top of page
Search
  • Shane M. Ludovice, M.D

Alamin: Mga paraan para matanggal ang kulugo

Dear Doc. Shane, Malinis ako sa katawan kaya nagtataka ako kung bakit ako nagkaroon ng mga kulugo sa mga paa. Ang nakakainis ay meron din sa aking mga kamay. Ano ang puwede kong gawin para tuluyan na itong mawala at huwag bumalik? — Ace

Sagot Ang kulugo ay maaaring sanhi ng impeksiyon sa dugo, namamana at nakahahawa.

Verruca ang medical term sa kulugo o wart. Maaari itong tumubo sa iba’t ibang parte ng katawan, pero madalas ay nawawala rin ito paglipas ng ilang buwan. Pero may mga kaso na umaabot ito ng taon.

Ang pangunahing sanhi nito ay virus na tinatawag na human papilloma virus o HPV. Maaaring na-infect nito ang bahagi ng katawan kaya nagkaroon ng kulugo o nahawa mula sa pagdikit sa balat na may kulugo.

Maaaring single o cluster ang anyo ng mga kulugo, depende kung kumalat ang impeksiyon sa iba’t ibang bahagi ng balat malapit sa lugar kung saan ito unang lumabas.

Ano ang mabisang gamot sa kulugo?

Karaniwan, nagde-develop ang katawan ng immune response laban sa mga kulugo kaya mawawala rin ang mga ito sa loob ng anim na buwan hanggang dalawang taon. Kung hindi man ganito ang mangyayari, maaaring mag-self-treatment.

Madalas, nagrereseta ang dermatologist ng mga pamahid o ointment na may ingredient na salicylic acid. Napapalambot nito ang abnormal skin cells ng kulugo at tinutunaw ito. Ilan pa sa mga gamot sa kulugo ay maaaring nasa form ng liquid, gel o pad.

Tandaan, bago ipahid ang nabiling gamot sa kulugo, ibabad muna nang limang minuto ang wart sa maligamgam na tubig para maihanda ang balat sa pagpasok ng gamot.

Paalala: Hindi inirerekomenda para sa mga pasyenteng may diabetes ang paggawa ng self-treatment laban sa kulugo. Kinakailangan munang magpakonsulta o ipaalam sa doktor bago ito gawin.

Paano alisin ang kulugo?

Ang cryosurgery ay procedure na gumagamit ng extreme cold para matanggal ito. May paraan namang gumagamit ng laser treatment para tunawin ang impeksiyon.

Electrocautery naman ang tawag sa proseso ng pagsunog at pagtanggal ng kulugo gamit ang kuryente at init.

Kung mayroong kulugo kahit saang parte ng katawan, tandaan ang mga hakbang na ito:

  • Huwag kamutin at haplusin ang kulugo.

  • Siguraduhing takpan ito ng sterilized at malinis na bandage o tape para maiwasan ang pagdikit nito sa ibang tao o ibang bahagi ng iyong katawan.

  • Iwasang mag-brush, magsuklay, maghilod, mag-shave o maggupit sa lugar kung saan tumubo ang kulugo.

  • Huwag itong kurutin o piliting tanggalin.

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay.

  • Panatilihing moisturized ang balat.

  • Iwasang maglakad nang nakatapak sa mga pampublikong lugar.

  • Kapag nagkaroon ng sugat, linisin itong mabuti gamit ang sabon at maligamgam na tubig.

  • Iwasang magpahiram ng razor, towel, socks at iba pang personal na gamit.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page