top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 12, 2024



Photo: Rayver Cruz at Julie Anne San Jose - IG


Seryoso at madamdamin ang naging mensahe ng Kapuso actor na si Rayver Cruz para sa nobyang si Julie Anne San Jose. Nagpahayag ito ng pangako sa Limitless Star na kahit marami ang ayaw sa kanya para kay Julie Anne, hindi siya susuko at patuloy na mamahalin ang nobyang singer-actress. 


Hindi raw iiwan ni Rayver si Julie Anne at patuloy na ipaglalaban ang kanilang pagmamahalan. 


Naiintriga kami kung sinu-sino kaya ang tutol at humahadlang sa relasyon nina Julie Anne at Rayver? At ano ang dahilan para ayawan nila si Rayver para kay Julie Anne? 


Hindi naman masasabing nakikisakay lang ang aktor-dancer sa kasikatan ng GF na singer-actress. Hindi naman sila laging magkasama sa mga shows ng GMA-7. At si Rayver ay hinahasa nang husto ang kanyang acting skills at major cast siya sa isang serye.  


Sa mga out-of-town shows lang sila madalas magkasama ni Julie Anne, at sa musical-variety show na All-Out Sundays (AOS). 


Ginawa naman ni Rayver ang lahat upang patunayan na hindi siya nakadepende lang kay Julie Anne. 


Well, it’s good na hindi rin naniniwala si Julie Anne San Jose sa paninira kay Rayver Cruz.


Nanaig pa rin ang kanyang puso at tiwala sa nobyo. 


Naalala tuloy namin ang sinabi ni Mommy Divine Geronimo noong nanliligaw si Rayver kay Sarah Geronimo. Inayawan daw ni Mommy Divine ang aktor dahil mukha itong aparisyon. 


Ano kaya ang ibig sabihin ni Mommy Divine ru'n? 



Mismong ang Kapuso actress na si Max Collins ang nagkumpirma na officially divorced na sila ng kanyang ex-husband na si Pancho Magno! 


Maayos ang kanilang paghihiwalay at walang sumbatan at siraan na nangyari. Hindi sila nagbigay ng anumang pahayag sa media nang mabunyag sa publiko ang kanilang paghihiwalay. Pinili nina Max at Pancho na manahimik muna. 


Ganunpaman, hindi sila nakakalimot sa kanilang tungkulin sa anak nilang si Skye. May co-parenting agreement sila para sa bata.


Samantala, hati ang reaksiyon sa balitang divorced na sina Max at Pancho. May ilang natuwa dahil makakapagsimula sila ng bagong chapter sa kanilang buhay, pero may mga kaibigan at tagahanga na labis na nanghihinayang. Umaasa pa kasi sila na magkakabalikan pa ang dating mag-asawa dahil bagay na bagay daw sina Max at Pancho sa isa’t isa. 


Pero, paniniyak ni Pancho, mananatili silang magkaibigan ni Max kahit divorced na sila. Nandoon pa rin ang kanilang respeto sa isa’t isa at patuloy na gagampanan ni Pancho ang kanyang responsibilidad sa anak nilang si Skye.



MASAYA kaming makita na aktibo ngayon sa kanyang singing career si Ice Seguerra. Mabentang-mabenta siya sa mga shows abroad, at big hit ang kanyang mga Videoke Hits concerts. 


Na-reinvent ni Ice ang sarili bilang singer-performer. Uso pa rin siya at nakikipagsabayan sa concert scene. 


Malaking tulong si Liza Diño sa pagbabalik-sigla ng career ni Ice Seguerra. Si Liza ang “wind beneath my wings” ni Ice. Si Liza ang naging inspirasyon at patuloy na nagbibigay ng motivation upang makamit ni Ice ang mga gusto niyang abutin sa buhay. Swak ang tandem nila sa pagbuo ng Fire and Ice Productions. 


Hindi naman talaga kumupas ang singing career ni Ice Seguerra, medyo nagpahinga lang pansamantala. 


Wish ng mga loyal fans ni Ice, sana ay magkaroon siya ulit ng another hit song na tulad ng impact ng kantang Pagdating ng Panahon. 


Nabanggit ni Ice na paborito niya ang kantang Anak ni Freddie Aguilar. Posible kayang mai-record niya ito? Puwede rin siyang gumawa ng compilation of Ice Seguerra's songs.



SA lahat ng nakarelasyon ni John Estrada, pinakamatagal ang pinagsamahan nila ni Janice de Belen. Nagkaroon sila ng apat na anak — tatlong babae at isang lalaki. 


Ang panganay ay si Inah, sumunod si Moira, at sinundan ni Kyla. Bunso si Yuan, ang only boy sa kanilang mga anak. 


Binata pa si John ay kilalang chickboy na. Pero kahit na babaero, tinanggap ito ni Janice de Belen kaya sila nagtagal. 


Kaso, hindi nagpakamartir si Janice sa piling ni John. May hangganan ang kanyang pagtitiis, at nakipaghiwalay sa mister. 


Ganunpaman, kahit hiwalay na sila ni Janice, hindi pinutol ng aktor ang relasyon niya sa kanilang mga anak. Close pa rin silang mag-aama at nagkikita on special occasions. 


Pero si Janice, hindi na nagkaroon ng bagong karelasyon after John. Sa career na lang niya ibinuhos ang kanyang panahon. 


Si Priscilla Meirelles, hindi rin martyr type. Nagkaroon sila ni John ng isang anak, pero hindi niya rin kinaya ang pagiging babaero ng mister, kaya nagdesisyong makipaghiwalay na.


So far, no regrets naman si Janice de Belen sa naging relasyon nila ni John Estrada dahil nagkaroon siya ng mga anak, kaya kumpleto ang kanyang pagiging ganap na ina.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 11, 2024



Photo: Gerald at Ai Ai Delas Alas - Instagram


Labis na ikinabigla ng marami ang balita tungkol sa hiwalayan nina Ai Ai delas Alas at Gerald Sibayan, samantalang takaw-pansin din ang kanilang relasyon. 


Umasa ang mga kaibigan ng Comedy Queen na may forever ang kanilang pagmamahalan kahit malaki ang age gap nila. 


All-out ang ibinigay na suporta ni Ai Ai kay Gerald matapos nilang magpakasal noong December 12, 2017. Pinagtapos niya si Gerald upang maging ganap na piloto. Si Ai Ai rin ang tumulong upang maging ganap na US citizen si Gerald, ngunit lumabas din ang katotohanan. 


At ngayong mismong 60th birthday ni Ai Ai, sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA)  ay magkukuwento ito tungkol sa tunay na estado nila ngayon ni Gerald Sibayan. 


Ayon sa mga unang naglabasang balita, dalawa ang itinuturong dahilan ng hiwalayan nina Ai Ai at Gerald. May third party daw na involved, at ang hindi nila pagkakaroon ng anak. Dalawang beses na sumubok si Ai Ai ng in vitro fertilization, pero hindi ito naging successful. 


Sadyang walang suwerte sa pag-ibig si Ai Ai delas Alas. Tatlo sa una niyang relasyon ay nauwi rin sa paghihiwalay.


Una ay sa una niyang asawa na si Rey Malte Cruz, ang biological dad ng anak niyang si Sancho.


Pangalawa, sa singer na si Miguel Vera na tumagal ng dalawang taon at nagkaroon sila ng dalawang anak. 


At pangatlo ay sa non-showbiz guy na si Jed Salang na kung matatandaan ay may issue ring pananakit kay Ai Ai. 



NAAAWA kami at nanghihinayang sa Kapuso actor na si Ken Chan. Biglang-bigla ay nadiskaril ang kanyang magandang karera na matagal niyang pinaghirapan. Nahaharap siya ngayon sa matinding pagsubok na hindi niya napaghandaan. Sumablay ang mga negosyo niyang pinasok, at ang tanging kamalian na kanyang nagawa ay ang sobrang pagtitiwala sa mga taong kanyang katransaksiyon sa negosyo.


Sobrang nagmadali si Ken Chan na kumita agad nang malaki, at basta na lang siya pumasok sa negosyo na walang sapat na kaalaman. 


Wish ng mga kaibigan at fans ni Ken Chan na sana, may mga taong tumulong sa kanya upang malutas ang kanyang mga kasalukuyang problema matapos siyang kasuhan ng syndicated estafa. 


Sayang naman kung magsa-suffer ang kanyang career dahil sa mga problemang kinasasangkutan. Hindi naman siya scammer. Mabait siyang tao. 

Sana ay mabigyan siya ng second chance.



MAGIGING bahagi ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (WMNPSMNS) Season 3 si Jillian Ward, at mahalaga ang role na kanyang gagampanan. Doktora pa rin ang role niya, pero hindi seryoso, tulad ng karakter niya sa Abot-Kamay Na Pangarap (AKNP) bilang si Dra. Analyn Santos. 


Medyo kikay at magko-comedy si Jillian Ward sa sitcom ni Sen. Bong Revilla, Jr.. Excited at tuwang-tuwa si Jillian na makatrabaho si Sen. Bong. Limang taong gulang pa lang siya noong magkasama sila sa pelikulang Ang Agimat at si Enteng Kabisote (AGASEK), at ngayong ganap nang dalaga si Jillian, nangako si Sen. Bong na gagawa silang muli ng pelikula. 


Dapat ay last year pa ito nasimulan, pero naging abala si Jillian sa serye niyang AKNP

Ngayong wala pa siyang follow-up project, magge-guest muna si Jillian sa iba’t ibang shows ng GMA-7 at magkakaroon din siya ng provincial shows.



BIRTH month ngayong November ni Rei Anicoche-Tan, ang CEO ng Beautederm Corporation. Sa halip na siya ang regaluhan, siya ang nag-donate ng P1 million sa Kasuso Foundation ni Ogie Diaz. Magkakaroon siya ng Closet Clean Up for a Cause. Dito ay magbebenta si Rei Tan ng mga luxury designer bags, shoes, clothes, atbp..


Ang kikitain sa Reinvent Your Style Closet Clean-Up ay ibibigay sa charity, sa Kasuso Foundation. 


Masipag at dedicated sa kanyang negosyo si Rei Tan kaya lumaki nang husto ang Beautederm Corporation.. Mga kilalang celebrities ang kanyang mga brand ambassadors tulad nina Marian Rivera, Piolo Pascual, Carlo Aquino, Darren Espanto, Glaiza de Castro, Alma Concepcion, Shaira Diaz, Edgar Allan Guzman, Sylvia Sanchez, atbp.. 


Hindi lang beauty conscious si Rei Tan, kundi health conscious din! Kaya kahit gaano siya ka-busy sa kanyang mga negosyo, binibigyan niya ng importansiya ang kalusugan.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 11, 2024



Photo: Dominic Roque, Bea Alonzo at Sue Ramirez - Instagram


Marami ang nadidismaya ngayon kay Dominic Roque dahil unti-unti na raw lumalabas ang kanyang pagiging ‘chickboy’. Bukod kasi sa madalas na pagsama-sama niya kay Kathryn Bernardo, namataan siya recently sa isang bar sa Siargao kasama ang aktres na si Sue Ramirez, na nakunan pang naghahalikan. 


Kaya naman napatanong ang marami kung sila na ba ngayon ni Sue Ramirez. Pero may ilang mga netizens ang nagsasabing hindi seryoso si Dominic sa mga babaeng nali-link sa kanya ngayon. Posible raw na paraan lang ito ni Dominic upang pasakitan ang ex-girlfriend niyang si Bea Alonzo. Gusto niyang patunayan na hindi siya apektado sa paghihiwalay nila ni Bea, at makakatagpo rin siya ng bagong pag-ibig.


Ibang-iba nga ang galawan ngayon ni Dominic, kaya marami ang naninibago. Kilala kasi siya na tahimik, mahiyain, man of few words, gentleman, mabait, humble, at low profile. Wala sa image niya ang pagiging chickboy.


Well, ano kaya ang magiging reaksiyon ni Bea Alonzo sa kissing photo nina Dominic at Sue?



NAGKASAKIT pala at ipinasok sa ospital ang sexy actress-vlogger na si Ivana Alawi at naoperahan. May sakit sa ovary si Ivana at dati na siyang may PCOS (polycystic ovarian syndrome). Isang linggo siyang na-confine sa ospital, at lumaki ang kanyang tiyan na feeling niya ay parang 5 months siyang preggy. 


Nahihirapan siyang huminga dahil sa dami ng tubig sa kanyang tiyan, at kailangan nang i-drain ang 2 litro ng tubig na naipon dito.


Dahil hindi na niya matiis ang hirap at sakit na nararamdaman, pumayag na si Ivana na operahan at i-drain ang tubig sa kanyang tiyan. 


Hindi biro ang sakit na naranasan ni Ivana Alawi, at itinuturing niyang isang “second life” ang kanyang paggaling, sa tulong ng mga dasal at ang pag-aalaga sa kanya ng magagaling na doktor sa ospital. May mga doktor na nagmo-monitor sa kanyang puso, atay, baga, at iba pa. Kaya laking-pasasalamat ni Ivana sa lahat ng nag-asikaso sa kanya sa ospital. 


At para makatulong sa ibang pasyente, naisipan ni Ivana na i-vlog ang kanyang pagkaka-confine sa ospital. Ang kikitain mula sa kanyang vlog ay ido-donate niya sa mga pasyente na kulang ang pambili ng gamot, lalo na ‘yung mga may sakit sa ovary o PCOS.



MATAGAL nang bahagi ng Bubble Gang (BG) si Paolo Contis. Marami nang dating cast ng BG ang nawala, pero si Contis ay mistulang haligi na ng longest-running gag show. 


Hindi naman siya isang comedian, in fact, kontrabida nga ang role niya sa mga pelikula niyang ginawa. Seryoso siya sa BG at hindi gaanong nagpapatawa, pero swak sila ni Michael V. at isa siya sa mga poste ng BG


Kung tutuusin, puwede namang isama si Paolo sa cast ng ilang serye ng GMA-7. Tatak niya ang pagiging kontrabida, kaya rin niyang mag-host ng game show. 


Ganunpaman, bumabawi na lang si Paolo sa mga role niya sa pelikula. Paborito siyang kunin ng mga producers na nagbe-venture sa kakaibang klase ng pelikula. Hindi man siya matinee idol, pero kaya niyang tanggapin ang kahit anong klaseng role. At happy na rin siya na matatandaan ng mga viewers dahil sa Bubble Gang.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page