top of page
Search
  • Buti Na Lang May SSS

Mga benepisyong maaaring ibigay ng SSS sa mga miyembrong apektado ng COVID-19

Buti na lang may SSS

Sa unang bahagi ng pitak na ito ay tinalakay natin ang Sickness at Unemployment Benefit kung saan inilahad natin ang mga kuwalipikasyon sa mga miyembrong nais mag-apply dito. Samantala, atin namang pag-usapan ang tatlo pang mga benepisyong maaaring ibigay ng SSS sa mga miyembrong dinapuan ng sakit na Coronavirus Disease (COVID-19). Ito ay ang disability, funeral at death benefits.

Disability Benefit Program

Kung ang miyembro ay hindi inaasahang magkasakit dahil sa COVID-19 at nagtamo ng pagkabalda sa kanyang katawan dahil sa hindi inaasahang pangyayari tulad ng aksidente, maaari siyang mag-claim ng disability benefit.

Ang benepisyo sa pagkabalda ay ibinabayad sa miyembrong nawalan ng kakayahang magtrabaho o ang kanyang kakayahang kumita ay nabawasan dahil sa kapansanan na sanhi ng karamdaman o pagkapinsala.

Isasailalim siya sa pagsusuri ng mga doktor ng SSS upang malaman kung ang kanyang pagkabalda ay kuwalipikadong mabigyan ng nasabing benepisyo. Ilan sa halimbawa nito ay ang pagkaputol ng daliri, kamay, braso, binti na may kani-kanyang bilang ng buwan ng pagtanggap ng miyembro.

Buwanang pensiyon ang ibinabayad sa miyembro na nagkaroon ng kapansanan kung siya ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS bago ang semestre ng pagkabalda. Samantala, lump sum amount naman ang ibinabayad kung siya ay hindi nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon.

Funeral Benefit Program

Kung ang miyembro na dinapuan ng nasabing sakit ay hindi inaaasahang namatay, maaaring makapag-claim ang sinumang nagbayad o gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro o pensiyonado ng SSS. Hindi ito kinakailangang kamag-anak ng miyembro. Mula Agosto 2015, ang benepisyo sa pagpapalibing ay nagkakahalaga mula P20, 000 hanggang P40, 000 batay sa average monthly salary credit ng miyembro at ang credited years of service o haba ng paghuhulog niya sa SSS. Upang ma-qualify, kinakailangang nakapagbayad ang miyembro ng kontribusyon sa SSS bago ang kanyang pagkamatay.

Death Benefit Program

Bukod sa funeral benefit, ang mga pangunahing benepisaryo ng namatay na miyembro ay maaari ring makakuha ng death benefit. Ang benepisyo sa pagkamatay ay ang halagang ibinabayad bilang buwanang pensiyon o lump sum amount sa mga legal na benepisaryo ng namatay na miyembro. Ito ay may kategorya: Ang primary beneficiaries tulad ng asawa at mga menor-de-edad na anak; secondary beneficiaries kung saan ang binabayaran ng SSS ay ang mga magulang ng binata o dalagang miyembro namatay; designated beneficiaries o ang mga itinakdang benepisaryo tulad ng kapatid, anak ng namayapang miyembro at ang legal heirs o tagapagmana ng namayapang miyembro na karaniwan ay kanyang “blood relative.”

Samantala, kung nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagkamatay ng miyembro, ang kanyang primary beneficiaries o legal na benepisaryo ay makakukuha ng buwanang pensiyon. Kung namatay ay pensiyonado, ang 100% ng basic monthly pensiyon niya ay isasalin sa kanyang asawa at mga menor-de-edad na anak.

Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 36 buwan ang naihulog ng miyembro. Lump sum benefit din ang benepisyong ibinibigay kung walang primary beneficiaries o legal na asawa o menor-de-edad na anak ang miyembro.

Samantala, ang dependent’s pension ay ibinibigay sa mga menor-de-edad na mga anak ng miyembro, lehitimo man ito o ilehitimo kung hindi pa tumutuntong sa edad 21, walang asawa at hindi pa nagtatrabaho.

Ang halagang kanyang matatanggap ay katumbas ng 10% ng basic monthly pension ng miyembro o P250 kada bata, alinman ang mas mataas. Ito ay ipinagkakaloob sa limang menor-de-edad na anak, mula sa pinakabata at walang subsititution. Matitigil lamang ang pagbibigay ng dependent’s pension sa sandaling umabot na edad 21 ang anak ng miyembro, namatay, makapag-asawa o magkaroon ng trabaho.

Sa ilalim ng batas ng SSS, kung hindi na menor-de-edad ang mga anak ng namayapang miyembro ng SSS at sila ay isinulat bilang mga designated beneficiaries, sila naman ang maaaring makapag-file ng death benefit at makatatanggap ng lump sum amount.

Tandaan, tanging ang mga primary beneficiaries lamang ang tatanggap ng buwanang pensiyon. Ang mga secondary beneficiaries, designated beneficiaries at legal heirs ay lump sum benefit kahit pa nakabuo ang namayapang miyembro ng 36 buwanang kontribusyon o higit pa.

 

Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page