top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni VA - @Sports | April 27, 2021




Nagbalik na kahapon sa bubble training ang Gilas Pilipinas sa Calamba, Laguna upang ipagpatuloy ang kanilang paghahanda para sa mga darating na FIBA competitions.


"The Samahang Basketbol ng Pilipinas heeded the instructions of the Philippine Sports Commission when they asked all national athletes to halt their training during the Enhanced Community Quarantine. When the IATF announced that they will be lifting those limitations, we immediately worked on getting the team back together," wika ni SBP President Al Panlilio. "Of course there were protocols that we had to complete including the testing for all the members of the pool but the team's ready to go back to work." Napilitang itigil ang pagsasanay ng national training pool bago mag-Mahal na Araw pagkaraang ipailalim ang buong NCR sampu ng ilang karatig probinsiya kabilang na ang Laguna sa Enhanced Community Quarantine noong Marso 29.


Ang mga lalahok sa bubble training ay pangungunahan nina 2019 PBA Special Gilas Draft picks na sina Matt Nieto, Mike Nieto, Isaac Go at Rey Suerte at Season 46 special draftees Jordan Heading, William Navarro, Tzaddy Rangel at JD Tungcab. Kasamang inimbita para bumalik sa bubble training sina Kemark Carino, Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, SJ Belangel, RJ Abarrientos, Carl Tamayo, Justine Baltazar, Jason Credo, Geo Chiu, Lebron Lopez at naturalization candidate Ange Kuame. Inaasahan namang susunod sa training camp si Dwight Ramos pagdating nito galing US maging si Kai Sotto na kamakailan lang ay pumirma para maglaro sa Adelaide 36ers sa NBL.


Maghahanda ang Gilas sa training bubble para sa dalawang paparating na FIBA tournaments, una ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa Hunyo 16 - 20 sa Clark, Pampanga at ang FIBA Olympic Qualifier sa Hunyo 29-Hulyo 4 na idaraos sa Belgrade,Serbia.


Gagabayan ang national pool nina Gilas Pilipinas Men's Team Program Director Tab Baldwin, head coach Jong Uichico at mga deputies na sina Sandy Arespacochaga, Boyet Fernandez, Caloy Garcia, Alton Lister, Sandro Soriano at trainer Dex Aseron.

 
 

ni VA - @Sports | April 26, 2021





Makikipagsapalaran upang magkamit ng Olympic berth ang limang Filipino rowers sa idaraos na 2021 World Rowing Asian and Oceanian Olympic Qualification Regatta sa susunod na buwan sa Tokyo, Japan.

Nakatakdang ganapin ang mga karera para sa Asia and Oceania Olympic qualifers sa Mayo 5-7 sa mismong venue ng Tokyo Olympics rowing competitions sa Sea Forest Waterway sa Tokyo Bay.

Ang pareha nina Melcah Caballero at Joanie Delgaco na mga gold medalists sa women's lightweight double sculls event noong 2019 Southeast Asian Games ay makikipagsapalaran para makamit ang isa sa tatlong nakatayang Olympic slots sa kanilang division.

Gaya nila ay makikipag-agawan din ang pareha nina Roque Abala Jr. at Zuriel Sumintac sa nakataya namang tatlo ring Olympic tickets sa men's lightweight double sculls. Solo namang entry ng bansa si 2019 SEA Games gold medalist Cris Nievarez sa men's lightweight singles sculls event kung saan may nakatayang limang Olympic slots.

Nakapagsanay naman ng tuluy-tuloy ang mga Pinoy rowers anim na beses kada linggo sa mga nakalipas na buwan sa kabila ng mga paghihigpit na ipinatutupad ng gobyerno dulot ng COVID-19 pandemic sa La Mesa Dam kung saan sila nagsasanay at nanunuluyan sa ilalim ng superbisyon nina coach Ed Maerina at ng kanilang Uzbek mentor na si Shukhrat Ganiev.

Noong nakaraang Pebrero , lumahok sina Caballero at Delgaco sa virtual 2021 World Indoor Rowing Championships kung saan tumapos na pang-apat si Caballero sa women's 500m race habang pang sampu naman si Delgaco sa women's Under-23 500m race.

Ayon pa kay Maetina, dererminado ang limang Pinoy rowers na mag-qualify at makasunod sa yapak nila ni Benjamin Tolentino bilang mga natatanging mga Filipino na nakalahok sa Summer Olympics rowing competitions.

 
 

ni VA - @Sports | April 25, 2021




Hindi makadadalo ang isa sa mga pinakamahusay na manlalaro sa hanay ng mga kalalakihan na si Bryan Bagunas sa idaraos na Philippine National Volleyball Federation (PNVF) tryouts sa susunod na linggo sa Subic.


Ipinaalam na ni Bagunas kay national men's volleyball team coach Dante Alinsunurin ang posibilidad na hindi siya makadalo sa isasagawang tryouts dahil kasalukuyan itong sumasailalim sa mandatory 14-day quarantine pagkaraan nyang dumating ng bansa mula Japan noong Abril 10.


Habang naka-quarantine, nagpapagaling din ang 23-anyos na spiker ng injury na kanyang natamo sa kanilang huling laro sa Oita Miyoshi sa Japan V.League.Katunayan, nagti-therapy aniya siya ngayon para sa iniindang MCL (medial collateral ligament) injury sa kanyang kanang tuhod.


Kaya nga pinangangambahan ng Batangueño hitter na baka 'di siya makalaro sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa Nobyembre dahil sa itinakda ng PNVF na hindi makakasama sa national team kung hindi daraan sa tryout.


Sinabi ni Bagunas na gusto niyang maglaro para sa national team ngunit hindi naman niya puwedeng puwersahin ang sarili dahil posibleng makaapekto pa ito sa kanyang kinabukasan.


Subalit kung bibigyan ng pagkakataon, handa siyang maglaro para sa national team.Makikipag -ugnayan aniya si Bagunas sa mga opisyal ng PNVF para makalaro pa rin siya sa national team kahit di siya nakadalo ng tryouts.Tiniyak din niyang wala namang magiging problema dahil may pahintulot na siya mula sa pamunuan ng Oita.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page