top of page
Search
  • BULGAR

Pagkakaiba ng lactose intolerance at allergy sa gatas

Dear Doc. Shane, Napansin kong tuwing nakakakain ako ng mga pagkain na may gatas o cream ay nagtatae ako kaya iniiwasan ko na ang mga ganitong pagkain. Ang weird lang dahil noong bata ako ay hindi naman ako nagkakaganito. Sabi ng kaibigan ko baka raw dahil ‘yun sa lactose intolerance. Puwede bang pakitalakay ang tungkol dito?— Jasmine

Sagot Ang pagkakaroon ng lactose intolerance ay nangangahulugan din ng kakulangan sa enzyme na lactase ngunit, tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataong kulang ang lactase ay agad makararanas ng lactose intolerance. Malaki ang papel ng heredity sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ang kakulangan sa lactase ay kadalasang dulot ng mutation o pagbabago sa genes ng tao habang ipinagbubuntis pa lamang o namana ito mula sa mga magulang na lactose intolerant. Ito ang dahilan kaya maaaring magkaroon agad ng lactose intolerance mula sa kapanganakan (congenital) pa lang o makuha ito kinalaunan sa pagtanda (developmental). Bagaman, maaari rin naman na ang kakulangan sa lactase ay dulot ng sakit na sumisira sa mga pader ng bituka na kinalalagyan ng lactase, halimbawa, ang sakit na celiac sprue. Bukod pa rito, ang mga taong ipinanganak na kulang sa buwan (premature birth) na sumasailalim sa radiation therapy sa bandang tiyan marahil, dahil sa kanser ay may mataas din na posibilidad na magkaroon ng lactose intolerance. Hindi tama na tawaging allergy sa gatas ang pagkakaroon ng lactose intolerance sapagkat ito ay dalawang magkaibang kaso. Una, ang allergy sa gatas ay kaso ng problema sa protina ng gatas, samantalang, ang lactose intolerance ay problema sa asukal na lactose. Magkaiba rin ang sintomas na nararanasan sa magkaibang kaso na ito. Kung ang taong may lactose intolerance ay maaaring makaranas ng pagtatae at pananakit ng tiyan, ang taong may allergy naman ay maaaring makaranas ng pamumula ng balat (rashes) o kaya ay problema sa paghinga.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page