ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 15, 2025
Photo File: Ivana Alawi - IG
Dedma, as in ayaw patulan ng vlogger-aktres na si Ivana Alawi ang kumakalat na tsismis sa showbiz na may anak sila ng ex-BF niyang actor-politician na si Dan Fernandez.
Sa Amerika raw nagsilang noon ang aktres upang mailihim sa publiko ang pagkakaroon niya ng anak.
Pero hindi ito kapani-paniwala dahil wala namang bakas sa porma ng katawan ngayon ni Ivana na isa na siyang mom. At imposibleng matiis niya na mawalay sa kanyang anak nang matagal, kung totoo ang tsismis.
Kaya labis na nagtataka si Ivana kung bakit lumulutang ngayon ang kuwento tungkol sa pagkakaroon niya ng anak kay Dan. Ano ang motibo ng nagpapakalat ng fake news na ito?
May ilang netizens naman ang nagsasabi na baka pakulo ito ng kampo ni Dan Fernandez dahil may balak siyang mag-comeback sa showbiz. Hindi kasi siya nanalo noong midterm election kaya plano niyang balikan ang pag-aartista.
Anyway, happy ang love life ngayon ni Ivana Alawi at aminadong inspired. Kaya ayaw na niyang pag-aksayahan ng panahon ang paninira ng mga bashers sa kanya.
Kahit Ms. Universe pa… PIA, ‘DI KAYANG SAPAWAN SI HEART SA PAGRAMPA
HINDI pa rin tumitigil ang kumpitensiya sa pagitan nina Heart Evangelista at Pia Wurtzbach sa kanilang sabay na pagrampa sa Paris Fashion Week (PFW).
Ramdam ng mga observers ang matinding kompetisyon sa kanilang pagitan. Si Heart, sa kabila ng kanyang pagiging petite ay ang lakas ng karisma. Pinahanga rin niya ang ilang sikat na designers na bahagi ng PFW.
Paborito rin si Heart ng mga photographers at media na nagko-cover ng fashion event.
Samantala, ang panlaban naman ni Pia ay ang kanyang titulo bilang Ms. Universe. Bentahe para sa kanya ang pagiging beauty queen, plus ang height niya na pang-model talaga.
Ganunpaman, hindi niya masapawan si Heart kahit saang aspeto daanin. Mas malakas pa rin ang impact sa tao kapag rumarampa na si Heart na punumpuno ng confidence. At kahit na anong style ng damit ay bumabagay sa kanya, kaya gustung-gusto siyang bihisan ng mga sikat na fashion designers sa Paris.
ANNOUNCEMENT pa lang ng first Top 4 na pumasok sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025, marami na ang natuwa at na-excite sa pagkakasama ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins (SRREO). At nataon pa na ngayong 2025 ang 63rd year ng pagkakatatag ng Regal Films na pinamunuan noon ng Regal Matriarch na si Mother Lily Monteverde.
Marami nang moviegoers ang naghihintay sa pagbabalik ng SRR series sa MMFF. Inaabangan ito ng lahat, bata man o matanda.
Tatlong horror stories ang hatid ng SRR at ang bawat istorya ay ididirehe ng tatlong direktor na sina Ian Lorenos, Shugo Praico at Jeff de Guzman.
Tiyak na winner na sa takilya sa MMFF 2025 ang SRR: Evil Origins. Isa ito sa mga entries na hindi palalampasin ng mga moviegoers at bongga ang cast.
MARAMI ang nagsasabing puwede nang bumalik si Yasmien Kurdi sa kanyang acting career ngayon na malaki na ang kanyang anak na babae.
Na-maintain naman ni Yasmien ang kanyang figure at artista look, puwede pa siyang magbida sa anumang serye ng GMA-7.
Nagpahinga rin muna sa kanyang pagpi-piloto ang mister niyang si Rey Soldevilla, tumutulong na ito sa negosyo nilang Malunggay Colostrum. Nagla-live selling si Yasmien ng kanilang ibinebentang produkto.
Gusto ring balikan ni Yas ang pag-arte basta may role siyang magugustuhan at challenging – ‘yung mas mahirap at ‘yung susubok sa kanyang kakayahang umarte.
Kayang-kaya naman ni Yasmien Kurdi na makipagsabayan kahit sa mga veteran stars.
Mas exciting sana kung may serye na puwedeng pagsamahin sina Jennylyn Mercado, Katrina Halili at iba pang ka-batch nila noon sa StarStruck 1 (S1).










