Search
  • BULGAR

Pati raw ang gobyerno, paasa... katotohanan sa pagpapaasa ng nakatataas sa taumbayan

ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| July 01, 2020



Bigyang-daan natin ang mahahalagang bagay na dapat isabuhay, may COVID-19 man o wala.

Kailangang lumaban tayo sa mga hamon ng ating kapalaran. Hindi puwedeng porke may COVID-19 sa paligid ay hindi na tayo lalabas ng bahay at maghahanapbuhay.


Ang hindi paglabas ng bahay sa mga unang buwan ng mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine ay nakabase sa sinasabing dapat magbigay ng pagkain ang pamahalaan sa mamamayan dahil pinagbawalan nilang lumabas ang mga tao.


Sa mga lokal na pamahalaan, masasabing hindi naman sila nagkulang dahil ang totoo lang, marami sa ating kababayan ang may bigas pang isasaing at ayon sa iba, aabot pa sa katapusan ng Hulyo ang nakuha nilang kilu-kilong bigas.


Pero ang nasyonal na pamahalaan, ang ayuda ay parang sa mga unang buwan lang naipamigay at nagkagulo pa dahil sa dami ng hindi nabigyan, pero natatanggap na ng mga tao ang pagkukulang ng pamhalaan kaya medyo nakampante rin naman sila.

Kaya muling nagbalik ang inis ng taumbayan dahil ang sinasabing ikalawang bugso ng ayuda ay wala pa rin kahit July na.


Nakakabahala dahil hindi alam ng mga nasa pamahalaan na sila ay lihim na kinukutya ng taumbayan dahil maririnig sa balita na nagtakda sila ng araw kung kailan dapat ipamigay ang ayuda, pero lumipas na ang ilang linggo ay wala pa ring natatanggap ang taumbayan.


Nasanay na ang tao sa pangako ng pamahalaan at alam na rin nila na sa panahon ngayon, hindi na uso ang “Palabra de Honor” na isa sa magagandang nakaugalian na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno.


Nakakagulat ang ganitong pangyayari dahil ang sabi ni President Rodrigo Duterte, retired general ang inilagay niya para mamuno sa pamimigay ng ayuda dahil ang mga sundalo ay mabilis sumunod sa utos, pero parang mali yata ang ganu’ng sistema dahil ano na ang nangyari? Gayundin, ang pamahalaan ay tinatawag na ngayong “paasa” o hindi marunong tumupad sa usapan.


Kaya sa kabuuan, kailanga nang kumilos ng tao nang walang inaasahan kundi ang kanilang sarili. Sa ganitong paraan, mas mapabibilis ang pag-asenso dahil itotodo ng bawat tao ang kani-kanilang kakayahan dahil sa karanasan nila na hindi dapat umasa sa kahit na sino.

Itutuloy

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.