top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni VA - @Sports | January 22, 2021




Nakatakdang umuwi ng bansa mula US si Kai Sotto upang maglaro para sa Gilas Pilipinas sa darating na third window ng FIBA Asia Cup 2021 qualifiers na gaganapin sa Clark, Pampanga.


"I'm heading home soon," wika ni Sotto na kasalukuyang nagsasanay kasama ng Team Ignite bilang paghahanda sa darating na season ng NBA G League sa kanyang post sa kanyang social media account. "Sobrang excited ako sa binigay na opportunity para makapaglaro sa Gilas ngayong February window," dagdag pa nito.


Idaraos sa pamamagitan ng bubble ang huling window ng FIBA Asia Cup qualifiers sa Clark kung saan maglalaro ang Gilas Pilipinas at kakalabanin ang koponan ng South Korea ng dalawang beses at ang Indonesia ng isang beses. Taglay ang rekord na 3-0, kasalukuyang nangingibabaw ang Pilipinas sa Pool A at isang panalo na lamang ang kailangan para mag-qualify sa FIBA Asia Cup na idaraos bago matapos ang taon. Hindi naman sinabi ni Sotto kung sasama siya sa ginagawang training bubble ng national pool sa kasalukuyan sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bilang preparasyon sa qualifiers. "Nagpapasalamat ako sa lahat ng sumusuporta at naniniwala sa aking pangarap na makapaglaro para sa bayan, at sa tamang panahon, sa NBA," saad ni Sotto. "I am very blessed to have many supporters, and I promise I won't let you down," pangako pa nito.


Kaugnay ng naging desisyon niyang maglaro para sa Gilas ngayong darating na February window, hindi makakalaro si Sotto para sa Team Ignite sa NBA G League na magdaraos ng kanilang season sa isa ring bubble sa Disney World Complex sa Orlando, Florida na magsisimula rin sa susunod na buwan.

 
 

ni Gerard Peter / VA - @Sports | January 12, 2020




Inumpisahan na noong nakaraang Linggo ang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa ikatlo at huling window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa pamamagitan ng pagpasok ng unang batch ng mga miyembro ng pool sa training bubble sa Inspire Sports Academy sa Laguna. Kabilang sa mga naunang dumating sa venue ang ace guard ng NLEX Road Warriors at dating Gilas captain na si Kiefer Ravena. Nagkataon din na siya ang nag-iisang PBA player na kabilang sa unang batch kung saan kasama nya ang mga special PBA draftees na sina Isaac Go, Matt at Mike Nieto at Rey Suerte.


Naroon na rin sa bubble at kasama sa mga naunang dumating ang mga collegiate stars na sina Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, Justine Baltazar, Calvin Oftana, Will Navarro at Kenmark Carino at ang kasalukuyang isinasailalim sa naturalization na si Angelo Kouame. Inaasahang darating sa bubble ang ikalawa at huling batch na binubuo ng PBA players sa Enero 22. Walang ibinigay na mga pangalan ang SBP maging ang PBA kung sinu-sino pa ang ibang professional players na makakasama ni Ravena sa training camp. Kaugnay nito, pinasalamatan ni SBP president Al Panlilio si PBA commissioner Willie Marcial sa pagtulong nito upang makuha ang commitment ng ilang PBA players para lumahok sa bubble training. Sinabi naman ni headcoach Jong Uichico na aasistihan nina Meralco coach Norman Black, Rain or Shine coach Caloy Garcia at national youth team coach Sandy Arespacochaga na plano nilang dumiretso na ng Clark kung saan gaganapin ang third window sa Pebrero 18-22 pagkatapos nila sa bubble sa Laguna.


Samantala, hindi naman nakasama ng kanilang mga kapwa cadets sa bubble sina Allyn Bulanadi at Jaydee Tungcab dahil nakatakdang operahan sa kanyang injury sa balikat ang una habang naghihintay naman ng kanyang visa patungong Japan ang huli kung saan nakatakda din itong maglaro sa Japan B League bilang import kaparis ni Thirdy Ravena. Inaasahan ding sumunod sa bubble si Dwight Ramos na mangagaling sa US gayundin si Juan Gomez de Liaño na mayroon mahalagang dental issue. Si Kobe Paras lamang ang walang balita kung makakasama sa bubble.

 
 

ni VA - @Sports | January 11, 2021




Tatlong mga beteranong coaches ang kinuha ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para makatulong ni Gilas head coach Jong Uichico at program director Tab Baldwin sa darating na third window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.


Ang tinutukoy na tatlong mga coaches ay sina Meralco head coach Norman Black, Rain or Shine head coach Caloy Garcia at Gilas Youth head coach Sandy Arespacochaga.


Napili sila ng SBP upang maging assistant coaches para sa national team na isasabak sa huling bahagi ng Qualifiers.“We are really trying to cast the net wide and bring more coaches to be exposed to the national team environment and gain more international experience. We are two-plus years out from 2023. It’s about bringing a lot of people in as we get closer to 2023," wika ni Baldwin.


Si Black ay nagbabalik sa Gilas pagkaraan ng tatlong taon.Nauna na siyang nagsilbi bilang assistant coach ng koponan noong 2011 hanggang 2018 sa ilalim ni coach Chot Reyes.


Naging headcoach din si Black ng Sinag Pilipinas na nanalo ng gold medal noong 2011 Southeast Asian Games.


Deputy coach naman si Garcia ng Gilas sa ilalim ni coach Yeng Guiao na naging mentor ng national team mula sa 4th hanggang final window ng 2019 FIBA World Cup Qualifiers, 2018 Asian Games, at sa mismong 2019 World Cup.


Maliban sa pagiging head coach ng national youth squad, assistant din si Arespacochaga ni Baldwin sa Ateneo. Isa rin siya sa assistant coaches sa unang window ng Asia Cup Qualifiers noong Pebrero kasama nina Alex Compton at Topex Robinson sa ilalim ni interim head coach Mark Dickel. Ang 3rd window ng qualifiers ay nakatakdang ganapin sa susunod na buwan sa Clark, Pampanga.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page