top of page
Search
  • Bong Revilla

Pekeng whistleblower vs. P-Digong, nakonsensiya, umatras!


Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Unti-unti nang nahuhubaran ang katauhan ng mga pekeng whistleblowers dahil sa kalaunan ay hindi rin kinakaya ng kani-kanilang konsensiya na magsinungaling para lamang makapanira.

Tulad na lamang nitong naganap na pag-atras ni Atty. Camilo ‘Jude’ Sabio sa inihain nitong reklamong crime against humanity kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Noong unang lumabas si Sabio, inakala ng lahat na totoo ang mga pahayag ng mga nagpakilalang whistleblowers na kliyente nito kasunod pa ng mga follow-up na pahayag ng kanyang mga handlers na tila nakakuha ng simpatiya.

Ngunit, biglang bumaligtad si Sabio matapos umano’y hindi makatulog dahil binabagabag na umano siya ng kanyang konsensiya at wala namang katotohanan ang mga ibinatong pahayag at akusasyon laban sa pangulo.

Natural na kasalukuyang natataranta ang mga nasa likod ni Sabio na wala namang ibang motibo kundi ang siraan o pabagsakin ang ating pangulo, kapalit ng pangakong babayaran siya ng malaking halaga ngunit, tila nasuba.

Ang masaklap, pinaninindigan ngayon ni Sabio na kaya siya umatras ay dahil sa ayaw na niyang pagamit sa political propaganda ng oposisyon na nais makabawi sakaling mapansin pa sa susunod na eleksiyon.

Sa totoo lang, ramdam ko ang pangyayaring ito dahil ganito rin ang nangyari sa akin bago ako nakulong, tatlong whistleblowers ang nagkaisang idiin ako sa kasong hindi ko alam.

Dahil sa pare-pareho ang tono ng tatlong whistleblowers na inilabas nila laban sa akin, wala akong nagawa kundi ang sumuko para harapin ang kasong kahit kailan ay hindi nangyari.

Tulad ng dapat asahan sa gitna ng mga pagdinig ay isa-isang umatras ang mga whistleblowers at nagtapat sa Sandiganbayan na sila ay inutusan lamang magsinungaling kapalit ng kanilang kaligtasan.

Napakasakit paratangan ka sa kasalanang hindi mo ginawa at kahit sa isip ay hindi ko maisip na kakasuhan ako ng plunder para lamang sirain ang aking pangalan na mula bata pa ay akin nang iningatan.

Mabuti na lamang at hindi ako pinabayaan ng langit at napawalansala tayo ng Sandiganbayan ngunit, hanggang ngayon ay may mga galamay pa rin ang mga kalaban sa politika na hindi tumitigil sa paninira, araw-araw.

Sa ngayon, unti-unti na nating natutupad ang mga ipinangako natin noong nakaraang kampanya at umabot na sa 210 bills at resolution ang ating naisumite sa loob lamang ng anim na buwan.

Ito ang patunay na hindi tayo nagpapahinga tulad ng nais palabasin na naman ng ating mga kalaban sa politika na wala tayong ginagawa dahil hindi nagsisinungaling ang ebidensiya.

At kampante akong balewala ang isinampang kaso laban sa pangulo dahil kahit kailan, hindi nagtagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan.

Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page