top of page
Search
  • Justine Daguno

Financial lessons na matututunan sa COVID-19 pandemic

Sa kasalukuyan ay nangangalahati na ang isang buwang enhanced community quarantine sa Luzon dulot ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19. Bagama’t hindi inaasahan, ang ganitong krisis ay hindi natin maiiwasan. Pero ‘ika nga, ang bawat problema ay hindi lamang puro negatibo dahil meron din tayong matututunan sa kabila nito, partikular sa pinansiyal na aspeto, tulad na lamang ng mga sumunod:

1. IMPORTANTE ANG EMERGENCY FUNDS. Sa pagkakataon na pansamantalang nahinto o nawala ang ating kabuhayan, ang emergency funds ang magsasalba sa pang-araw-araw nating pangangailangan. Mahalaga na mayroon nito nang sa gayun ay hindi natin masasagad sa gastos ang savings at iba pang ipon.

2. TAMANG PAGBA-BUDGET. Hindi porke may laman ang wallet at ATM o may inaasahan tayong pera, hindi na tayo magba-budget. Palagi nating isipin na limitado ang pera sa panahon ng krisis kaya kailangan nating matutunang pagkasyahin ang pera na meron tayo.

3. MAG-ISIP NG IBANG PAGKAKAKITAAN. Oks kung meron tayong regular o stable na trabaho, pero huwag tayong makuntento sa isang source of income. Mag-isip ng iba pang puwedeng pagkakitaan, gayundin, gamitin ang creativity at talent para magkaroon ng extra income na pandagdag sa emergency fund o savings.

4. MAHALAGA ANG SAVINGS. Malaking bagay ang savings, lalo na kung wala tayong emergency funds. Ito ang magsisilbing backup kapag kinapos ang budget. Pero tandaan na ang ipon ay ipon kaya kailangang may displina kapag gagamitin ito, gayundin, siguraduhing ibabalik ito sa pagkakataong bumalik na sa normal ang lahat.

5. KAILANGAN LANG ANG DAPAT BILHIN. Kapag mamimili, iprayoridad ang pangunahing pangangailangan at isantabi muna ang luho dahil tulad ng nabanggit, kailangang maging matalino sa paggastos dahil limitado lamang ang pera.

6. HUWAG UMASA SA IBA. Walang masama humingi ng tulong, pero huwag ugaliing lahat na lang ay iaasa sa iba. Sa panahon ng krisis, lahat ay nahihirapan kaya kailangang tayo mismo ay nagsisikap para magkaroon ng mga bagay na kailangan natin.

‘Ika nga, matututo lamang ang tao kapag nasabak ito sa mahirap na sitwasyon. Anuman ang pinagdaraan natin sa ngayon ay magsilbi sanang aral sa mga susunod na pagkakataon. Paulit-ulit nating paalala na maging matalino sa paghawak ng pera dahil hindi natin masasabi kung kailan natin ito pinakakakailanganin. Ganern!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page