top of page
Search
  • Bobi Tiglao

Palpak na serbisyo ng Immigration, mga turista, nadadala

Bilib man ako sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, parang walang “Duterte” ang naranasan ko sa airport pagbalik namin galing bakasyon sa Japan.

Grabe ang naranasan naming eksena patungo sa Immigration counter sa airport. Napakahaba na ng pila, napakainit pa at karamihan sa mga turista ay naiinis kung bakit ganito kahirap dumaan sa Immigration ng Pilipinas.

Isipin ninyo, libu-libong turista ang pumapasok sa Pilipinas nu’ng time na ‘yun, pero siyam lang ang mga tauhan ng Imigrasyon na nagpoproseso ng mga pasaporte! Hindi nakapagtataka na matagal talagang maghihintay ang mga turista sa napakainit na airport terminal.

Hindi tayo natuwa sa mga nangyayari, pero naawa ako sa isang banyaga na karga ang kanyang sanggol na iyak nang iyak dahil mainit ang lugar kung saan nasabi pa nitong hindi na raw siya babalik dito. Tsk!

Sa totoo lang, nasasayang lang ang pagod at effort ng Department of Tourism sa panghihikayat ng mga banyaga na bumisita sa Pilipinas.

Pupunta o magbabakasyon ang mga banyaga sa Pilipinas pero sa huli ay ipahahayag o posible pa nilang ikuwento sa kanilang mga kaibigan at kababayan ang kanilang pagkadismaya sa bansang ito.

Wala sigurong ginagawa ang opisyal ng Bureau of Immigration na si Jaime Morente para mapadali ang pagpasok ng mga turista sa bayan natin.

Sana ay bisitahin ni Morente ang mga airport, partikular sa panahon kung kailan dagsa o napakaraming turista ang dumarating sa bansa nang sa gayun ay maranasan at makita ng mismong dalawang mata niya ang problemang dapat niyang lutasin.

Sa kabila ng pagkadismaya natin, meron tayong suhestiyon para mapadali ang proseso ng Immigration counters.

Una, sentido-komon lang na kapag maraming turista ang dumating o ‘ika nga, ‘peak season’, dapat damihan ang mga opisyal ng Immigration na magpoproseso ng mga pasaporte ng mga turista.

Alam n’yo ba na noong dumating ako sa airport, walang tao sa isang cubicle na dapat magproseso ng mga passport?

Pangalawa, pabayaan na lang ang mga may pasaporte ng Pilipinas na pumasok na, huwag nang busisiin pa ang kanilang passport dahil sa totoo lang, ganito ang ginagawa ng mga maraming bansa sa mundo.

Karapatan ng bawat Pinoy na pumasok sa sariling bayan na hindi na kailangang ipakita ang passport nila lalo na kung hindi naman ito kriminal.

Kung ang katwiran ay paano kung peke ang passport? Hindi ba, iniyayabang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na “world class” na ang mga pasaporte natin kung saan meron itong electronic chip at mahirap pekein?

Mas okay kung magkaroon na lang ng spot checks, halimbawa, obvious na “mukhang banyaga” ang turista at hindi pa marunong magsalita ng Tagalog o Bisaya, tapos sasabihing Pinoy siya, sa pagkakataong ‘yun nila busisiin ang passport nito.

Paniguradong iiksi o malaking kaluwagan sa mga pila patungo sa Immigration kung hindi na kailangan pang busisiin ang pasaporte ng mga Pinoy.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page