Bulgar Big Logo.jpg

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc. 

Math at Science High School, isulong para maitaas pa ang kalidad ng edukasyon

January 16, 2020

Kuya Win Gatchalian / Win Tayong Lahat

 

Isa sa mga indikasyon ng maunlad at progresibong lipunan ay ang presensiya at kontribusyon ng mga siyentipiko, matematiko, inhinyero at iba pang eksperto na nagsisilbing utak at humahawak ng malaking papel sa pagpapatakbo ng iba’t ibang industriya sa ating bansa.


Naniniwala tayong ang karunungan ng mga mag-aaral sa Math at Science ay kasanayang kanilang aangkinin at dadalhin sa araw-araw na gawain o aktibidad.

 
Mayroon silang abilidad na magpaliwanag nang malalim na naiintindihan ng publiko, maging malikhain, mapanuri at sumagot ng may kabuluhan.


Napapanahon na talaga upang magkaroon ng Math at Science High School sa bawat sulok ng bansa dahil nahuhuli na sa karunungan ang mga mag-aaral sa naturang mga paksa.


Sa ating mga nagdaang kolum, matatandaan na ating tinalakay ang nakababahalang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018 na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD). 


Lumabas sa ulat nito na sa 79 bansa, ang mga estudyante sa Pilipinas ang nakakuha ng pangalawang pinakamababang marka sa Math at Science. 


Ang kakayahan ng mga mag-aaral sa Math at Science ay hindi lamang sumasalamin sa katayuan ng ating sistema ng edukasyon. 


Ipinakikita rin nito ang kakulangan sa kahandaan ng kabataan na maging bahagi ng ating mga industriya sa kanilang pagtatapos, lalo na ngayong napakabilis ng pagbabagong dulot ng teknolohiya.


Dahil sa suliraning ito, kailangan na natin ng kongkretong solusyon upang maitaas ang kalidad ng kaalaman at karunungan ng mga estudyante sa mga paksang nabanggit.


Ito ang dahilan kaya ating isinusulong ang pagtatayo ng pampublikong Math at Science High School sa bawat probinsiya para sa mga estudyanteng Grades 7 hanggang 12. 


Sa pamamagitan nito, maiaangat ang kakayahan ng mga mag-aaral mula sa mga probinsiya, lalo na at lumabas din sa resulta ng PISA na mas mababa ang mga markang nakuha ng mga mag-aaral mula sa malalayong lugar kung ihahambing sa mga mag-aaral na nasa siyudad. 


Inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 369 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act. Sa ilalim ng paggabay ng Department of Education (DepEd) at Department of Science and Technology (DOST), ang mga ipinanunukalang paaralan ay magkakaroon ng integrated junior-senior high school curriculum na tututok sa Advanced Science, Mathematics at Technology.


Sa ilalim pa rin ng naturang panukalang-batas, kapag nagtapos na ang estudyante ng high school ay nangangailangan silang kumuha ng kursong tulad ng Pure and Applied Sciences, Mathematics, Engineering, Technology at iba pang mga kaugnay na larangan na irerekomenda ng Commission on Higher Education (CHED).


Sa pag-angat natin ng kalidad ng edukasyon, layunin nating makitaan ng husay ang bawat mag-aaral anuman ang kanilang katayuan sa buhay o saanman sila nagmula. 


Simulan natin ito sa pagpapatayo ng mga pampublikong institusyon na tutulong na mapatalas ang kakayahan at karunungan ng mga mag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Share on Facebook
Share on Twitter
Please reload

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

TOP STORIES

Please reload

.                                                                                      .                                                                                      .

  • hamburger icon blgr