ni VA - @Sports | June 21, 2021

Ipinagpatuloy noong Biyernes ang aksiyon sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 96 sa pagdaraos ng kauna-unahang speed kicking competition sa juniors division. Ang unang nagwagi ng gold medal sa event na isinagawa pa rin sa virtual platform ay si John Patrick Moneda ng Lyceum of the Philippines University (LPU) na umiskor ng kabuuang 6.733 sa juniors' flyweight division.
Nagtapos namang second placer at nagwagi ng silver medal si Reymundo Calamba III ng San Beda University makaraang magtala ng 6.558 at pumangatlo si Chris Daniel Barrozo ng Emilio Aguinaldo College na umiskor ng 6.375 para sa bronze. Bumawi naman sa bantamweight division ang San Beda naman nang manalo si Ignatius Vicente Lorenzo Pinera matapos magposte ng 6.750 puntos. Sinundan sya ni LPU jin Dirk Ranque na may 6.483 at Lebron James Alemania ng host Letran na may 6.200. Nakaisa namang gold ang Letran makaraang umiskor ni Luke Morel ng 6.367 upang manguna sa boys featherweight division.Kásama nyang tumapos sa podium sina Kristian Reggae Domondon ng EAC (6.342) at Marlex Mercado ng San Beda (6.200). Inangkin naman ng San Beda ang ikalawa nilang gold medal sa event nang mamayani sa boys lightweight division si Philip Joshua Lee na nagtala ng 7.083 puntos. Sumunod sa kanya ang dalawang EAC jins na sina Leigh Cyril Aslarona (6.108) at Aubrey Gacilos (5.942).



