top of page
Search
  • Ryan B. Sison

Donasyong test kits mula ibang bansa, pinagkakitaan ng mga buwakaw sa Customs, for sale!


Boses ni Ryan B. Sison

Habang tumatagal, pataas nang pataas ang bilang ng mga Pinoy na may Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Kaya magandang balita sana ang hatid ng pagdami ng suplay ng testing kits at testing centers, dahil ibig sabihin lang nito, mas maraming Pinoy ang masusuri kumpara nu’ng mga unang araw.

Ang problema, kahit dumadagsa ngayon ang tulong at donasyong testing kits mula sa iba't ibang bansa tulad ng China, Korea at Singapore, pinagsasamantalahan naman ito ng ilang buwaya nating kababayan na kesa unahin ang pagtulong sa panahong ito ay pera-pera pa rin ang nasa isip.

May nakarating sa aming impormasyon hinggil sa diumano’y bentahan ng COVID-19 test kits. Ang siste, ‘yun palang donasyon ng ibang bansa ay ibinebenta ng ilang buwaya sa Customs sa halagang P50, 000 kada box sa mayayamang pamilya.

Nakakainit ng ulo at nakakapanginig ng laman na kung may mga lokalidad na nagbibigay ng libreng checkup sa mga residente para masugpo ang deadly virus na ito, may ilan namang ayaw paawat at pinagkakakitaan pa ang dapat ay libre lang na test kits.

Malinaw namang tulong ito mula sa ibang bansa, pero bakit pagdating sa Pilipinas, may bayad na?

Ang masaklap pa, ‘yung mga kababayan nating higit na karapat-dapat ma-test ay nakatengga at nag-aabang ng tulong hanggang 'yung ilan nga ay nauuwi na lang sa kamatayan.

Ang problema sa atin, hangga’t puwedeng pagkakitaan, gagawan ng paraan kahit may maagrabyado pa.

Ganito ba talaga kasugapa ang ilang walang pusong kababayan natin? Sasamantalahin pa ‘yung sitwasyon para sa pera? Bahala nang magdusa ang mga tinamaan ng virus, basta may maibulsa lang sila. Tsk!

Kayong mga buwakaw d'yan sa Customs, ‘yung mga test kits na pinagkakakitaan ninyo, ibigay n’yo ‘yan sa mga talagang nangangailangan, hindi sa mga may pera lang.

Para ‘yan sa mga kababayan natin. Sana lang, tamaan kayo ng kunsensiya at hindi ng nakamamatay na virus na 'yan dahil kapag nagkataon, malamang ay hindi rin kayo maisalba ng perang dinupang n'yo.

Sa ganitong pagkakataon, bayanihan at pakikipagkapwa-tao ang dapat mamayani, kaya huwag gawing negosyo ang mga test kits na makakapagligtas ng maraming buhay.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page