top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni VA / Anthony E. Servinio - @Sports | November 16, 2020




Namayani ang Pilipinas at Australia sa unang araw ng 2020 FIBA ESports Open II Sabado ng gabi matapos parehong magtala ng tatlong panalo at maagang siguraduhin ang kanilang pagharap para sa kampeonato ng Timog Silangang Asya at Oceania. Ang seryeng best-of-three para sa kampeonato ay nilaro noong Linggo ng gabi.


Hindi maganda ang simula ng kampanya ng E-Gilas at natalo agad sa mga Australyano, 53-70. Subalit hindi sumuko at bumawi ang mga Pinoy sa pamamagitan ng tatlong sunod-sunod na tagumpay.


Nahanap ng Pilipinas ang kanilang paboritong sandata, ang three-points na hindi gumana laban sa Australia, at binuhos ang sama ng loob sa Indonesia, 65-37. Nanguna para sa mga Pinoy sina Aljon Cruzin na may 28 puntos at Rocky Brana na may 17 puntos.


Sumunod ang pangalawang pagharap sa Australia at nakaganti ng malaki ang Pilipinas, 81-55. Nagpaulan muli ng kaliwa’t kanan na tres ang E-Gilas upang lumayo agad at nagulat na lang ang kalaban.


Biglang nasubukan ang tibay ng loob ng mga Pinoy sa 65-50 na pangalawang panalo sa Indonesia. Sinayang ng Pilipinas ang 53-40 at nagpasabog ng 10 sunod-sunod na puntos ang mga Indones upang manakot, 50-53, subalit sinagot ito ng apat na tres sa loob ng huling minuto ng mainitang laban upang makatakas.


Tinalo rin ng Australia ang Indonesia ng dalawang beses, 75-61 at 80-59. Tabla ang Pilipinas at Australia sa kartadang 3-1 panalo-talo habang walang panalo ang Indonesia na 0-4 upang magpaalam kahit may nakatakdang tig-dalawang laro ang mga koponan sa elimination round.


Samantala, isang panalo nalang ang kailangan ng Saudi Arabia para umulit bilang kampeon ng Gitnang Silangan kontra sa Lebanon, 3-1. Nanalo ang mga Saudi sa unang laro, 73-69, pero natabla ng Lebanon ang serye sa pangalawa, 56-50.


Nagising ang Saudi Arabia at kinuha ang sumunod na dalawang laban, 62-45 at 71-64. Sa Aprika, lumamang ng walang hirap ang Cote d’Ivoire, 3-0, bunga ng suliranin sa internet sa panig ng Gabon.

 
 

ni VA - @Sports | November 7, 2020




Nagtala ng panibagong rekord sa kasaysayan ng Philippine volleyball si Marck Espejo bilang unang Filipino volleyball player na nakapaglaro sa tatlong magkakaibang bansa. Umalis ang 5-time UAAP MVP patungong Bahrain noong Huwebes ng hapon para maglaro sa koponan ng Bani Jamra sa Bahrain League.


Magsisilbing import ang 23-anyos na si Espejo para sa Bani Jamra hanggang Enero 30. "Itong league siguro sobrang mag-boost ng career ko ito if mag-boom ako doon. Kasi gulf area magandang exposure yon para sa akin," pahayag ni Espejo sa panayam sa kanya ng SPIN.ph. Nakatakdang magsimula ang Bahrain first Division League na may 8-team field na kinabibilangan din ng Al Muharraq, Al Ahly, Al Najma, Dar Kulaib, Al Nasr, Al Busaiteen at A’ali bukas-Linggo. Ito na ang pangatlong overseas stint ni Espejo matapos nyang maglaro sa Japan V.League bilang import ng Oita Miyoshi at sa Visakha Volleyball Club sa Thailand League na pinaikli ng COVID-19 pandemic.


Ang huling pagkakataon na naglaro si Espejo dito sa bansa ay noong nakaraang taon kung saan pinamunuan nya ang Philippine men's volleyball team na nagwagi ng makasaysayang silver medal sa 30th Southeast Asian Games.

 
 

ni VA - @Sports | November 4, 2020




Kahit nakamit na ang world no.1 ranking, hindi pa rin tumitigil si James delos Santos sa pagsabak sa mga world online karate circuit upang mapanatili ang kanyang pangunguna. Nito lamang nakaraang Lunes, muling nagwagi si De Los Santos sa e-Champions Trophy World Series para sa kanyang ika- 19 na gold medal.


Ginapi ni De los Santos si Silvio Cerone-Biagioni ng South Africa, 25.2-23.7, upang makamit ang tagumpay sa kabuuang pang 34 na kompetisyon na kanyang nilahukan online mula noong Marso. Bunga ng panalo, tumatag ang 2-time SEAGames bronze medalist sa kanyang kapit bilang numero unong online karateka sa buong daigdig.


At gaya ng nauna niyang plano, sisikapin nyang panatilihin at patatagin pa ang pangingibabaw sa rankings. “There are 12 tournaments for this month and also for the Christmas season and I’m planning to join all that, which means I will not be having a holiday break,” ani delos Santos.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page