top of page
Search
  • Shane Ludovice

Sobrang gamit ng computer sanhi ng pamamanhid ng palad at mga daliri

Dear Doc. Shane, Mahigit tatlong taon na akong nagtatrabaho bilang call center agent. Dahil sa mahabang oras ng paggamit ko ng computer ay madalas sumasakit at parang namamanhid ang aking mga daliri, lalo na ang hinlalaki at hintuturo. Sabi ng workmate ko ay Carpal Tunnel Syndrome raw ito. Ano ba ang puwede kong gawin para magamot ito? Ipinapahinga ko naman ang mga kamay ko pero ganu’n pa rin? - Kell

Sagot Ang Carpal Tunnel Syndrome ay sanhi ng naiipit na “median nerve” o isang ugat sa gitna ng pulso o wrist na nagdudulot ng pamamanhid ng palad at mga daliri.

Ang karaniwang sanhi nito ay ang madalas na paggamit o overuse ng mga kamay, biglang pagtaba, pagbubuntis, dating baling buto na malapit sa pulso, sakit sa ibang katawan tulad ng thyroid, kidneys o sumasama rin sa ibang uri ng rayuma.

Narito ang ilan sa mga puwedeng gawin para hindi ito lumala:

  • Iwasan ang sobrang pagtiklop ng wrist o pulso sa pamamagitan ng paggamit ng “splint” lalo na sa gabi kapag natutulog.

  • Pagsasagawa ng carpal tunnel exercises.

  • Maaaring magpareseta ng gamot para sa sakit at pamamaga (NSAIDs medicine) o gamot para sa “nerve pain” tulad ng gabapentin o pregabalin.

  • Maaaring turukan ng kaunting steroid para mas mabilis ang paghupa ng pamamaga at sakit pero hindi magandang gawin ito mahigit sa tatlong beses kada taon.

  • Maaari itong operahan para paluwagin ang carpal tunnel at hindi na maipit ang ugat.

Makabubuti kung magpapakonsulta agad sa mga eksperto tulad ng rheumatologists, rehab medicine o orthopedic surgeons kung may nararanasang mga ganitong sintomas upang ma-diagnose, mabigyan ng karagdagang payo at tamang gamutan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page