top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Ano ba ang SSS option to sell shares program?

Dear SSS, Ano ba ang Option to Sell Shares Program ng SSS? Condonation program ba ito para sa SSS Stocks Investment Loan Program? May kasalukuyang SILP ako pero hindi updated ang pagbabayad ko. Salamat! - Jeany

Sagot Kaunting bilang lamang ng mga kasalukuyang miyembro ang nakaaalam ng Stock Investment Loan Program. Para sa kaalaman ng ating mga miyembro, ang Stock Investment Loan Program o SILP ay programang pautang ng SSS na inilunsad noong 1988 upang mabigyan ng oportunidad ang mga miyembro ng SSS na magkapag-invest sa stock market at sa mga kumpanyang nagkaroon ng Initial Public Offering (IPO).

Sa ilalim ng nasabing programa, nagpahiram ang SSS sa mga miyembro nito upang ipambili ng shares of stocks sa mga blue chips na kumpanya na listed sa Philippine Stock Exchange (PSE). Ang mga blue chips ay mga kumpanya na itinuturing na ligtas ang pamumuhunan dahil ito ay kinikilalang matatag at may mahusay na kakayahang kumita kahit anuman ang kalagayan ng merkado.

Samantala, noong 1994 ay binuksan ng SSS ang Privatization Fund Loan Program o PFLP para sa mga miyembro na interesadong bumili ng shares of stocks sa Meralco at Petron na nagbebenta ng stocks noong panahong iyon.

Noong 1997 ay itinigil na ang SILP at PFLP dahil maraming miyembro ang nagkaroon ng delingkuwenteng pagkakautang o hindi nakapagbayad ng kanilang pagkakautang sa SSS.

Mas marami namang mga miyembrong nakatapos ng pagbabayad sa kanilang SILP at PFLP na sa kasalukuyan ay pinakikinabangan na ang kanilang ipinuhunan sa pamamagitan ng regular na pagtanggap ng mga dibidendo mula sa mga kumpanyang pinaglagakan nila ng pera. Ito ay maituturing na nilang panghabambuhay na investments kung saan kahit sila ay mga retirado o pensiyonado na sa SSS ay kumikita pa rin bilang mga shareholders ng stocks.

Sa ngayon, wala pang condonation program para sa SILP at PFLP. Gayunman, mula noong Pebrero, 2015 ay inihain ng SSS ang Option to Sell Shares Program para tulungan ang mga miyembrong hindi nakapagbayad ng kanilang pagkakautang sa SILP at PFLP.

Sa ilalim nito, kailangang mag-execute ang miyembro ng Special Power of Attorney na nagpapahayag na binibigyan niya ng authorization ang SSS para ibenta ang kanyang shares of stocks sa kasalukuyang halaga na itinakda sa merkado, ayon na rin sa quotation ng accredited broker. Ang halagang makukuha sa pagbebenta ng shares of stocks ay mapupunta naman sa kabayaran ng outstanding SILP o PFLP loan balance ng miyembro.

Gagamitin ang naiwang halaga pagkatapos ibawas ang komisyon ng broker, tax at iba pang fees sa hindi pa nababayarang SILP o PFLP loan balance at iba pang mga pagkakautang ng miyembro sa SSS tulad ng salary, calamity, emergency, housing atbp. Kung mayroong sobra sa halagang ibinawas sa miyembro, ito ay ibabalik sa member-borrower matapos ang pagbebenta ng kanyang stocks.

Kung ang nalikhang pondo mula sa pagbenta ng stocks ay kulang para bayaran ang overdue na SILP o PFLP loan balance, maaaring bayaran ng miyembro ito sa pamamagitan ng cash payment o sa pamamagitan ng pagbawas sa na-renew na salary loan o sa final benefit claim ng miyembro. Patuloy namang papatawan ng buwanang penalty at interest ang SILP at PFLP nito hanggang mabayaran nang buo ang utang.

Bunga nito, tinatawagan namin ang mga delingkuwenteng SILP at PFLP borrowers na mag-avail ng Option to Sell Shares of Stocks Program para makakuha ng magandang kita mula sa pagbenta nila ng kanilang stocks. Higit pa rito, makatutulong ito upang hindi na tuluyan pang madagdagan ang balanse ng kanilang mga pagkakautang sa sandaling sila ay mag-file ng retirement claim sa SSS.

Para sa mga interesadong mag-apply sa Option to Sell Shares of Stocks Program, maaari silang magtungo sa pinakamalapit na sangay ng SSS o kaya ay makipag-ugnayan sa Member Loans Department, 5/F, SSS Building, East Avenue, Diliman, Quezon City.

◘◘◘

Patuloy naming ipinaaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page