ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | January 11, 2026

Photo: File / IG _aldenrichard02
Tiyak na ikagugulat at hindi paniniwalaan ng mga diehard fans ni Alden Richards ang na-vibes ng psychic na si Mamu Gloria Escoto tungkol sa Pambansang Bae.
Naudlot kasi ang tambalan nina Alden at Kathryn Bernardo. Bagay na bagay pa naman sila sa isa’t isa at malakas ang kanilang chemistry.
Pinasaya at pinakilig nila ang mga KathDen fans kaya kumita nang milyones ang pelikulang Hello, Love, Again (HLA). Itinanghal pa sina Kathryn at Alden bilang Box Office Queen and King.
Hinihintay na lang ng kanilang mga tagahanga noon ang pag-amin nila sa kanilang relasyon, pero hindi ito nauwi sa totohanang romansa, isang bagay na labis na pinanghinayangan ng lahat.
Pero hindi mapipilit kung hindi sila nakatakda para sa isa’t isa.
Si Kathryn ay nali-link ngayon kay Lucena Mayor Mark Alcala, samantalang si Alden, sa kabila ng pagiging abala sa kanyang career at negosyo, may nagpapasaya na rin umano sa kanyang puso ngayon.
Ito ang hula ng psychic na si Mamu, pero itinatago lang daw ni Alden Richards dahil ayaw niyang pagpiyestahan ng media.
Puwede raw bida-kontrabida…
ANGELICA, BILIB SA GALING NI BARBIE
PATULOY si Barbie Forteza sa pagpapahusay ng kanyang talento sa pag-arte.
Sa pelikulang Until She Remembers (USR) na pinagbibidahan nina Charo Santos at Boots Anson-Roa, markado at challenging ang kanyang role. Ginabayan din siya ng mahusay at premyadong direktor na si Brillante Mendoza.
Ang mabigyan ng pagkakataong makasama ang dalawang respetadong aktres na sina Charo at Boots ay isa nang malaking oportunidad para kay Barbie.
Tiyak na marami ang naiinggit ngayon sa aktres dahil marami siyang matututunan, at karangalan din para sa kanya ang maidirek ni Brillante Mendoza.
Hindi naman matatakpan si Barbie ng mga beteranang bituin dahil siguradong pinaghandaan niya ang kanyang mga eksena.
Maging si Angelica Panganiban ay humanga kay Barbie nang mapanood siya sa Kontrabida Academy (KA). Kung sakaling magkaroon ng remake ng seryeng Rubi na kanyang pinagbidahan noon, si Barbie ang irerekomenda ni Angelica na gumanap.
Sa hanay ng mga young actress ngayon, malaki ang potensiyal ni Barbie Forteza na umangat pa nang husto at maging mahusay na dramatic actress. Seryoso at professional siya sa trabaho kaya kayang makipagsabayan sa mga beteranang artista.
After 4 yrs. na BF-GF…
THEA, NAGHAHANDA NA PARA SA KASAL SA PILOTO
LARAWAN ng isang medyo excited na bride-to-be ang Kapuso actress na si Thea Tolentino nang mag-guest sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Four years na sila ng kanyang boyfriend na si Martin Miguel, isang piloto.
Kuwento ni Thea, si Juancho Triviño ang naging daan upang magkakilala sila ni Martin. Ito ang nagsilbing kupido kaya siya na-in love sa kanyang husband-to-be.
Abala ngayon si Thea sa kanyang wedding preparations. Wala pa siyang nakakausap na designer na gagawa ng kanyang wedding gown. Minsan ay humihingi rin siya ng advice kay Mikoy Morales na ikakasal na rin sa March.
Thankful si Thea na nakatagpo siya ng lalaking very supportive sa kanyang career. Naiintindihan nito ang kanyang trabaho at hindi siya pinatitigil sa pag-aartista pagkatapos ng kanilang kasal.
Nagtapos ng kolehiyo ang aktres sa kabila ng kanyang busy schedule. Ngayon ay patuloy pa rin siya sa pagtanggap ng mga projects sa GMA Network. Epektibo siyang kontrabida kaya hindi siya nawawalan ng serye.






