top of page
Search
  • Fr. Robert P. Reyes

Buryong o makabuluhan at mabungang home quarantine

Nararanasan sa mga bilangguan ang kakaibang kalagayan ng isipan at pagkatao na bunga ng pagkakapiit nang matagal sa isang lugar—buryong ang tawag dito—na ilang ulit na nating naranasan dahil sa mga pagkakataong isinangkot tayo sa mga kasong pulitikal, tulad ng “libelo”, “rebelyon” at “sedisyon”.

Bagama’t alam nating wala tayong kasalanan, wala tayong magawa kundi tiisin ang ilang araw ng pagkakapiit dahil ito ang hinihingi ng batas kapag naglabas na ang korte ng “arrest warrant” at hindi nakapagbayad agad ng piyansa ang nahainan ng naturang utos ng korte.

Ngunit, hindi natin masyadong ininda ang ilang ulit na pagkakaso at pagkakapiit nang walang hustisya. Natutunan nating tanggapin ang natural na kapalit ng adbokasiya at misyon para sa katarungan, karapatang-pantao at katotohanan.

Kapag nasasaling na ang malalaki at makapangyarihan sa lipunan, hindi maiwasan ng mga ito na hindi gamitin ang kanilang posisyon at ang kapangyarihang kalakip nito. Sa naturang laban, malinaw kung sino ang iyong kalaban—kilala mo siya—alam mo kung ano ang kanyang dahilan sa paggipit sa iyo.

Ngunit, iba ang “buryong sa sariling bahay” dahil sa enhanced community quarantine dulot ng matinding banta at panganib ng COVID-19.

Magkakaiba ang laki at disenyo ng mga bahay, may pamilya na kumpleto ang kagamitan at maluwag ang bawat bahagi ng kanilang bahay pero kung pag-uusapan natin ang maralitang taga-lungsod, alam natin ang kanilang pangunahing problema. Hindi sapat, maliit at sa maraming kaso, napakaliit ng kanilang tinatawag na bahay. Kaya isinulat ni Gary Granada ang kanyang kanta na pinamagatang Bahay.

“Isang araw ako’y nadalaw sa bahay-tambakan, labinlimang mag-anak ang duo’y nagsiksikan. Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira, habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira.

Sa init ng tabla’t karton sila doo’y nakakulong, sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong, pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato. Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?

Iminulat ko ang nakita ng aking mga mata sa kanilang kalagayan,

at ginawan ko ng kanta. Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman, at isinangguni ko sa mga taong maraming alam.

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko at dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo. Ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito, lahat sila’y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

Dapat lamang pakinggan at intindihin ang malalim na kahulugan ng lyrics nito. Napakadaling sabihing bahay at gamitin ang ang katagang ito para sa mga tinutuluyan ng mga mahihirap. Napakadaling pag-usapan ng mga pulitiko, diyornalista, taong-simbahan, guro o ng mga taong may sariling bahay na malayung-malayo sa mga maliit, maiinit na lungga na tinutuluyan ng mga maralita.

Buryong ang kalagayan ng isip at katawan na tila sasabog dahil sa labis na init, gipit at inis na dulot ng lubhang maliit na espasyo. Bagama’t kailangang ipatupad ang enhanced community quarantine at stay at home, baka kailangan na ring pag-usapan kung anong tulong ang maibibigay sa mga tinatamaan na ng “buryong COVID-19.”

Marami na tayong nakitang paraan laban sa “buryong COVID-19” sa ating pag-iikot, may mga nagbi-videoke, nagbi-video games, nanonood ng kung anu-ano sa TV at internet, nagsusugal, nagkukuwentuhan, natutulog, nagkukutkot ng kung anu-anong maakain at iba pa.

Ngunit, mayroong mas makabuluhang magagawa. Ito ay manalangin sa Diyos na matapos na ang kalbaryo sa lalong madaling panahon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page