top of page
Search
  • Bong Revilla

Mga biktima ng 'yolanda', biktima rin ng mga korup sa pabahay


Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Alam ba ninyong maraming bata na ang hindi kilala si Santa Claus? Ito ang literal na dinaranas ng mga bata na anim na taon nang nagdurusa sa kanilang kalagayan sa Eastern Samar.

Ito ay dahil ngayong buwan ay ikaanim na anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Eastern Samar na kumitil ng mahigit sa 6,000 at nagtala ng napakaraming nawawala.

Tama kayo, ito ang Bagyong Yolanda na sumalanta sa napakalawak na lugar at sumira sa napakaraming bahay na nagtala sa ating kasaysayan ng isa sa pinakamalalaking delubyo na dumaan sa bansa.

Napakaraming bansa ang nagbigay sa atin ng ayuda para mabilis na makaahon ang mga biktima ng Bagyong Yolanda ngunit, alam ba ninyo na hanggang ngayon, wala pa ring maayos o disenteng tahanan ang mga kababayan natin doon?

Sa totoo lang, hindi natin alam kung dapat nating purihin ang National Housing Authority (NHA) o hindi dahil isa sila sa mga unang nagtayo ng pabahay sa mga bikitma ng bagyo ngunit, hanggang ngayon ay matinding pagdurusa pa rin ang kanilang dinaranas dahil walang kuryente at tubig.

Naiisip ba ninyo kung paano nila iniraraos ang araw-araw na walang tubig at kuryente? At kaya ang mga bata ay literal na hindi kilala si Santa Claus dahil wala silang telebisyon na panonooran?

At kapag umuulan ay hindi rin malaman ng mga tao kung matutuwa sila dahil nakakapaligo nga sila nang libre, pero dahil sa napakabilis ng pagtaas ng tubig, lumulubog naman sila sa baha at putik.

Kapag mainit ay wala namang puntahan ang ating mga kababayan dahil sa sobrang init na kanilang dinaranas sa kawalan ng kisame o kung meron man ay sobrang baba na pakiramdam nila ay nililitson sila sa loob ng bahay.

Ayon sa ulat, nasa 36 units pa lamang ang naia-award ng NHA sa mga biktima ng Bagyong Yolanda dahil sa itinigil na ang paggawa noon pang 2017 at ang masaklap pa, nabayaran na umano ang contractor nito ng halagang P111.23 milyon, pero hindi natapos ang proyekto.

Nagrereklamo pa ang mga nabigyan ng housing unit dahil sa nadiskubre nila na ang mga pader ng kanilang bahay ay walang mga patigas na bakal at puwedeng gumuho anumang oras.

Kung papasyalan ninyo ang Eastern Samar, makikita ninyo na maraming bahay ang sinimulang itayo ngunit, puro hindi tapos kaya hindi pinakinabangan at ngayon ay unti-unti nang nabubulok.

Kunsabagay, ayon sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), hindi sila titigil hangga’t hindi nananagot ang 12 mataas na opisyal ng NHA at kasalukuyan na umano itong nakasampa ang kaso sa Ombudsman.

Mabuti at nakarating na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyan na niya itong pinaaasikaso para mapadali ang buhay ng mga tagaroon.

Kawawa ang mga bata, lumalaki silang kulang sa kaalaman dahil para silang nasa kuweba at anim na taon na silang ganito.

Biktima sila ng Bagyong Yolanda at biniktima pa ulit ng mga gahamang naitalaga sa pabahay.

Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page