top of page
Search
BULGAR

Ngipin o pustiso ng batas sa ‘Pinas

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Abril 14, 2024



Matagal nang dismayado ang marami sa takbo ng mga korte sa ating bansa. Marami rin ang nagtatanong kung ano ba ang diperensya, ang batas o ang mga tagapagpatupad nito? 


Madalas kong naririnig na hindi batas ang may problema, kundi ang mga nagpapatupad nito.


Marami na tayong mahuhusay na batas na talagang makakatulong sa lipunan kung susundin lang ng lahat ang mga ito. Hindi ba ang ibig sabihin ng “babaeng nakapiring ang dalawang mata” ay ang batas na walang kinikilingan dahil pantay at patas ito para sa lahat? Pero, tunay nga bang pantay at patas ang batas para sa lahat.


Maraming nagsasabi na malaki ang papel ng mga pangyayari mula taong 1972 sa pagpapahina ng batas sa ating bansa. Mula noon, walang nakapigil sa ginawa ng pangulo ng bansa sa pagpapahina ng batas nang pumangalawa na lamang ang Saligang Batas sa kapangyarihan ng pangulo sa paglikha ng mga bagong batas na hindi pabor sa lahat kundi sa kanya at sa mga kakampi niya lamang. 


Sa loob ng dalawampu’t isang taon, mula 1972 hanggang 1986, pumailalim ang buong bansa sa iisang batas mula sa iisang tao. At ito ang kilala na ng lahat na Batas Militar.


Bagama’t dumating ang araw ng pagbabago nang napaalis ang pangulong nagsimula ng Batas Militar, naiwanan ang malalalim na sugat na hanggang ngayon ay patuloy na nagpapahina sa batas. 


Mula noon hanggang ngayon, sinumang umupo sa pinakamataas na posisyon ng bansa ay mayroong nakakatakot na kapangyarihan. Ilang posisyon ang nanggagaling sa Malacañang? Sino ang nag-a-appoint na mga heneral sa Philippine Army at kapulisan?


Sino ang pumipili sa magiging mga kasapi ng Korte Suprema at ng iba’t ibang mga korte sa buong bansa? Sino ang pumipili ng mga mamumuno sa mga ahensya ng pamahalaan? Sino ang pumipili sa magiging mga kalihim ng iba’t ibang departamento?


Mula kay dating Pangulong Cory Aquino hanggang sa kasalukuyang Pangulo Bongbong Marcos, naroroon ang tuksong gamitin ang batas hindi para sa taumbayan kundi para lamang sa iilan mula sa Malacañang at sa mga makapangyarihang puwesto sa ating bansa? Maitatanong natin kung anu-anong mga batas ang napakinabangan ng pangulo o ng kanyang mga kakampi at kaibigang nakapuwesto sa bawat administrasyon?


Ano ang nangyari sa batas ng reporma sa lupa noong panahon ni dating Pangulong Cory? Paano ginamit o tinangkang gamitin ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang batas hinggil sa People’s Initiative sa pamamagitan ng PIRMA? Paano naman ginamit ni dating Pangulong Erap Estrada ang batas tungkol sa “tobacco excise tax?” Paano ginamit ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang krisis na nilikha nito para kausapin ang mga heneral at sangkutin din ang simbahan para maganap ang EDSA Dos. At nang matatapos na ang tatlong taon nang makuha niya (GMA) ang puwesto at napaalis ang pangulo (Erap), paano niya nagamit ang kanyang kapangyarihan para mabraso niya ang Comelec na paboran siya sa halalan ng 2004? Huwag kalimutan ang “Hello Garci!” 


At nang maupo si dating Pangulong Noynoy noong 2010, sa kabila ng kanyang pagsisikap na sundin at hindi abusuhin ang batas, bakit niya hindi ginamit ang gintong pagkakataon na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa na hindi naitulak noong panahon ng kanyang ina? 


Pagkakataon na sanang magkaroon ng batas hinggil sa pagpapahalaga sa kasaysayan, partikular ng Martial Law at EDSA Revolution at ang muling pagbabalik ng demokrasya? Sayang, napakalaking sayang!


Nang dumating naman si dating Pangulong Rodrigo Duterte (PRRD), parang nabuhay ang matagal nang naglahong maligno ng bakal na kamay noong panahon ng Batas Militar. Kung noon idineklarang ang mga komunista ang problema, idineklara naman ng nagdaang administrasyon ang droga at lahat ng sangkot dito bilang pangunahing problema. 


Bagama’t walang batas na nagsasabing dapat at puwedeng patayin ang mga sangkot sa droga, sapat nang marinig mula mismo sa Malacañang ang utos na lipulin ang mga nagtutulak, sampu ng gumagamit ng droga dahil parang mga “ipis” na dapat mawala ang mga ito.


Ngayon, hinahanap naman si Pastor Apollo Quiboloy. Ginagamit ang buong puwersa ng batas para mahuli ang sinasabing lingkod ng Diyos. Ngunit, may mga umaalmang senador na dapat daw “igalang ang mga karapatan” ng kanilang kaibigan. Kitang-kita na muling lumalabas ang iba’t ibang kulay ng pulitika na kumukulay sa pagpapatupad ng batas.


Lahat ay nagbabantay at naghihintay kung paano gagamitin ang batas sa usapin ng naturang pastor. Makikita kaya natin ang tunay na ngipin ng batas o baka lumang pustiso lang ang bubulaga sa atin?


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page