top of page
Search

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 11, 2025



Photo: Gina Alajar - YT Luchi Cruz-Valdes


Marami ang nagulat at hindi makapaniwala nang mapanood ang mahusay na aktres/direktor na si Gina Alajar sa podcast ng broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdes. 


Matapang na inamin ni Gina na minsan sa kanyang buhay ay sumubok siyang gumamit ng droga. Ito ay nu'ng nasa mid-20s siya at abalang-abala sa kanyang shooting at taping.

Nakatulong daw ang droga upang hindi siya makaramdam ng antok at pagod. Halos dalawang taon din siyang gumamit ng droga noon, hanggang sa ma-realize niya na kailangan nang ihinto ang kanyang bisyo. 


Nagkahiwalay sila ni Michael de Mesa at isinama niya ang kanilang anak. Hard lesson learned iyon para kay Gina Alajar.


Sinikap niyang harapin ang mga hamon ng buhay at mag-isang itinaguyod ang kanyang mga anak. Hindi ikinahiya ni Gina na aminin ang kanyang pinagdaanan. Naging matatag siya para sa kanyang mga anak, ibinuhos niya ang kanyang panahon sa kanyang career bilang artista at direktor. At ang mga karanasan niya sa showbiz ang kanyang isine-share sa mga baguhang artista na kanyang mine-mentor.


Ang pagiging professional sa trabaho at mabuting pakikisama sa lahat ang madalas niyang ipaalala sa lahat ng mga baguhang artista ngayon.



Marami ang nagtatanong kung posible kayang mapatawad din ni Bea Alonzo si Cristy Fermin at ang dalawang kasama nito na sina Romel Chika at Wendell Alvarez na sinampahan niya ng cyber libel. 


May warrant of arrest na ang mga ito at nakapagpiyansa na. Inaabangan ng lahat kung magpoprogreso ang kaso.


Ganunpaman, may ilang netizens ang nagsasabing baka naman lumambot din ang puso ni Bea at mapatawad na si Cristy at ang mga kasama, tulad ng ginawang pagpapatawad nina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan na nagsampa rin noon ng demanda kay Cristy Fermin, pero kalaunan ay iniurong ang demanda at tuluyan na siyang pinatawad.


Well, napakasuwerte ni Bea sa kanyang career at masaya ang kanyang love life ngayon. Baka may ilang anghel na mamagitan upang maayos ang problema sa kasong isinampa niya kay Cristy Fermin at mga kasama. 


Mas magiging magaan ang buhay ni Bea Alonzo kung magagawa niyang magpatawad sa mga nagkasala sa kanya.



MANANATILI pa ring Kapuso si Rhian Ramos dahil muli siyang pipirma ng kontrata sa GMA Network sa August 12. 


Kasabay ng kanyang pagpirma ng bagong kontrata ay ia-announce rin ang mga bagong shows na kanyang gagawin.


Nagmarka ang role ni Rhian Ramos sa Encantadia bilang si Mitena, ang mahigpit na kalaban ng mga Sanggres. Maraming viewers ang naiinis sa pagpapahirap ni Mitena sa mga Sanggres. 


Flattered naman ang aktres dahil kahit saan siya magpunta ay nakikilala pa rin siya kahit hindi nakaayos at laging naka-hoodie. Marami pa rin ang nagpapa-picture sa kanya, maging ang mga bata.


Kahit busy sa serye, nagagawa pa rin ni Rhian ang tumanggap ng pelikula. 

Samantala, marami ang pumuri sa kanyang pagganap sa pelikulang Meg & Ryan (M&R), kung saan kapareha niya si JC Santos. Swak na swak ang kanilang tandem sa nasabing romantic movie.



AKTIBUNG-AKTIBO ngayon ang dating singer-composer na si Jimmy Bondoc na isa nang abogado at legal analyst. Madalas siyang dumalo sa mga forums ng iba’t ibang sektor na tumatalakay sa napapanahong isyu tulad ng corruption, pork barrel, flood control at budget para sa 2025 at 2026.


Kasama si Atty. Jimmy sa grupo ng anti-corruption advocates sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery. Kabilang sa mga dumalo ay sina Atty. Ferdinand Topacio, Cong. Isidro Ungab, at Jiggs Magpantay ng Citizens Crime Watch.


Bagama’t hindi nakadalo sa forum si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay nagkaroon siya ng partisipasyon via Zoom. Ang problema sa baha at ang isyu sa DPWH ang main topics ng forum. 


Nakatakdang ibunyag ni Mayor Magalong ang 3 congressmen na tumatayo rin bilang contractors sa mga anti-flood control projects ng DPWH.


Sey nga ni Mayor Magalong, willing siyang magsalita ng kanyang nalalaman tungkol sa tatlong congressmen sakaling ipatawag siya sa Senado, pero sa kondisyon na hindi nila ibubunyag ang kanyang mga resource persons na nagbigay ng impormasyon tungkol sa anomalya sa flood control ng DPWH projects. 


Nagkakaisa naman ang mga anti-corruption advocates sa kanilang nominasyon na gawing anti-corruption czar si Mayor Benjamin Magalong.


 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 10, 2025



Photo: Ramon Ang at Atasha Muhlach - FB IG


Nang humarap sa media ang billionaire businessman na si Ramon Ang upang ipahayag ang kanyang pagbo-volunteer upang tumulong sa paglutas ng problema sa baha sa Metro Manila, naisingit na itanong sa kanya kung ano ang impresyon niya kay Atasha Muhlach na nali-link ngayon sa bunso niyang anak na si Jacob Ang.


“Maganda si Atasha. She’s a fine lady!” papuri ni Ramon Ang. Nangangahulugan lang na aware siya sa panliligaw ni Jacob sa anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales.

Si Ramon Ang ang CEO ng San Miguel Corporation, at makikipagtulungan daw ang SMC sa mga LGUs upang makahanap ng solusyon sa baha sa Metro Manila. 


At dahil volunteer, walang hihinging budget si Ramon Ang sa mga LGUs — sarili niyang pera ang gagamitin. 


Kailangan lang niya ang kooperasyon ng lahat ng mayor sa Metro Manila upang maisakatuparan ang kanyang mga gagawin kontra baha. 


Sey naman ng mga netizens, sana, hindi lang si Ramon Ang ang mag-volunteer na tumulong na malunasan ang problema sa baha, kundi pati ang ibang mayayamang businessmen sa bansa tulad nina Henry Sy, Gokongwei, Razon at Villar.



NANINIWALA si Lian Paz na seryoso at sincere si Paolo Contis nang kanyang hilingin na makita o makapiling ang dalawa nilang anak na sina Xonia at Xalene. 

Malalaki na ang mga ito at gusto na ng aktor na bumawi sa kanyang mga pagkukulang bilang ama.


Ang long-time partner ni Lian na si John Cabahug ang naging tulay upang makasama ni Paolo ang kanyang mga anak. Si John ang unang kinontak ni Paolo upang sabihin na gusto niyang makasama ang kanyang dalawang anak.


Sa isang panayam, nabanggit ni Lian na napatawad na niya si Paolo at ayaw niyang maging bitter sa buhay. Gusto rin niyang mapalapit ang kanyang mga anak sa kanilang ama. May permiso ni John ang pagkikita nila.


Well, finally mabubura na ang imahe ni Paolo Contis sa publiko na pabaya siyang ama. May reconnection na siya sa kanyang mga anak at magagampanan na niya ang obligasyon niya bilang ama.



MASAYANG-MASAYA at feel na feel ng aktres na si Yasmien Kurdi ang warm welcome sa kanya ng mga big bosses ng GMA Network. 


Kahit two years siyang nagpahinga sa paggawa ng serye nang magbuntis sa kanyang pangalawang anak, open pa rin sa kanyang pagbabalik ang Kapuso Network. 


Kaya excited siyang makita ang mga kaibigang Kapuso stars nang dumalo siya sa GMA Gala na bahagi ng 75th anniversary ng network.


Inimbita rin si Yasmien upang makasama sa shoot ng GMA Station ID kasama ang malalaking Kapuso artists. Suportado ng kanyang mister ang pagbabalik niya sa kanyang acting career lalo’t na-miss din niyang umarte.


Marami ang nagsa-suggest na magsama sila ni Jennylyn Mercado sa isang project, at mas okey kung makakasama rin nila si Katrina Halili na ka-batch nila sa StarStruck 1

Open naman si Yasmien Kurdi sa anumang role na ibibigay sa kanya ng GMA-7. Gusto niyang mag-level-up ang kanyang pagiging aktres.


Sa ngayon, puwede ring mag-guest muna si Yasmien sa iba’t ibang shows ng Kapuso Network para sa kanyang exposure.

 
 

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 9, 2025



Photo: Kyline Alcantara - IG


Marami ang nakakita na mismong si Heart Evangelista ang lumapit at pumuri kay Kyline Alcantara sa kakaibang design ng isinuot niyang outfit noong GMA Gala. 


Sa dami ng naggagandahan at sosyal na gowns na suot ng mga female Kapuso stars, namumukod-tangi at agaw-atensiyon ang kasuotan ni Kyline at siya ang napiling “Female Best Dressed”. 


May lumabas din sa social media na may ilang Hollywood celebrities ang nagsuot ng nasabing outfit ni Kyline.


Bumagay sa kanya ang design at stand out siya, katunayan nga na napansin siya ng fashion icon na si Heart. 


Kaya ngayon, pinanonood ng marami ang seryeng Beauty Empire (BE) at inaabangan ang mga outfits nina Kyline at Barbie Forteza. 


May kakaibang twist na ang BE dahil hindi sila magkaaway at magkakumpitensiya kundi magkakampi na.


Negosyante, gusto nang magkaanak…

PAMILYA NI VINCENT, APRUB NA SA KASAL NILA NI BEA


Ang bongga at talagang super rich ang boyfriend ni Bea Alonzo na si Vincent Co dahil helicopter ang gamit niya sa kanyang pagpasok sa trabaho at pag-iikot sa kanilang mga negosyo.


Solong lalaki siyang anak kaya sa kanya ipinagkatiwala ang pamamahala sa negosyo ng kanilang pamilya. 


Ang mga babaeng kapatid ni Vincent Co ay may asawa at mga anak na.


May kuwento na noong 20 years old si Vincent ay nagkaroon ito ng nobya na gusto na niyang pakasalan pero inayawan daw ito ng kanyang pamilya. Nang magkahiwalay sila ng nobya, hindi na ulit nakipagrelasyon si Vincent at nag-concentrate na lang sa pamamahala ng kanilang mga negosyo. 


At ngayon na muling umibig si Vincent kay Bea, natutuwa ang kanyang parents at mga kapatid. Tanggap ng pamilyang Co ang aktres at gusto na rin nila na magkaroon na ng sariling pamilya si Vincent. Matagal na raw na pangarap nito na magkaroon ng mga anak. 


Well, malapit si Vincent Co sa mga anak ng kanyang mga kapatid na babae at madalas niyang dinadalaw ang mga ito.



MUKHANG namali ng akala si Jak Roberto dahil kay Jameson Blake niya inihabilin ang ex-GF na si Barbie Forteza. Hindi si David Licauco ang pinagseselosan ni Jak kundi si Jameson na nakapareha ni Barbie sa isang project. 


Nangangahulugan lamang na hindi kabisado ni Jak si Barbie. Hindi nito pinaniwalaan ang naging pahayag ng ex-GF na magkaibigan lang sila ni Jameson.


Naging close sina Barbie at Jameson dahil pareho silang mahilig sa sports at sa pagiging bookworm. Maging si Jameson ay parating “We are good friends” ang isinasagot sa mga nagtatanong sa status ng kanilang relasyon ni Barbie Forteza. 


Well, at this point of her life, ang kanyang career at hindi love life ang priority ng Primetime Princess na si Barbie. Nagkakatulungan sila ni David Licauco sa kanilang career kaya kumportable siyang kasama ang Chinito actor sa mga projects at endorsements. Malakas din ang suporta ng mga fans sa tandem ng BarDa. Pero masyadong maaga pa para mauwi sa totohanang relasyon ang kanilang tambalan.


Madir, punching bag daw… SHUVEE, GAMIT NA GAMIT ANG TAYAY PARA MAKAKUHA NG SIMPATYA


ITATAMPOK ngayon sa Magpakailanman ang life story ni Shuvee Etrata, ang tinaguriang “Island Girl” ng Bantayan, Cebu. 


Napakalakas ng impact ni Shuvee sa mga viewers ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Edition Collab at kahit hindi siya itinanghal na ‘Big Winner’, maraming malalaking endorsements ang dumating sa kanya. 


Marami rin ang humanga sa kanyang pagiging totoo. Hindi niya ikinahihiya ang pinagdaanang kahirapan ng kanyang pamilya. 


In fact, ginawa pa niyang komedya ang laging pagbubuntis ng kanyang ina kaya naging siyam silang magkakapatid.


Si Shuvee ang panganay kaya maaga siyang sumabak sa paghahanapbuhay upang makatulong sa kanyang pamilya. Nagmarka sa katauhan ni Shuvee ang matinding hirap na kanyang dinanas at ‘yun ang nagpatatag sa kanya kaya nakamit niya ang tagumpay. 


Well, si Shuvee Etrata mismo ang gaganap sa kanyang life story na itatampok ngayon sa Magpakailanman.


Samantala, may ilang mga netizens naman ang nag-a-advice kay Shuvee na huwag na niyang masyadong i-expose sa publiko ang pribadong buhay ng kanilang pamilya tulad ng pananakit at pambubugbog ng kanyang tatay sa kanyang ina. Bigyan din dapat ni Shuvee ng proteksiyon ang kanyang tatay lalo na’t nagsisisi na ito ngayon. 


Hindi naman kailangang ibuyangyang ni Shuvee sa publiko ang lahat ng kaganapan sa kanilang buhay para umani ng simpatya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page