom, prostitusyon at posibleng ilegal na droga. Marahil, dapat din imbestigahan ang mga opisyal ng barangay kung may kinalaman sila sa insidente o kung sila ang nagbibigay-proteksiyon sa mga ito.

Tila smusobra na ang paghahari-harian ng mga Chinese. Masyadong malakas ang loob nila para bastos-bastusin ang ating batas.

Malinaw na lumabag sila sa ECQ kaya kung tunay na patas at may ngipin ang batas, dapat silang mapanagot upang hindi tularan at para magtanda na rin. Bawat bansa ay may batas kaya bilang dayuhan sa ating bansa, dapat nila itong respetuhin.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page