top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 10, 2023




Inilagay sa state of calamity ang lalawigan ng Albay dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.


Ayon sa Albay Provincial Information Office, naglabas na ng resolusyon ang pamahalaang panlalawigan kasunod ng inilabas na abiso ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na naglalagay sa Alert Level 3 sa Bulkang Mayon.


Ayon sa Albay PIO, dahil sa deklarasyon ng state of calamity ay mapapabilis ang mga ilalargang aksyon para sa rescue, recovery, relief at rehabilitation efforts ng gobyerno at pribadong sektor.


Magkakaroon din ng oil price control para sa mga pangunahing bilihin sa Albay upang maiwasan ang pagsasamantala ng ilang mga negosyante sa harap ng kalamidad, at magagamit ng local government units ang kanilang pondo para sa rescue, relief at rehabilitation measures sa posibleng magiging epekto ng pamiminsala ng Bulkang

Mayon.


Ngayong naisailalim na sa state of calamity ang Albay, sinabi ni Governor Edcel Greco Lagman na magagamit na nila ang P42 million quick response fund para sa pagtulong at pag-alalay sa mamamayan.


 
 

ni V. Reyes | May 9, 2023




Tumaas pa ang panganib na sumabog ang Bulkang Mayon kaya’t inilagay na ito ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3.

Batay sa bulletin ng PHIVOLCS, tumindi pa ang mga aktibidad ng Bulkang Mayon makaraang itaas ang Alert Level 2 noong Lunes.

Ang Alert Level 3 ng Mayon Volcano ay nangangahulugan na nagpapakita ng senyales ng magmatic eruption, mataas na posibilidad ng pagdaloy ng lava at pyroclastic density currents na nakaaapekto sa itaas at gitnang bahagi ng dalisdis ng bulkan, at ang posibleng pagsabog sa mga susunod na araw o linggo.

Kasabay nito, inirerekomenda na rin ng PHIVOLCS ang paglilikas sa mga residenteng nasasakop ng six-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at pag-iingat o pananatiling alerto sa posibleng pagdaloy ng lahar at mga mapanganib na pagsabog.

Maaari rin umanong magkaroon ng ashfall sa katimugang bahagi ng Mayon, batay sa ihip ng hangin.


Pinagbabawalan muna ang mga piloto ng eroplano na dumaan malapit sa bunganga at paligid ng Bulkang Mayon bunsod ng panganib ng pagbuga ng abo at pagsabog.


Una nang naobserbahan ng PHIVOLCS kahapon ang tatlong pyroclastic density currents events sa mga kanal ng Bonga at Basud na tumagal ng apat hanggang limang minute.


 
 

ni Lolet Abania | June 12, 2022



Muling sumabog ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon madaling-araw ngayong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Batay sa PHIVOLCS, naganap ang phreatic eruption ng bulkan ng alas-3:37 ng madaling-araw at tumagal ito ng 18 minuto.


Sa isang radio interview kay PHIVOLCS Director at Science Undersecretary Renato Solidum Jr., sinabi nitong na-monitor nila ang pagtaas uli ng plume na nagmumula sa crater. “Alert Level 1 ay maintained,” saad ni Solidum.


Ayon sa PHIVOLCS, “a phreatic eruption refers to a steam-driven explosion that occurs when water beneath the ground or on the surface is directly heated by hot rocks or new volcanic deposits (e.g. pyroclastic density currents, lava) or indirectly by magma or magmatic gas.”


Sa kanilang volcano bulletin, binanggit ng PHIVOLCS na umabot na sa 136 volcanic earthquakes ang report na naganap sa Bulusan Volcano sa nakalipas na 24 oras.


Naglabas din ang bulkan ng 613 tonnes o tonelada ng sulfur dioxide noong Hunyo 10. Habang nasa 150-metrong taas ng plume ang ibinuga ng Bulkang Bulusan na kumikilos sa bahaging kanluran-hilagang kanluran at hilagang-kanluran.


Sinabi rin ni Solidum, nai-report na ang ashfall sa ilang bahagi ng munisipalidad ng Juban. Ayon naman kay Juban, Sorsogon Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Public Information Officer Arian Aguallo, ang buong munisipalidad ng Juban ay apektado na ng ashfall.


“Medyo scattered po ngayon ang bagsak ng ashfall, hindi lang concentrated sa isang barangay. As of now, buong munisipyo po may traces of ashfall. Pero may mga selected barangays na heavily affected,” sabi ni Aguallo.


Tiniyak naman ni Aguallo na walang adverse events na nai-report sa ngayon, habang ang mga residente ay hindi pa inabisuhan ng lokal na gobyerno na lumikas sa kanilang tirahan.


Gayunman, pasado alas-9:00 ng umaga, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinimulan na ang evacuation ng mga residente sa ilang mga barangay sa Juban.


“Ongoing din po ang evacuation sa oras na ito. May natanggap po kaming report na 103 families/438 pax ang bilang na nag-evacuate mula sa Juban,” pahayag ng NDRRMC sa mga reporters.


“Ongoing po ang aming coordination with the regional counterpart. As of this moment ay we received a report na may ashfall incident sa Casiguran, Juban, Irosin,” dagdag ng NDRRMC.


Una nang sinabi ni Sorsogon Governor at incoming Senator Francis “Chiz” Escudero na siyam na barangay sa munisipalidad ng Juban, Casiguran, at Magallanes ay nakararanas na ng ashfall.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page