ni VA - @Sports | December 2, 2020

Muling nagpamalas ng matinding laro ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas para talunin ulit ang koponan ng Thailand , 93-69, noong Lunes ng gabi sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers sa Manama, Bahrain.
Nagawang walisin ng Pilipinas ang dalawa nitong laro sa second window sa loob ng Bahrain bubble.Dahil dito, nangingibabaw na ngayon ang Gilas Pilipinas sa Group A taglay ang malinis na kartadang 3-0, panalo-talo kasunod ang South Korea (2-0) na hindi lumahok sa bubble.
Namuno si Javi Gomez de Liaño sa naturang panalo ng Gilas sa iniskor nitong 19 puntos kabilang na dito ang ipinukol nyang apat na 3-pointers kasunod ang kanyang nakababatang kapatid na si Juan na nagtala ng 14 puntos, at tig-4 na rebounds at assists at si Dwight Ramos na may 13-puntos, 5-rebounds at 2-assists."Since the lead we had in the first game was very big, we were concerned that they might take the game for granted," pahayag ni Gilas coach Jong Uichico. "We really harped on executing the offense and playing better defense."
"Thailand played a better game today than they did in the first game," dagdag nito.
Ang natatanging 'di magandang pangyayari sa kampanya ng Gilas sa second window ay ang pagka-injured ni Matt Nieto na sinamang palad na dumanas ng "twisted ankle" sa third quarter ng kanilang ikalawang laban.
Samantala, sanhi ng magandang laro na kanilang ipinakita, lahat ng 14 na miyembro ng Gilas Pilipinas squad na naglaro sa Bahrain bubble ay kasama na sa mga pagpipilian upang bumuo sa koponang isasabak sa third window ng qualifiers sa darating na Pebrero.



