top of page
Search
  • Sonny Angara

Mga health workers, prayoridad sa bagong naipasang batas na Bayanihan To Heal As One


Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Habang isinusulat natin ang pitak na ito, malungkot na balita ang ating natanggap. Kumpirmado ang inyong lingkod ay positibo sa COVID-19.

Ako ay nagpasuri noong Marso 16 at mula noon, tayo ay nag-self-quarantine at hindi na tumanggap ng anumang iskedyul at hindi na rin dumalo sa anumang pagpupulong.

Sa kabila nito, patuloy tayong magkaisa at manalangin na matapos na ang paglaganap ng karamdamang ito.

Patuloy din nating suportahan at tulungan ang mga frontliners upang tuluy-tuloy din ang kanilang paliligtas sa ating lahat.

◘◘◘

Napakasakit isiping sa mga panahong ito, kung kailan kailangan nating lahat ang pag-aaruga ng mga magagaling na mediko ay napapabilang din sila sa mga pumapanaw dahil sa trahedyang dulot ng COVID-19.

Sampu na sa ating magagaling at magigiting na doktor ang nalagas habang nasa kasagsagan ng pakikidigma laban sa karamdamang ito.

Ipinaaabot natin ang ating taos-pusong pakikiramay, pagsaludo at pagkilala sa kanilang kabayanihan hanggang sa huling sandali.

Kaugnay pa nito, marami na sa mga health workers ang nagkakasakit at ngayon ay pawang naka-quarantine. Maging ang malalaking ospital tulad ng Makati Med, St. Luke’s Hospital at Medical City ay nagdeklara na ng full capacity. Ibig sabihin, punuan na sila pero handa pa ring tumulong sa COVID-19 patients sa abot ng kanilang makakaya.

Isa ang kapakanan ng ating mga frontliners, partikular ang mga health workers sa binigyang prayoridad sa nilagdaang batas ni Pangulong Duterte kamakailan – ang RA 11469 o ang Bayanihan To Heal As One.

Nilalaman ng batas na ‘yan ang pagsigurong tatanggap ng kaukulang kompensasyon ang ating mga health workers na ngayon ay nagbubuwis ng kanilang buhay sa paglaban sa COVID-19.

Nakasaad pa sa batas na ito na ang mga health workers ay bibigyan ng COVID-19 special risk allowance, maliban pa sa matatanggap nilang hazard pay.

Babalikatin din ng PhilHealth ang lahat ng kanilang gastusin sakaling maratay sila mula sa naturang sakit.

Malinaw din sa batas na ito na sinumang health worker na tatamaan ng COVID-19 sa kasagsagan ng pagsisilbi nila sa frontlines ay tatanggap ng P100, 000 compensation, habang P1 milyon naman ang ipaglakaloob na kompensasyon sa kanilang pamilya sakaling sila ay pumanaw habang nasa duty. Sakop ng mga kompensasyong ito ang mga insidente sa frontlines mula Pebrero 1, 2020.

Kung pagbabasehan natin ang mga pangyayari nitong mga araw na ito, malinaw na wala pa ring katiyakan kung hanggang kailan natin lalabaman ang krisis na ito.

Pakiusap at hiling lamang natin sa ating mga kababayan at kasamahan sa gobyermo, magtulung-tulong tayo, isantabi muna natin ang away-pulitika, sumunod tayo sa mga ipinatutupad na alituntunin at patakaran, at magkaisa para maging solido ang ating laban.

Malalampasan natin ang kalbaryong ito, huwag tayong mawawalan ng pag-asa.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page