top of page
Search

ni MC @Sports | September 20, 2025



Alas Pilipinas

Photo : Bumalong man ang mga luha sa players ng Alas Pilipinas sa dugout matapos ang laban sa Iran ay nailaban ng koponan ang watawat at bansa sa FIVB World Men's Volleyball Championship, nanghinayang man ay proud pa rin si PNVF president Tats Suzara sa ipinakitang laro ng koponan. (fivbpix)  



Kasunod ng 'di malilimutang husay na ipinakita ng Alas Pilipinas players at binura sa isipan ng mga nagdududa ang inaasahang laro sa FIVB Volleyball Men's World Championship, hinikayat ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon "Tats" Suzara ang mga manlalarong Pinoy na palakasin pa ang laro, galing at tibay. 


Inaasahan pa ni Suzara na sina Bryan Bagunas, Leo Ordiales, Marck Espejo, Kim Malabunga at iba pang mga kasama sa pool na "ipagpatuloy ang malalim na paghasa ng kakayahan at positibong isipan, at yakapin ang pagiging ambassadors ng volleyball sa bansa."  


"Elevate the sport locally through mentorship...set an example for younger athletes with discipline, teamwork and resilience. Also, we hope they stay committed to development, event outside major competitions." 


Tinapos ng Alas Pilipinas ang laban sa makapigil-hiningang 5-sets game laban sa Iran, nakapanghihinayang na laro, pero tumindig na mga bayani at hinangaan ng libu-libong fans na nagpapuno sa MOA Arena ng 14,420 katao at maging sa buong mundo kabilang na ang paghanga ng Pangulo ng world governing body ng volleyball, ang FIVB at ang Chief of Italian federation.  


Ang koponan na gahibla lang ay aabanse na sana sa round-of-16 mula sa elite field ng 32.  


"This is much more than we expected. But all things considered, it's no big surprise. We put our faith in these guys to deliver, and they did. They're the new sports heroes of the country," ani Suzara, pangulo rin ng Asian Volleyball Cofederation and executive vice president ng

FIVB. 


Nanatiling matibay ang Alas Pilipinas bagamat ilan na sa malalaking teams at fan favorites ang unang nalaglag sa kontensiyon tulad ng Paris Olympics gold medalist France sa 1-2 at nabigo sa KO rounds, habang ang crowd favorite world no. 7 Japan ay 1-2 at maagang nag-empake.  


Malaking bagay ang 1-2 record ng Pilipinas dahil umabot pa sa 5 sets ang thrilling battle sa Iran, ang highest-ranked Asian team na nanatili sa torneo.  


Makasaysayan ang naging panalo ng Alas Pilipinas sa Egypt na nagpatahimik sa mga duda sa kanila. "It's a difficult job hosting the world championship. And it's very difficult to build a team for the world championship. But I think we've done a good job," ani Suzara.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 19, 2025



Bryan Baginas

Photo : Nagtulungan sa pagdepensa sina Alas Pilipinas #7 Kim Malabunga at #3 Ave Retamar upang hindi makapuntos sa atake ang katunggaling si #9 Poriya Hossen ng Iran sa mahigpit na laban sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa MOA Arena, Pasay City kagabi. (Reymundo Nillama)



Inabot ng limang makapigil-hiningang limang set bago iniligpit ng Iran ang palabang Alas Pilipinas – 21-25, 25-21, 17-25, 25-23 at 22-20 – sa huling araw ng elimination ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena kagabi na may 14, 240 na manonood. Napalitan ang ligaya ng libu-libong tagahanga ng poot ng biglang naging bato ang sana ay ginintuang kabanata sa kasaysayan ng laro sa bansa.

  

Ibinigay ni kapitan Bryan Bagunas ang 19-18 lamang sa pinahabang ika-limang set. Nakapuntos ang Alas upang wakasan ang laro at pumasok sa playoffs – pero mali ang kanilang akala. 


Biglang tumahimik ang palaruan nang ihayag ng reperi na matagumpay ang inihain na challenge ng Iran bunga ng pagdaplis ng isang manlalaro ng Alas sa net.  Iginawad ang puntos sa Iran, 19-19, at hindi na nila binitawan ang pagkakataon.

 

Nakakahinayang ang ipinakita ng mga Pinoy na lumamang matapos kunin ang pangatlong set.  Umiral ang mas malawak na karanasan at lamang sa tangkad ng Iran na sa una ay mukhang nahanapan ng sagot ng Alas.

      

Ibinuhos ni Poriya Hossein ang 6 ng kanyang 22 puntos sa huling set.  Nag-ambag ng 22 din si Ali Hajipour. 

     

Sa gitna ng kabiguan ay natatangi pa rin ang ipinakita nina Bagunas na may 22 at Leo Ordiales na may 21.  Sumuporta sina Marck Espejo na may 15 at Kim Malabunga na may 10. 

      

Sa naunang laro sa Pool A, pasok ang Tunisia sa playoffs nang pauwiin ng Ehipto – 25-19, 25-18 at 25-22.  Numero uno ang Tunisia (2-1) at pangalawa ang Iran (2-1) at maghihintay ng makakalaro buhat sa Pool H na maaaring Serbia (2-1), Brazil (2-1) o Czechia (1-1). 

       

Ginulat ng Brazil ang Serbia – 25-22, 25-20 at 25-22 – upang tumabla.  Sa Araneta Coliseum, tagumpay ang Finland sa Timog Korea – 25-18, 25-23, 17-25 at 25-21 –SALAMAT sa laban Alas Pilipinas!


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 18, 2025



Bryan Baginas

Photo : Hinarap ng malupitang pag-atake ni #7 Belai Abunabot ng Qatar ang dobleng depensa nila #99 Daniel Chitigol at #1 Bela Bartha ng Romania sa kasagsagan ng kanilang laro sa   FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Araneta Coliseum kahapon. Tinalo ng Qatar sa 4 sets ang Romania 20-25, 25-23, 25-20, 25-22 (Reymundo Nillama)


Laro ngayong Huwebes – MOA

5:30 PM Pilipinas vs. Iran  

      

Sumasakay sa hindi pa naaabot na alon, handang dalhin ng Alas Pilipinas ang kanilang bagong-tuklas na porma sa napakahalagang laban ngayong Huwebes laban sa Iran sa huling araw ng elimination ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena. Isang ginintuang tiket patungong knockout playoffs sa Martes sa parehong palaruan.

      

Sariwa pa ang makapigil-hiningang 29-27, 23-25, 25-21 at 25-21 tagumpay ng Alas sa Ehipto na kampeon ng Aprika.  Dahil sa higanteng resulta, umakyat ang mga Pinoy ng 11 baytang sa FIVB World Ranking sa ika-77. 

      

Tulad ng Pilipinas, galing ang Iran sa inspiradong 23-25, 25-20, 25-23 at 25-16 panalo sa Tunisia.  Tabla sa 1-1 panalo-talo ang apat na koponan sa Pool A kaya literal na naging knockout pati rin ang laban ng Tunisia at Ehipto.

       

Kailangan nang mamayani muli sina kapitan Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales.  Importante rin ang magiging kontribusyon sa depensa nina Kim Malabunga at Lloyd Josafat sa mas matangkad na Iranian. 

      

Maaaring bumili ng tiket sa www.philippineswch2025.com o pumila sa takilya.  Malaking bagay na mapuno ang MOA para matulungang makasulat ang Alas ng bagong kasaysayan. 

      

Samantala, winalis ng Bulgaria ang Pool E matapos bugbugin ang kulelat na Chile – 25-17, 25-12 at 25-12.  Tiyak na numero uno na ang mga Bulgarian kahit anong mangyari sa huling laro ng Alemanya (1-1) at Slovenia (1-1) at hihintayin ang magiging pangalawa mula Pool D. 

     

Kahit hinulog ang unang dalawang set, nagising ang Portugal at nanaig sa Colombia – 23-25, 21-25, 25-20, 25-21 at 15-11.  Pansamantalang umakyat ng pangalawa ang Portugal sa Pool D habang tinatapos ang laro ng Cuba at Amerika. 

      

Sa Araneta Coliseum, wagi ang Qatar sa Romania – 20-25, 25-23, 25-20 at 25-22.  Nanaig ang Turkiye sa Canada – 25-21, 25-16 at 27-25.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page