top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni VA / Anthony E. Servinio - @Sports | February 26, 2022




Maghahanda na ang Philippine Men’s Football National Team na maglakbay pa- Mongolia para sa Round Three ng 2023 AFC Asian Cup China qualifiers ngayong Hunyo.


Nabunot ang Azkals sa Grupo B kasama ang Palestine, Yemen at host Mongolia sa seremonya na ginanap online Huwebes ng hapon mula sa sian Football Confederation sa Malaysia.


Maglalaro ng single round o tig-tatlong beses ang apat na koponan sa Hunyo 8, 11 at 14 sa kabisera na Ulaanbaatar. Tanging ang mga numero uno sa anim na grupo ay tutuloy sa Asian Cup kasama ang limang may pinakamataas na kartada sa anim na pumangalawa.


Ang 11 bansa ay sasamahan ang naunang 13 na Japan, Syria, Qatar, Timog Korea, Australia, Iran, United Arab Emirates, Saudi Arabia, Iraq, Oman, Vietnam at Lebanon at host Tsina. Sisikapin ng Azkals na makapasok sa Asian Cup sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos ang makasaysayang paglahok nila noong 2019 sa UAE.


Sakop ng mga petsa ng FIFA Window kung saan obligado ang mga koponan na ipahiram ang mga manlalaro ng pambansang koponan. Inaasahan na makakabuo ng pinakamalakas na koponan ang Azkals para sa qualifier.


Ang Grupo A ay sa Kuwait kasama ang Jordan, Indonesia at Nepal habang ang Grupo C ay sa Uzbekistan na haharapin ang Thailand, Maldives at Sri Lanka. Ang Grupo D ay binubuo ng host India, Hong Kong, Afghanistan at Cambodia, Grupo E na host Malaysia, Bahrain, Turkmenistan at Bangladesh at Grupo F na kinabibilangan ng host Kyrgyzstan, Tajikistan, Myanmar at Singapore.


Samantala, itinalaga ng AFC ang Denpasar, Indonesia at Kuala Lumpur bilang mga punong abala ng Grupo G at H ng 2022 AFC Cup group stage sa Hunyo 24 hanggang 30.


Ang kampeon ng 2021 Copa Paulino Alcantara na Kaya FC Iloilo ng Philippines Football League (PFL) ay nabunot sa Grupo G kung saan naghihintay sa kanila ang Bali United ng Indonesia at Kedah Darul Aman ng Malaysia.


 
 

ni VA / MC - @Sports | February 25, 2022





Dalawang bagito sa katauhan nina Kib Montalbo at Tzaddy Rangel ang kabilang sa final 12 line-up ng Gilas Pilipinas na isasabak kontra India ngayong Biyernes-Pebrero 25, 6 p.m. sa pagsisimula ng second window ng 2023 Asian Qualifiers sa Smart Araneta Coliseum.


Ito'y kung wala ng pagbabagong gagawin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa kanilang inilabas na line-up hanggang 6:00 kagabi , eksaktong 24 na oras bago simulan ang nasabing laro. Parehong first timer sina Montalbo at Rangel sa national team.


Kasama ng 26-anyos at 6-foot guard na si Montalbo na hinugot sa koponan ng TNT sina Poy Erram at ang national team member na si Troy Rosario. Ang 25-anyos na si Rangel ay 6-foot-7 big man na na-draft ng NLEX noong nakaraang 2021 PBA draft. Kasama nilang napili para sa final 12 sina naturalized player Angelo Kouame, Thirdy Ravena, Dwight Ramos, Juan Gomez de Liano, Lebron Lopez at mga Gilas draftees William Navarro at Jaydee Tungcab. Itatapat naman sa kanila ng India ang 12 players na ipinadala nila para sa second window na kinabibilangan nina Amritpal Singh, Vishesh

Bhriguvanshi, Muin Bek Hafeez, Princepal Singh, Pranav Prince ng NBA Academy, Aravind Annadurai, Manoj Belur Manjunatha, Palpreet Singh Brar, Rajeev Kumar, Arvind Kumar Muthu Krishnan, Prashant Singh Rawat at Sahaij Pratap Singh Sekhon. Huling nagsagupa ang India at Gilas Pilipinas sa FIBA-sanctioned tournament, nagwagi ang India sa 91-83 Challenge Cup.


Samantala, nagpahatid ng mensahe ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa South Korean basketball team matapos umatras sa February window ng FIBA World Cup Asian qualifiers.


Pormal na nakatanggap ng abiso ang SBP mula sa FIBA na nag-withdraw ang team Korea dahil sa COVID-19 sa FIBA Basketball World Cup 2023 - Asian qualifiers, ayon kay SBP president Al Panlilio. "We at the SBP commiserate with our friends from Korea as we know how difficult it is to deal with COVID-19. The SBP hopes that all the members of the team who caught the virus will get well at the soonest time possible."

 
 

ni VA - @Sports | February 15, 2022





Kapag nagkataon, posibleng sabay na magbubukas ang dalawa sa pangunahing collegiate leagues ng bansa na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Ayon sa balita galing sa kampo ng UAAP, ang Season 84 na nakatakdang pangunahan ng host De La Salle, target nilang magbukas sa darating na Marso 26. Sa kabilang dako, iniulat ng College of Saint Benilde official publication na The Benildean na balak din ng NCAA na magsimula ng kanilang Season 97 sa nasabi ring petsa.

Kapag natuloy, muli namang magkakasabay at puwedeng magkatapat ang pagpapalabas ng mga laro nila sa telebisyon gaya noong 2012-2015 kung saan napapanood ang NCAA sa TV5 at umeere naman sa Studio 23 ang UAAP. Nagkataon namang ang UAAP ngayon ang ipapalabas sa TV5 habang mapapanood ang NCAA sa Channel 7.

Dahil sa kasalukuyang sitwasyon, kapwa din nagpaplano ang dalawang liga na magdaos ng dalawa lang na live events ngayong taon-ang seniors basketball at women's volleyball.

Plano ng UAAP na magdaos ng apat na laro kada playdate habang triple o kaya'y double header naman kada gameday ang NCAA. Target ng UAAP para maging venue ang Mall of Asia Arena (MOA) habang balak ng NCAA na maglaro sa Rizal Memorial Coliseum.

Gayunman, mangyayari lamang ang lahat kung papahintulutan ang dalawang liga ng mga local government units na nakakasakop sa venue na pagdarausan nila ng mga laro kasama ang go signal ng Commission on Higher Education at Inter-Agency Task Force.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page