top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 2, 2025



Photo: Alden Richards - IG


Ngayong nabuo na ang partnership ni Alden Richards at ng Viva Entertainment para sa iba’t ibang projects tulad ng movie, TV production, concerts, shows at food business, posibleng makapareha na niya si Anne Curtis na matagal nang pangarap ni Alden na makatrabaho. 


Nauna lang na tinapos ni Alden ang movie nila ni Julia Barretto, ang Pee Mak na Phil. adaptation ng highest grossing Thai horror movie na pinagbidahan noon ni Mario Maurer. 


May isa pa ring movie project si Alden na gagawin, ang Out of Order (OOO) na siya rin ang magdidirek.


Samantala, excited ngayon si Alden Richards dahil isang aviation school sa Clark, Pampanga ang nag-offer sa kanya ng scholarship para mag-aral mag-piloto. Pangarap din noon ni Alden ang maging piloto bago pa siya pumasok sa showbiz at dream din ito ng kanyang ama.


Pero, dahil may-edad na ang kanyang daddy, si Alden na lang ang magtutuloy ng pangarap nito.


Bagay naman kay Alden ang maging piloto, wala siyang “fear of heights”. Nang magbakasyon nga siya sa Dubai ay sinubukan niyang mag-skydive. 


Sa ngayon ay wala pang desisyon si Alden kung tatanggapin ang offer na scholarship ng aviation school sa Clark, Pampanga. Ipapaalam naman daw niya ito kapag final na ang lahat.


Madaling magtiwala sa lalaki…

SIGAW NI AI AI: ‘DI AKO TANGA, NAPUNTA LANG SA MALING TAO


MARAMI ang nagsasabing kaya laging heartbroken ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas ay dahil ‘tanga’ siya pagdating sa pag-ibig.


Laging pinaiiral ni Ai Ai ang kanyang puso, hindi ang isip. Kaya madalas siyang nasasaktan at nabibigo sa larangan ng pag-ibig. 


Pero depensa ni Ai Ai, hindi siya tanga sa pag-ibig, napunta lang daw siya sa maling tao na kanyang minahal. Madali siyang magtiwala, at inakalang tutumbasan din ang pagmamahal na kanyang ibinigay. 


At kahit ilang beses na siyang nabigo sa pag-ibig, patuloy pa rin siyang magmamahal at magtitiwala. Katulad ng nangyari sa kanilang relasyon ni Gerald Sibayan na tumagal din ng 10 years. 


Buong akala ni Ai Ai, si Gerald na ang tamang lalaki na makakasama niya habambuhay. Akala ni Ai Ai, nang magpakasal sila ay “age doesn’t matter”. Pero malaking factor pala ‘yun upang magtagal ang pagsasama ng mag-asawa. 


Malaki ang agwat ng edad ni Ai Ai sa ex-husband na si Gerald Sibayan. Naghanap din ito ng mas bata kay Ai Ai upang mabigyan ng anak.



AYON kay Mommy Min Bernardo, dahil nasa tamang edad na si Kathryn Bernardo ay binigyan na niya ito ng kalayaan sa mga bagay na gusto nitong gawin. Tulad nga ng planong pagbukod ni Kath ng tirahan upang maging independent na. 


Pero, sa isang ina na tulad ni Mommy Min, hangga’t maaari sana ay gusto pa rin niyang kasama sa bahay si Kathryn. Naroroon pa rin ang pag-aalala kung maayos na nakakakain at nakakapagpahinga ang kanyang anak. Gusto pa rin ni Mommy Min na damayan at bigyan ng moral support si Kathryn kapag ito ay napapagod sa shooting. 


Well, marami ngang nabago at mababago kay Kathryn kapag namuhay siya nang solo. 

Ayon kay Mommy Min, minsan hindi na raw nagpapaalam sa kanya si Kath kapag may lakad. Malalaman na lang niya na paalis na ito at may pupuntahan at hindi na humihingi ng permiso sa kanya.


Well, siguro naman, ang desisyon ni Kathryn na pagbukod ay hindi pagrerebelde. Hindi naman siya gaanong pinagbabawalan ni Mommy Min sa kanyang love life. 


In fact, naging maluwag nga si Mommy Min noong magkarelasyon sina Kath at Daniel Padilla for 11 years. ‘Di hamak na mas masuwerte si Kathryn Bernardo kay Sarah Geronimo na bantay-sarado noon ni Mommy Divine sa mga manliligaw.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 1, 2025



Photo: Jake Ejercito - Instagram


Marami ang nagtatanong kung wala bang girlfriend ngayon si Jake Ejercito?

Bakit wala siyang ipino-post sa kanyang social media account na larawan ng kanyang special someone o kahit na crush man lamang? 


Kay Ellie na lang ba ibinubuhos ni Jake ang kanyang panahon at atensiyon?

Thirty-five years old na si Jake Ejercito, guwapo naman at masasabing trophy BF ng sinumang babae. Galing siya sa disenteng pamilya, maganda ang image niya bilang mabait at mapagmahal na anak. Isa rin siyang mabuting ama kay Ellie.


Well, kahit sinong babae ay hindi magdadalawang-isip na mahalin si Jake Ejercito. For sure, papayag naman ang kanyang anak na si Ellie kung magkakaroon na siya ng girlfriend. Tutal, masaya na rin ang ex niyang si Andi Eigenmann sa piling ni Philmar Alipayo.


Kaya labis na pinag-uusapan ng marami kung bakit wala pang inilalantad na GF si Jake. Hindi naman siguro tututol ang kanyang mom na si Laarni Enriquez sakaling gustuhin na ni Jake na bumuo na ng sariling pamilya. 


Samantala, marami nga ang naiinggit sa sobrang closeness ng mag-amang Ellie at Jake Ejercito, patunay na daddy’s girl si Ellie.



MARAMI ngayon ang nag-aabang kung anu-ano ang mga eksenang magaganap sa pagpasok ng beauty queen na si Michelle Marquez-Dee (MMD) bilang celebrity guest sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition. Tiyak daw na mai-intimidate kay Michelle ang mga housemates, lalo na ang mga kalalakihan. 


Malakas ang personalidad ni Michelle at straight forward ito kung magsalita, hindi siya ‘people pleaser’. Sinasabi niya kung ano ang kanyang opinyon sa maraming bagay.


Well, maimpluwensiyahan kaya ni MMD ang mga girls sa Bahay ni Kuya? Makaka-relate kaya sila sa palabang ugali ng beauty queen? May maglalakas-loob kaya na kontrahin siya? 


‘Yun ang tiyak na aabangan ng lahat.



ABUT-ABOT ang pasasalamat ng buong pamilya ni Sen. Bong Revilla, Jr. dahil nakasalba siya sa tiyak na aksidente nang pumunta siya sa campaign tour sa Cebu.



Sakay siya ng isang chopper, at sumabit sa elesi nito ang isang saranggola.


Mabuti na lamang at alisto at magaling ang piloto at agad na nakapag-emergency landing kaya ligtas si Sen. Bong at mga kasama. 


Sadyang iniiwas pa rin ng Diyos si Sen. Bong sa kapahamakan, kaya siya nakaligtas. 


Kaya naman pagdating sa Maynila, agad na nag-offer ng mass si Sen. Bong at ang kanyang pamilya bilang pasasalamat sa pagkakaligtas niya sa aksidente. 


May mga nagsasabi naman na may taglay na agimat ang aktor-pulitiko kaya inilayo sa disgrasya. Lagi rin daw nakasubaybay ang kaluluwa ng kanyang mga yumaong magulang, kaya safe na safe siya.



LIKAS na magaling umarte ang child actor na si Zion Cruz na bida sa seryeng Ang Himala Ni Niño (AHNN) na napapanood sa TV5 araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, 11:15 AM. 


Sa ginanap na 38th Star Awards for TV, itinanghal na Best Child Performer si Zion. Pinarangalan na rin siya ng ibang award-giving bodies. 


Maging ang buong cast ng AHNN ay nagsasabing magaling umarte si Zion. Bilib din sa kanya ang mga senior stars na sina Freddie Webb, Carmi Martin at K Brosas. Ang galing-galing daw umiyak ni Zion.


Noong Setyembre pa unang umere sa TV5 ang AHNN na produced ng MQuest Ventures at Cornerstone Entertainment, mula sa direksiyon ni Peter Edward Dizon. 


Two weeks na lang itong mapapanood, at tiyak na magugulantang ang mga viewers sa finale episode nito. 


Ngayon pa lamang ay may mga nagre-request na ng extension ng serye, o kaya ay magkaroon ng Book 2 ang AHNN. May hatid itong magandang aral para sa lahat.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 31, 2025



Photo: Buboy Villar - Instagram


Kung hindi lumantad ang bagong GF ni Buboy Villar na si Isay Sampiano, hindi rin siguro maglalabas ng kanyang mga reklamo at sama ng loob ang dati niyang karelasyon na si Angillyn Gorens, kung saan mayroon silang dalawang anak. 


Ibinunyag ni Angillyn na sinasaktan siya ni Buboy noong panahon na sila ay nagsasama, lalo na raw kapag ito ay lasing. Kaya nang hindi na niya matiis ay nakipaghiwalay na siya sa aktor.


Isa pang inireklamo ni Gorens ay ang hindi pagbibigay ng sustento ni Buboy sa dalawa nilang anak. 


Ang mga magulang ni Gorens ang nag-aalaga sa 2 anak niya nang magtrabaho siya sa USA. At nalaman niya na hindi nga nagbibigay si Buboy ng sustento sa dalawang bata. 


Samantala, sa interview kay Buboy V. noong presscon ng Samahan ng mga Makasalanan (SNMM), itinanggi ni Buboy ang isyu tungkol sa diumano’y pananakit niya sa dating karelasyong si Angillyn at may agreement daw sila ng mga magulang nito para sa sustento ng dalawang anak.


Well, hindi maganda ang magiging impresyon ng publiko sa pagkatao ni Buboy sa akusasyong ito ng dating karelasyon. Mas marami pa rin ang maniniwala at makikisimpatya kay Angillyn Gorens dahil babae siya.


Ang dapat na lang gawin ngayon ni Buboy Villar ay bumawi sa kanyang mga anak at ayusin ang pagbibigay ng sustento.


Kayang mabuhay nang wala sa showbiz…

JOHN LLOYD, WALA PA SA MOOD NA BUMALIK SA PAG-ARTE


Nagpa-release na ng kontrata sa Crown Management si John Lloyd Cruz (JLC). It seems wala pa rin siya sa mood na lumabas sa telebisyon at pelikula. Ine-enjoy pa niya ang kanyang indefinite leave sa showbiz. 


Masaya si JLC sa kanyang tahimik na buhay sa likod ng kamera. Tutal, may sapat naman siyang ipon at mabubuhay siya nang maginhawa kahit ilang taon pa siyang hindi tumanggap ng project. 


Maayos naman na nag-usap sina Maja at John Lloyd nang magpa-release siya ng kontrata sa Crown Management.


Well, nagtatanong naman ang mga fans kung ano ang plano ni JLC ngayong pahinga ang kanyang showbiz career? Magpapakasal na ba sila ng kanyang GF na isang pintor? 


Labis naman na nanghihinayang ang mga netizens dahil magaling na aktor si JLC. Hindi pa rin bumababa ang kanyang popularidad. 


Samantala, maraming fans ang naghihintay sa reunion movie nila ni Bea Alonzo. Bakit kaya biglang tinabangan sa kanyang buhay-artista si John Lloyd Cruz? 



GUSTONG tularan ni Carmi Martin ang aktor na si Dennis Trillo kaya tumatanggap siya ngayon ng offbeat role, tulad ng kanyang character bilang si Madam Chona sa seryeng Ang Himala Ni Niño (AHNN) na mapapanood sa TV5, 11:15 AM bago mag-Eat… Bulaga! (EB!).


Markado sa mga viewers ang kanyang role, kaya nagtatanong ang mga ito kung bakit bad girl na ngayon si Carmi Martin? 


Dati kasi ay sexy comedy ang ibinibigay sa kanyang role. Pero ngayon, mas gusto na ni Carmi na maging magaling na “character actress”. Gusto niyang patunayan na kaya niyang gampanan ang lahat ng klaseng roles na ibibigay sa kanya. 


Thankful si Carmi Martin sa MQuest Ventures at TV5 sa pagkakasama niya sa seryeng AHNN, at ikinatuwa rin ni Carmi na kasama rin sa cast ang veteran actor na si Freddie Webb. 


Magkatambal sila noon ni Freddie sa sitcom na Chicks to Chicks (CTC) na tumagal ng 14 years. 


Pawang mahuhusay umarte ang mga artistang kasama sa cast. Pinuri rin ni Carmi ang MQuest Ventures at Cornerstone dahil sa respetong ibinibigay sa mga senior stars na kasama sa AHNN. Nararamdaman daw nila ang ibinibigay sa kanilang importansiya. 

Two weeks na lang eere ang AHNN at maraming kaganapan ang dapat na abangan.



MARAMING viewers ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition ang nakahinga nang maluwag nang na-evict na sa Bahay ni Kuya ang Kapuso actress na si Ashley Ortega at ka-tandem na si AC Bonifacio. 


Marami na ang naaawa kay Ashley dahil sa bigat ng dinadala niyang problema sa tampuhan nila ng kanyang ina. Halos araw-araw ay iyak nang iyak si Ashley sa tindi ng emotional stress na kanyang pinagdaraanan, habang nasa loob siya ng Bahay ni Kuya.

Nag-open-up na rin siya dati kay Ivana Alawi.


Ganunpaman, marami namang mga viewers ang labis na nanghinayang na na-evict agad si Ashley. Malakas pa naman ang kanyang dating at kasundo niya ang lahat ng mga housemates. 


Anyway, may magandang kapalit naman ang pagkaka-evict kay Ashley dahil nagkabati na sila ng nakatampuhang ina. Pinadalhan si Ashley ng isang madamdaming sulat ng kanyang mommy. Napaiyak si Ashley nang sabihin ng kanyang ina na matagal na siyang pinatawad nito.


At ngayon, nakalabas na siya sa PBB house, makakasama na ni Ashley Ortega ang kanyang mom.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page