top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 19, 2025



Photo: Rufa Mae Quinto - IG


Isa raw sa mga pinagsisisihan ngayon ni Rufa Mae Quinto ay ang ginawa niyang pagpapa-botox. ‘Yun ang kanyang ipinagtapat nang mag-guest siya sa Toni Talks (TT). 

Ayon kay RMQ, nakiuso lang siya at sinubukan niya ang pagpapa-botox. Pero hindi niya nagustuhan ang resulta nang makita na ito.


Hindi na niya nakilala ang dati niyang mukha nang humarap siya sa salamin. At nang tumagal daw ‘yung botox ay natabingi ang kanyang pisngi at hindi na pantay. Kaya naman sa lahat ng pagkakamali na kanyang nagawa, ang pagpapa-botox ang labis niyang pinagsisihan. 


Kung tutuusin, wala nang dapat na ipabago pa si Rufa Mae sa kanyang physical na anyo. She’s sexy, maganda at makinis. Okey na rin ‘yung kanyang pagiging Boobsie, isa ito sa kanyang mga asset, bukod sa flawless din ang kanyang kutis. 


Huwag na rin sana niyang ipabago ang kanyang lips na mala-Angelina Jolie. Tanggap naman ng lahat si Rufa Mae sa dati niyang anyo. 


Trademark ni RMQ ang pagiging jolly at funny, kaya enjoy ang lahat ng kanyang mga co-stars kapag kasama siya. 


Samantala, tuluyan nang naka-move on si Rufa Mae sa paghihiwalay nila ng mister na si Trevor Magallanes. Haharapin na lang niya ang kanyang showbiz career dahil suportado naman siya ng GMA-7. Ang kanyang anak na lang ang kanyang aasikasuhin. Kung may bagong pag-ibig na darating, mas magiging maingat na siya upang hindi na muling magkamali pa.



MARAMI ang nagtatanong kung wala na bang balak si Vina Morales na magpakasal at mag-asawa. She’s 49 years old, maganda pa rin at puwedeng-puwede pang maging trophy GF ng kahit sinong lalaki. 


Medyo nalibang lang siya sa kanyang career at hindi nabigyan ng panahon ang kanyang love life. 


May kani-kanya sila ng kapalaran ng mga close friends niyang sina Ruffa Gutierrez, Sunshine Cruz, Donita Rose at Karla Estrada. 


Well, naging abala si Vina sa kanyang career at madalas ay sa abroad siya nagko-concert. 


Mahal na mahal niya ang kanyang 16-year-old daughter, na anak niya sa businessman na si Cedric Lee. Hindi man naging maganda ang kanilang relasyon, pinatawad na niya ang ama ng kanyang anak. Hindi niya ipinagkait na makasama ni Cedric ang kanilang anak.


Maraming nanligaw noon kay Vina Morales, pinakamasugid sina Robin Padilla at Keempee de Leon. One year din ang naging relasyon nila ng politician na si Migz Zubiri, na punumpuno ng intriga, kaya hindi sila nagtagal. 


So far, naging makulay ang love life ni Vina. At this point of her life, open naman siya na magkaroon ng love life kung may darating. In fact, noong New Year's eve, kumain siya ng grapes sa ilalim ng lamesa. Pamahiin ‘yun ng mga babaeng gustong magkaroon ng boyfriend. 


Ganunpaman, tanggap din naman ni Vina Morales sakaling hindi na niya maranasan ang makasal at makapag-asawa pa. Pero thankful siya na na-experience niya ang maging mom at magkaroon ng isang anak na matalino at mabait. At sapat na rin na may mapagmahal siyang pamilya at mga kaibigang handang dumamay sa kanya.



MARAMI ang nagkaka-interest na mapanood si Mark Herras sa kanyang paggiling at pagsasayaw sa Apollo gay bar. Inabangan siya noong Valentine’s Day, pero may una na siyang natanggap na  commitment. 


Kaya naman abang-abang na lamang ngayon ang mga accla (bakla) at maging ang mga madadatung na matrona kung kailan siya ulit magso-show. 


May ilang customers nga raw ng Apollo gay bar ang nagtatanong kung puwede bang i-table si Mark Herras at handa silang magbayad nang malaki kung papayag ang aktor. 

In fairness, hindi naman sinasamantala ni Mark ang nakukuha niyang atensiyon ngayon mula nang mabalita ang kanyang super-bonggang pagsasayaw sa gay bar, kahit sabihin pa na puwede niyang gawin ‘yun upang kumita nang malaki. 


Isang bagay na hinangaan ng marami. Tama lang na hindi niya sunggaban ang offer dahil lalabas na napaka-cheap na niya kung sa pagsasayaw sa gay bar siya aasa ng ibubuhay sa kanyang pamilya. Kahit papaano ay may dignidad pa naman siya. 


Meron namang nagtatanong kung okey kaya si Mark Herras na sumayaw sa isang private party na puro babae ang manonood, ‘yung ginagawa sa isang bridal shower? 

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 18, 2025



Photo: Dennis at Jennylyn - Instagram


Nang mag-guest sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, marami ang nagulat nang sabihin ng aktor na siya ay isang mister na under. Para kasing hindi ma-imagine ng sinuman na ang isang macho at seryosong aktor na tulad ni Dennis ay sunod-sunuran sa kanyang wifey na si Jennylyn. 


Ganunpaman, marami namang dahilan kaya nagiging under o submissive ang isang mister sa kanyang misis. Maaaring mahal na mahal ni Dennis si Jennylyn, kaya lahat ay ginagawa niya upang mapasaya ang kanyang wifey. 


Maaari rin na dumating na si Dennis sa punto ng kanyang buhay na mature na siya at ayaw na ng anumang pagtatalo at hindi nila pagkakaunawaan ni Jen, kaya hindi na lang siya kumokontra sa anumang sabihin nito.


Well, maraming babae ang naiinggit at napapa-sana all sa suwerte ni Jennylyn Mercado sa piling ni Dennis Trillo. Ang lakas pa rin ng sex appeal ng Kapuso actor kahit isa na itong padre de familia.


Samantala, marami raw bagong mag-asawa ang makaka-relate sa pelikulang Everything About My Wife (EAMW) na pinagtambalan nina Jennylyn at Dennis Trillo kasama si Sam Milby. Pareho silang nagtulungan at nag-share ng mga ideas upang mapaganda ang movie.



Patuloy na sinisilip ng mga netizens ngayon ang umiiral na political dynasty na mahigpit na tinututulan ng marami. 


Bakit hindi pinapayagan na ang magkakapamilya ay sabay-sabay na tumakbo sa iba’t ibang posisyon, o nagpapalitan na lang ng puwesto kapag nahalal na? 


Pero, depensa naman ng mga supporters ng ilang political clans, hindi masisisi kung patuloy na ibinoboto ang mga kandidatong galing sa isang angkan lalo’t nakikita naman na sinsero sa pagtulong sa mahihirap at ginagawa ang tungkulin bilang public servant. 


Tulad na lang ni Sen. Bong Revilla, Jr. na nagsimula ang political career sa Cavite. Pinatunayan niya na karapat-dapat siyang maging lingkod bayan. Nahalal siya bilang  senador at patuloy na pinagkakatiwalaan ng mga botante dahil sa mga batas na naisulong niya sa Senado na napapakinabangan ng marami. 


Maging ang kanyang maybahay na si Lani Mercado ay naging mayor din sa Imus, Cavite, hanggang sa maging congresswoman ng 2nd District ng Cavite. 


Ang anak nilang si Jolo Revilla ay congressman ng 1st District ng Cavite. Si Bryan naman ay kumakatawan sa Agimat Partylist. 


Dahil sa magandang serbisyo ng pamilyang Revilla, hindi na isyu sa mga botante ang political dynasty lalo na’t madali silang lapitan ng mga nangangailangan.


Samantala, ang isyu ng political dynasty ay ibinabato rin sa Star for All Seasons na si Vilma Santos dahil sa pagpasok sa political arena ng dalawa niyang anak na sina Luis Manzano at Ryan Christian Recto. 


Tatakbong governor si Ate Vi at vice-gov. si Luis Manzano. Si Ryan Christian naman ay kandidatong congressman sa 6th District ng Batangas, kung saan dating congressman si Ralph Recto. Dati na ring naging congresswoman dito si Vilma Santos. 


Nakasalalay ngayon sa mga Batangueños ang magiging kapalaran sa pulitika nina Luis Manzano at Ryan Christian. Pero, ang Star for All Seasons, mahal ng mga Batangueños kaya nakatitiyak na ng panalo. 



NAG-AALALA ang mga fans na baka raw masapawan si Gabbi Garcia sa kanyang pagiging co-host sa PBB Collab Celebrity Edition. Nag-iisa lang kasi si Gabbi na Kapuso host at ang makakasama niya ay sina Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Kim Chiu, Melai Cantiveros at Enchong Dee na pawang mga Kapamilya artists. Kaya inaabangan ng mga tagahanga ni Gabbi kung ano ang segment na ibibigay sa kanilang idolo sa PBBCE. 


Ganunpaman, naniniwala ang mga Gabbi supporters na ang tipo ng aktres ay hindi basta umuurong sa mga challenges, she’s smart and witty. Kahit na sina Bianca, Robi, Kim, Melai at Enchong ang kasama niya sa reality show, tiyak na mapapansin din siya. 

At kahit paano, may experience na siya sa pagho-host sa mga events. 


For sure, paghahandaan din ni Gabbi Garcia ang mga isusuot niyang outfits sa PBB Collab Celebrity Edition, dahil isa ‘yun sa mga aabangan ng mga viewers.



PAGKATAPOS niyang mag-debut, marami raw gustong baguhin sa kanyang sarili ang Kapuso young artist na si Sofia Pablo. May ilan kasing nag-comment na kahit 18 years old na siya ay pa-cute at pabebe pa rin siyang kumilos at magsalita.


May ilan din ang nagsasabing ang arte-arte niya at umaastang teenager pa rin. Kaya ngayong 2025, nangako si Sofia Pablo na sisikapin na niyang magbago at maging seryoso.


Hindi man niya ito magagawa nang biglaan, unti-unti niyang babaguhin ang kanyang pabebe traits. Kikilos na siya bilang isang mature woman upang magmarka ang kanyang character na ginagampanan sa Prinsesa ng City Jail (PCJ), kasama ang leading man niyang si Allen Ansay. 


Petite si Sofia, kaya kailangan niya ng mature at mapuwersang pagganap upang magmarka ang kanyang character na ginagampanan. 


Although bagay sa kanya ang role na api-apihan, kailangan din na ipakita niya na kaya niyang lumaban. 


Dapat ding baguhin ni Sofia ang pitch o timbre ng kanyang boses upang lumutang siya sa PCJ. Likas na soft-spoken si Sofia Pablo, at ito ang dapat niyang baguhin.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 17, 2025



Photo: Julie Anne at Rayver - Instagram


Bonggacious ang ibinigay na Valentine gift ni Rayver Cruz sa kanyang lady love na si Julie Anne San Jose. 


Sinorpresa niya ang nobya nang bigyan niya ng mamahaling bass guitar. Isa na naman itong karagdagan sa mga musical instruments sa music room ni Julie Anne.


Ganoon na lang ang tuwa ni Julie Anne dahil bukod sa regalong bouquet of roses ni Rayver ay may surprise Valentine gift pang bass guitar na matagal na niyang pinangarap bilhin. Kaya naman may natanggap din na Valentine kiss si Rayver mula sa nobyang si Julie Anne.  


Marami naman ang labis na naiinggit sa tatag ng relasyon nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz. Perfect love team sila in real life, nagkakatulungan sa kani-kanilang career at nagsisilbing inspirasyon ng isa’t isa. 


Pareho nilang iniingatan ang kanilang relasyon at parehong nangangarap na maabot ang kanilang goal sa buhay.


Wish ng mga fans nina Julie Anne at Rayver ay huwag matulad kina Barbie Forteza at Jak Roberto ang love story ng dalawa.



MARAMING fans ni KC Concepcion ang natuwa sa balitang nagkabalikan sila ng ex-BF niyang Azkals player na si Aly Borromeo. 


May post sa social media si Aly na may kasamang babae noong Valentine’s Day, at kahit nakatakip ang mukha, obvious daw na si KC ang ka-date nito.


Dating magkasintahan sina KC at Aly noong 2016. Two years din silang naging magkarelasyon bago nauwi sa paghihiwalay. 


Muling nagkrus ang kanilang landas nang dumalo si KC sa isang arts event at nagkita sila ni Aly, kaya muling nabuksan ang kanilang communication line. Marami ang umaasa na mauuwi na sa seryosong relasyon ang kanilang pagbabalikan.  


Pagdating sa aspeto ng love life ni KC, ayaw makialam ni Megastar Sharon Cuneta. Nasa tamang edad na raw si KC at kaya nang magdesisyon pagdating sa pag-ibig. Matured na ito at marami nang natutunang leksiyon sa buhay. 


Basta ang wish lang ni Shawie ay matagpuan ni KC ang lalaking tunay na magmamahal sa kanya at handa siyang ipagtanggol at ipaglaban. Hindi kailangang pantayan ng lalaki ang yaman ni KC Concepcion, basta mabait, may goal sa buhay, at magiging mabuting asawa at padre de pamilya, pasado na kay Mega.



THIRTEEN years na palang walang love life si Piolo Pascual, kaya hindi problema sa kanya tuwing sumasapit ang Valentine’s Day. 


Ito ang inamin ni Papa P nang mag-guest siya sa Toni Talks (TT) ni Toni Gonzaga.

Marami silang bagay na napag-usapan. Isa na rito ay ang love life ni Piolo. Marami ang interesado na malaman ang latest na kaganapan sa buhay-pag-ibig ng aktor.


Maging si Toni ay nagulat at hindi makapaniwala na for the longest time ay hindi na nakipagrelasyon si Piolo at nanatiling single.


Matatandaang ang huling nabalitang GF ni Piolo ay sina KC Concepcion at Shaina Magdayao. 


Paliwanag ni Papa P, kahit matagal siyang single ay hindi naman niya naramdaman na may kulang sa kanyang buhay. Masaya siya sa buhay-binata na malaya. At may mga kaibigan naman siyang nakakasama on special occasions.


Secure na rin ang kanyang future at financially stable na. Tahimik siyang namumuhay sa kanyang rest house at farm. Ramdam din niya ang payapang buhay dahil sa kanyang matibay na pananampalataya sa Diyos.  


At this point of his life, hindi siya naghahanap ng ‘someone special’ na makakasama.  



SASALI si Manny Pacquiao sa reality competition ng Netflix sa Korea, ang Physical: 100 Season 3. Ito ay isang survival show na nakatakdang ipalabas sa fourth quarter ng 2025. Tampok dito ang competition between Asian countries. 


Well, si Manny Pacquiao ang napili upang maging representative ng Pilipinas.

Kahit retirado na si Pacman sa larangan ng boxing, physically fit pa rin ang dating senador. Regular pa rin siyang nagdyi-gym, nag-e-exercise, at nagra-running.


Maalaga siya sa kanyang katawan at kalusugan. Hindi siya nagpabaya sa kanyang pisikal na pangangatawan. Hindi siya tumaba, maliksi pa rin at na-maintain ang dating timbang.


Abala ngayon si Pacman sa campaign trail dahil tatakbo siya ulit bilang senador sa darating na midterm election. Eh, papaano kaya kung mananalo ulit siyang senador, tutuloy pa kaya siya sa pagsali sa reality show na Physical: 100?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page