- BULGAR
- Oct 16, 2020
ni Thea Janica Teh | October 16, 2020

Patay ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin sa sariling tahanan sa Bgy. 138 Balut Tondo, Maynila nitong Huwebes nang gabi.
Ayon kay Victor Hepte, Jr. na chairman ng Bgy. 138, sakay ng SUV at may suot na mask at sumbrero ang mga suspek.
Alas-8 ng gabi nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek si Alfredo Roy Elgarico sa kanyang bahay sa Younger Street. Kasama ng biktima ang kanyang bayaw na si Jay-r Castolome.
Sugatan si Castolome nang una itong barilin ng mga suspek. Tinulungan ni Elgarico ang bayaw na siya namang naging dahilan kung bakit siya ang pinagbabaril ng mga suspek.
Umabot sa 12 basyo ng 9 mm at kalibre 45 ang nakuha sa crime scene.
Wala umanong alam ang pamilya kung ano ang motibo sa pagpatay sa kanilang kaanak ngunit, nagkaroon na umano ng kaso ang dalawa kaugnay sa droga at ilegal na baril.
Kuwento pa ni Roylyn Elgarico na asawa ng biktima at kapatid ng sugatan, napagbintangan ang magbayaw na naghagis ng granada sa Raxabago Police Station.
Nakulong ito noong 2014 ngunit agad ding na-dismiss ang kaso.
Sa ngayon ay tatlong suspek ang pinaghahanap ng mga pulis.






