top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 4, 2025



Photo: Julia Barretto at Gerald Anderson - IG


Sa isang interbyu, naibahagi ni Gerald Anderson ang dahilan kung bakit nagtagal ang relasyon nila ni Julia Barretto. 


Noong una ay marami ang nagsasabing hindi pa rin pipirmi at titino si Gerald kay Julia. Bukod sa malaki ang agwat ng kanilang edad, hindi pa raw sawa sa pagbubuhay-binata si Gerald. Tiyak na iiral pa rin ang kanyang pagiging chickboy. 


Ganunpaman, bumilang na ng taon ang relasyong Julia at Gerald. At habang nagtatagal ay lalong tumitibay ang kanilang pagmamahalan. 


Hanga si Gerald kay Julia Barretto dahil sa taglay nitong strong personality at tiwala sa sarili, hindi nakaramdam ng insecurity si Julia sa kanyang mga co-stars at nakita ni Gerald ang full support sa kanya ng GF. 


Kahit daw may mga pagkakataon na bihira silang magkita dahil sa kanyang mga commitments, nararamdaman ni Gerald na concerned sa kanya si Julia. 


Ayon pa kay Gerald, magaan na karelasyon ang isang katulad ni Julia na walang demands at expectation.



NAALARMA at nababahala ang marami sa sunud-sunod na pagyao ng mga sikat na celebrities. Unang buwan pa lang noon ng 2025 ay halos nagkakaisa na ang mga kilalang psychics sa kanilang babala na magluluksa ang showbiz dahil may mga sikat at malalaking artista na papanaw. 


Yumao nga ang veteran actress at Movie Queen na si Gloria Romero, ganoon din si Delia Razon na lola ni Carla Abellana. 


Halos magkasunod naman na yumao ang Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales at ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor. 


Sumunod kay Nora Aunor ang magaling na singer na si Hajji Alejandro, na binansagang “Kilabot ng mga Kolehiyala”. 


Ngayon, ang actor-director na si Ricky Davao ang namaalam na dahil sa cancer. Kaya naman marami ang nagsasabing kailangan nang magpamisa ang mga samahan ng mga artista upang maputol at tumigil na ang ‘sumpa’ at kamatayan sa mga taga-showbiz.



HINDING-HINDI malilimutan ng Primetime King na si Dingdong Dantes ang naging experience niya nang makatrabaho ang Superstar na si Nora Aunor. 


Taong 2015 nang mag-guest si Aunor sa seryeng Pari ‘Koy (PK) na pinagbibidahan noon ni Dingdong. Kaya naman medyo kabado ang aktor kung papaano niya gagawin ang kanilang mga eksena. 


Makapasa kaya siya sa Superstar? 


Pero nang dumating daw sa set ng PK si Aunor, hindi ito nag-stay sa tent na nakalaan sa kanya. Sa halip ay nagpalabas siya ng dalawang upuan at dito sila nag-usap at nagkuwentuhan ni Dingdong habang inaayos pa ang mga kukunan nilang eksena. 


Halos hindi makapaniwala si Dingdong Dantes na ganoon ka-humble at down-to-earth ang Superstar. Wala itong kaere-ere at hindi VIP kapag nasa shooting. Wala rin siyang gaanong demand sa production staff kaya komportable ang lahat. 


Kaya ganoon na lamang ang paghanga at pagsaludo ni Dingdong Dantes sa yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor, at malaking karangalan na nakatrabaho niya ito.



BUMUBUHOS ngayon ang pakikiramay kay Jackie Lou Blanco sa pagpanaw ng ex-husband niyang si Ricky Davao. 


Ilang linggo pa lang ay pumanaw ang kanyang inang si Pilita Corrales. Hindi pa siya nakakapagpahinga sa pagluluksa, sumunod nga ang dati niyang mister na si Ricky Davao. 


Dalawang tao na kanyang minahal ang nawala sa buhay ni Jackie Lou. Masakit man, kailangan niyang magpakatatag. 


Si Ricky Davao ay 63 years old at napakaaktibo pa sa showbiz. Walang mag-aakala na ang isang masayahing tao na tulad niya ay maagang mamamaalam. 


Maaalala si Ricky ng malalapit niyang kaibigan sa showbiz sa hilig niyang kumanta kapag may mga showbiz gatherings at kapag nagkikita-kita sila ng kanyang mga showbiz friends. Madalas ay si Ricky ang life of the party. Masaya siyang kasama dahil napaka-down-to-earth at marunong makisama. 


Nagluluksa ang buong showbiz sa pagkawala ng isang magaling na aktor at direktor na si Ricky Davao. 

Rest in peace.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 3, 2025



Photo: Ipe Salvador at Kris Aquino - FB, IG


Patuloy na ginagawang isyu ngayon kay Phillip Salvador ang diumano’y hindi niya pagbibigay ng sustento sa anak niya kay Kris Aquino na si Joshua. Hinayaan na lang daw ng aktor na lumaki si Joshua na hindi sila nagkakaroon ng bonding bilang mag-ama. 


Kaya naman sa yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino napalapit ang loob ni Joshua dahil sila ang madalas na magkasama. At gustuhin man ni Phillip na hiramin si Joshua ay hindi nangyayari dahil hindi ito pinapayagan ni Kris. 


Kaya sa halip na pagmulan pa ng away nila ni Kristeta ang tungkol sa kanyang karapatan sa anak, hindi na ito ipinilit pa ni Phillip. Hinayaan na lang niya kung ano ang gustong pagpapalaki ni Kris kay Joshua kahit na hinuhusgahan ang kanyang kakulangan bilang ama. 


Nagmarka sa publiko na isang pabayang padre de pamilya si Ipe batay na rin sa mga naging pahayag sa media ni Kris Aquino. 


Pero sabi nga ni Phillip, alam ng Diyos kung ano ang totoo, tulad din ng sinabi ni Kyline Alcantara na, “I know my truth.” 


Hinusgahan man siya ng lahat, alam ng Diyos na mahal na mahal niya si Joshua at nami-miss niya ang kanyang anak. 


Umiwas siya at nanahimik na lang sa mahabang panahon dahil ayaw niya ng gulo. 


Ayaw niyang banggain noon si Kris Aquino dahil alam niya kung ano ang puwede nitong gawin na ikasisira ng kanyang reputasyon. Darating din naman ang araw na maiintindihan ni Joshua ang lahat.



BUKOD kina Mavy Legaspi at Kobe Paras, nauna palang nakarelasyon ni Kyline Alcantara sina Darren Espanto at Miguel Tanfelix. Pero hindi ito gaanong naisapubliko at hindi man lang nai-post ni Kyline sa social media. It seems hindi rin naman nagtagal ang kanyang pakikipagrelasyon kina Darren at Miguel dahil hindi siya nag-post ng larawan na kasama ang mga ito sa anumang events. 


Wala ring naging reaction ang mga mommies nina Darren at Miguel tungkol kay Kyline. Nangangahulugan lamang na hindi ganoon kaseryoso si Kyline kina Darren at Miguel. 


Nagkaroon lang ng issue nang ma-involve si Kyline kina Mavy Legaspi at Kobe Paras. Inaayawan siya ng mga mommies ng dalawa at inaakusahan pa si Kyline na manipulative at bayolente kapag nagseselos. 


Pero ayaw nang pansinin ni Kyline ang paninirang ito sa kanya. Career ang kanyang prayoridad, hindi na ang love life.



MISTULANG tourist spot ang puntod ng yumaong Superstar/National Artist na si Nora Aunor. Patuloy na dumaragsa at dumadalaw ang mga loyal fans ni Aunor sa Libingan ng mga Bayani. Dito nagkikita-kita ang mga tagahanga ni Nora upang sariwain ang mga alaala ng Superstar. May mga nagdadala pa ng tent, upuan, at pagkain at nagpi-picnic sa harapan ng puntod ni Guy. 


Maging ang ilang artista na naging kaibigan ni Aunor ay dumadalaw at nag-aalay ng bulaklak tulad ni Gardo Versoza. Ikinukuwento pa ni Gardo kay Nora na may ginagawa siyang movie with Direk Joel Lamangan na tiyak daw na magugustuhan ng Superstar. 


Well, tiyak na bago pa mag-40 days si Aunor ay marami pang paghahanda ang gagawin ng iba’t ibang grupo ng Noranians bilang pagpupugay at respeto sa minamahal at iniidolong Superstar.



THANKFUL ang Kapuso actor na si Jak Roberto na naimbitahan siyang muling mag-guest sa sitcom na Pepito Manaloto (PM)


Bale six years na rin mula nu’ng huli niyang guesting sa PM. At nataon na 15th anniversary pa ng sitcom kaya espesyal ang episode dahil isinabay sa summer.

Nag-enjoy si Jak na makasamang muli ang cast ng PM. Para na siyang bahagi ng pamilya ng sitcom. 


Marami naman ang nakakapansin na maaliwalas ang aura ni Jak. Mukhang naka-move on na siya sa breakup nila ni Barbie Forteza at umamin na ready na ulit siyang umibig kung may darating na magpapatibok ng kanyang puso. 


Ang hindi lang sure ay kung papayag ba si Jak Roberto na magkasama o magkatrabaho sila ni Barbie sa isang serye ng GMA-7. 


Samantala, excited naman si Jake Vargas dahil nabuo na ang banda niyang Altitude.7 (A.7). May mga gigs na sila ngayon kaya inspirado si Jake na mag-perform.


Kaya ‘pag wala siyang taping sa PM ay sa kanyang banda nakatutok ang panahon ni Jake Vargas. Matagal na niyang pangarap ang tumugtog at kumanta kasama ang kanyang banda kaya masaya siya sa bagong challenge na ito sa kanyang career.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 2, 2025



Photo: Alden Richards - IG


Nang pumanaw ang Superstar/National Artist na si Nora Aunor, lumutang ang maraming pangalan ng personalidad na tumulong sa usaping-pinansiyal. 


Bukod kay Pangulong BBM at sa PCSO, nabanggit din at pinasalamatan ni Lotlot de Leon sina Sen. Robin Padilla, Sen. Bong Go, Imelda Papin, Chavit Singson, Sharon Cuneta, Kiko Pangilinan at ang Star for All Seasons na si Vilma Santos.  


Meron ding mga non-showbiz friends na dumamay at iba’t ibang fans club ni Aunor.  

Pero lingid sa kaalaman ng marami, isa si Alden Richards sa mga nagbigay din ng tulong-pinansiyal noong nabubuhay pa ang Superstar. Inilihim niya ito sa publiko dahil gusto niya ng tahimik lang na pagtulong.  


Ayon kay Alden Richards, bata pa siya ay kilala na niya si Nora Aunor. Naging magkaibigan daw si Guy at ang kanyang ina na si Rosario Reyes (SLN). Madalas daw siyang isinasama noon ng kanyang ina kapag dumadalaw kay Aunor sa bahay nito, kaya nakita ni Alden kung gaano kabait at ka-humble ang Superstar.  


Nasubaybayan din ni Alden ang naging takbo ng buhay ni La Aunor. Kaya nang mabalitaan niya na may pangangailangan itong pinansiyal, sikreto niya itong pinadalhan. 


Naaalala raw ni Alden ang yumao niyang ina kapag nakikita niya ang Superstar.



MARAMI ang interesado at nag-aabang sa remake ng Marimar na naging daan upang sumikat si Marian Rivera na ang kapareha ay si Dingdong Dantes. Kaya naman gustong iparating ng grupo ng mga tagahanga nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa GMA executives na i-remake ang Marimar


Bagay daw sa KathDen ang character na kanilang gagampanan, lalung-lalo na si Alden Richards bilang si Sergio. 


At si Kathryn, kahit na morena ang kutis ay may hubog naman ang katawan. 

Let’s see kung magpo-prosper ang project para sa tambalang KathDen.


Magiging abala ang schedule ngayon ni Alden dahil may bago siyang show sa GMA-7, ang Stars On The Floor (SOTF). Si Alden ang host at judges naman sina Marian Rivera, Pokwang at ang choreographer ng SB19. 



MUKHANG si Michael Sager ang susunod na ibi-build-up nang husto ng GMA Network. 

Malaki ang potensiyal upang sumikat siya nang husto dahil matinee idol ang porma niya.


Dati nang naging leading man ni Jillian Ward si Michael Sager bago pa siya pumasok sa Bahay ni Kuya. 


Nag-click ang collab/tandem nila ni Emilio Daez na younger brother ni Mikael Daez sa PBB Celebrity Collab Edition


Nabigyan ngayon ng break si Michael Sager upang maging host sa Unang Hirit (UH). Dito ay marami siyang matututunan, lalo na sa pagho-host.


Samantala, maraming mga fans ni Emilio Daez ang umaapela sa GMA-7 na kunin na rin nila ito at i-build-up. Talented naman ito at mahilig ding umarte. Wish din ng mga fans, pagsamahin sa isang show sina Michael Sager at Emilio Daez.



MAY bagong pinagkakaabalahan ngayon ang aktor na si Mark Herras. Nang naputol ang pagsama-sama niya sa singer-businessman na si Jojo Mendrez, dumating ang mga oportunidad para siya kumita at makawala sa anino ng singer. 


Bukod sa pag-eendorso ng isang brand ng clothing line ay inalok din siya ng Ang Probinsyano Partylist upang tumulong sa pag-iikot para mangampanya. Kasama niya rito sina Jason Abalos at JC de Vera. 


Naniniwala sina Mark, Jason at JC sa adbokasiya na isinusulong ng Ang Probinsyano Partylist at ni Cong. Alfred Delos Santos. 


Sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon at Visayas sumasama sina Mark, Jason at JC. Si Mark, pinagkaguluhan nang mag-ikot sa lalawigan ng Siquijor kamakailan.  

 
 
RECOMMENDED
bottom of page