top of page
Search
  • Kuya Win Gatchalian

Maagang pagbubuntis, pangunahing dahilan kaya nasisira ang kinabukasan ng kabataan


Ngayong National Women’s Month, ating kilalanin ang pinakamamahal nating mga Pilipinong kababaihan na nagsisilbing lakas at inspirasyon para sa makabuluhan nilang kontribusyon sa ating lipunan.

Sa isang buwang pagdiriwang na ito, nais nating muling bigyang-diin ang kabuluhan ng diskusyon tungkol sa mga kaso ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa Pilipinas upang patuloy nating maitaguyod ang layunin para sa women empowerment.

Nakalulungkot dahil isa ang maagang pagbubuntis sa pangunahing dahilan kung bakit hindi na pumapasok ang ibang estudyante sa kanilang klase.

Nakasaad sa Annual Poverty Indicators Survey 2017 ng Philippine Statistics Authority (PSA) na “marriage or family matters” ang pangunahing dahilan kung bakit wala sa paaralan ang mga babaeng may edad na anim hanggang 24.

Bukod dito, bumaba man ang mga kaso ng teenage pregnancy sa kababaihang edad 15 hanggang 19, tumaas naman ang kaso ng maagang pagbubuntis sa mas bata pa na may edad 10 hanggang 14.

Ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM), tumaas ang mga kaso ng maagang pagbubuntis sa nasabing age group mula 1, 381 noong 2011 hanggang 2, 250 noong 2018.

Sa layuning mabigyan ng pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon ang kabataan, mahalagang matukoy natin ang mga hadlang para makamit natin ang ating mga adhikain.

Sa kaso ng mga batang kababaihan, nakikita natin na ang isyung ito ang isa sa mga kailangan nating tutukan bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Naniniwala tayo na kung hindi mahihinto ang mga batang kababaihan sa pag-aaral dahil sa maaga nilang pagbubuntis, matutupad nila ang kanilang potensiyal sa pagkakaroon ng magandang katayuan at mahalagang kontribusyon sa ating lipunan.

Base sa ulat na ‘Women in Business’ ng Thornton International ngayong 2020, ipinakikita na ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng kababaihang may executive positions o matataas na posisyon sa mga kumpanya.

Masasayang lang ang potensiyal ng kabataang ito kung hindi maaagapan ang suliranin sa pagkaantala ng pag-aaral sanhi ng pagbubuntis.

Dito pumapasok ang kahalagahan ng comprehensive sexuality education upang mabigyan ng sapat na kaalaman at proteksiyon ang kabataang mag-aaral mula sa maagang pagbubuntis — dulot man ito ng pisikal na pang-aabuso at seksuwal na karahasan o hindi.

Ang pagtataguyod ng magandang edukasyon sa kababaihan ay nakatuon sa pagkamit nito ng magagandang oportunidad at mga kasanayan na kanilang madadala hanggang sila ay maging propesyunal na.

Kaya naman, dapat lamang nating gawin ang lahat ng ating makakaya para tulungan ang mga kabataang babae laban sa maagang pagbubuntis dahil pinagkakaitan nito ang maayos na kinabukasan na nakalaan para sa kanila.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page