- BULGAR
- Jul 19, 2023
ni VA @Sports | July 19, 2023

Taliwas sa mga naunang ulat, may tsansang maglaro si Kai Sotto para sa Gilas Pilipinas sa darating na FIBA World Cup.
Ayon kay Gilas coach Chot Reyes, inaasahan ang pagdating sa bansa ng 7-foot-3 big man kahapon-Martes (Hulyo 18) mula sa pagtatapos ng stint nito sa Orlando Magic sa NBA Summer League.
Gayunman, ani Reyes ay hindi niya alam kung magpapakita ito sa kanilang ensayo. “Whether he comes to practice or not, I have no idea.”
Nagkaroon ng pagdududa kung makakasama si Sotto sa paghahandang ginagawa ng Gilas para sa FIBA World Cup pagkaraang mapabalitang nagtamo ito ng back injury sa pagtatapos ng kanyang paglalaro sa NBA Summer League.
Ngunit ayon kay Reyes sinabi sa kanya ni Tony Ronzone, ang manager ni Sotto sa Wasserman, na walang anumang seryosong injury ang Filipino slotman.
“Ronzone said that all the x-rays came back negative, so that is good news. But I have not had the chance to talk to Kai himself,” ani Reyes.
Dahil sa kanyang stints sa National Basketball League, Japan B. League at Summer League, inaasahang malaki ang maitutulong ni Sotto sa kampanya ng Pilipinas sa World Cup.
Patuloy ang training camp sa Meralco gym hanggang sa katapusan ng Hulyo, nakatakdang tapusin ng Gilas Pilipinas ang preparasyon nila sa World Cup sa pamamagitan ng paglalaro sa isang pocket tournament sa China sa unang linggo ng Agosto kung saan inaasahan na makakasama na nila si Sotto.






