top of page
Search
  • Grace Poe

Toll rate sa SLEX, bawasan sa sobrang traffic!

Kumusta, mga bes? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saanman kayo naroroon, nata-traffic man kayo o hindi.

Alam n’yo, sa nakalipas na araw, marami tayong natanggap na reklamo mula sa mga motorista at komyuter na araw-araw dumaraan sa South Luzon Expressway (SLEX).

Kanilang inirereklamo ang usad-pagong na traffic sa northbound lane ng SLEX dahil sa ginagawang Skyway extension project.

Kamakailan, sa inilabas nilang traffic advisory, sinabi ng pamunuan ng SLEX na kanilang isinara ang Lane 3 northbound o ang outermost lane paglampas ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa City mula noong Setyembre 24 dahil sa konstruksiyon ng pylons para sa gagawing 6-kilometer extension ng Skyway mula Barangay Cupang hanggang sa Susana Heights.

Kaya minabuti nating iparating ang reklamo ng ating mga kababayan noong Oktubre 3 nang aming talakayain sa Senado ang pondo ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2020.

Isipin ninyo, ang nasabing traffic jam ay umaabot kung minsan hanggang Calamba, Laguna. Kawawa ang mga papasok sa kani-kanilang trabaho at eskuwela.

Tinatayang 28 kilometro ng daan ang mistulang nagiging “parking lot” sa araw-araw dahil sa pagsasara ng third lane sa SLEX.

It’s a horrible logjam even during the weekend, mga bes. Isipin ninyo, 28 kilometers ba naman ang haba ng traffic?

Paano natin maiibsan ang hirap at sakripisyo na dinaranas ng ating mga kababayan na apektado ng traffic na ito?

Minabuti nating i-suggest sa Toll Regulatory Board (TRB) sa nasabing pagdinig na kung maaari, sabihan nila ang namamahala ng Skyway na babaan pansamantala ang toll rates sa SLEX.

Sa mala-prusisyong usad ng trapiko dahil dito, masama ba ang hilinging tapyasan ang toll sa mga motorista?

Nagbabayad tayo ng toll dahil gusto natin ng mabilis na biyahe (kaya nga expressway). Pero ngayon, 28 kilometro ang ginagapang ng ating mga kababayan, araw-araw.

Maipakikita ng gobyerno at ng TRB na kaisa sila sa nararanasang hirap ng publiko kung mag-iimplementa sila ng toll fee reduction.

Nangako naman sa atin si Abraham Sales, Executive Director ng TRB, na pag-uusapan nila sa Board ang ating proposal.

Nakapagpatupad naman ng reduction sa toll rate sa SLEX noong mga nagdaang panahon kapag ito ay sumasailalim sa rehabilitasyon.

Nasabi rin sa atin ni Mr. Sales na sa linggong ito, maiibsan na ang traffic sa SLEX kasi gagawin na nilang one-way ‘yung east service road, northbound.

Tutulong na rin aniya ang MMDA (Metro Manila Development Authority) sa pagsasaayos ng trapiko.

Ang problemang traffic sa SLEX ay urgent matter na kinakailangan ng agarang atensiyon dahil ang ibang motorista at komyuter ay walang ibang choice kundi sa highway.

Inaasahan nating aaksiyunan ng TRB ang ating sama-samang hiling para sa reduction ng toll rate sa SLEX.

Hanggang sa muli. Mag-ingat tayo palagi sa ating pagbiyahe.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page