top of page
Search
  • Korina Sanchez

Biktima ng Polio, dumarami dahil sa takot magpabakuna

Umabot na sa Metro Manila ang kaso ng polio matapos maitala ang bagong kaso ng isang 3-anyos na lalaki mula sa Quezon City.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, bukod sa QC, may naitala ring dalawa pang kaso mula naman sa Maguindanao — dalawang batang lalaki na may edad dalawa at tatlo, at isa pang 2-anyos na batang lalaki na mula naman sa Sultan Kudarat.

Kaya sa kabuuan, labing-anim na kaso ng polio na ang naitala ng Department of Health (DOH) mula noong Setyembre ng nakaraang taon.

Matatandaang, naideklarang polio-free ang Pilipinas noong 2000.

Nakalulungkot dahil hindi pa man natatapos ang pinakabagong sakuna ay tila may bago na namang pangamba na hindi dapat ipagsawalambahala ng taumbayan.

Panahon na para muling palakasin ang mga programa ng gobyerno tungkol sa pagpapabakuna — para sa polio at iba pang sakit.

Gayunman, walang silbi ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga programa ng gobyerno, partikular ang DOH, kung mismong magulang ang tumatanggi na pabakunahan ang kanilang anak.

Marahil, may ilan pa rin ang takot dahil sa ginawang ingay ng kontrobersiyal na Dengvaxia. Walang dapat ikabahala sa polio vaccine dahil ilang taon na nating napatunayan na ito ay ligtas.

Bilang magulang, ikabubuti ng kalusugan ang dapat nating prayoridad, kaya para sa mga magulang na ayaw pabakunahan ang kanilang mga anak, sana ay maisip ninyo na sa ginagawa ninyong ‘yan ay malaki rin ang posibilidad na malagay sa alanganin ang inyong anak.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page