top of page
Search

ni BRT @News | August 29, 2023




Kasabay ng balik-eskwela ngayong araw, Agosto 29, inilarga na rin ang Lifeline Assistance for Neighbors In-need Scholarship Program para sa mga estudyante.


Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, bukas ito sa lahat ng year levels at hanggang sa nagrerebyu ng licensure examinations at post graduate studies.


Puwedeng mag-apply ng P15K-P50K kada taon. Nasa P40K-P50K naman kada taon sa mga gustong mag-aral sa premier colleges at universities at P15K sa mga gustong kumuha ng technical at vocational courses.


Sa mga nagrerebyu ng board at bar exams ay mayroong one-time assistance na P15K-P20K at dagdag na P50K pa kung papasok sa Top 10. Sa mga kumukuha ng Masters' at Doctoral Degrees ay P18K-P60K habang may tulong din na P50K na Thesis and Dissertation Grant o sa kabuuan ay nasa P110K.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 24, 2023




Isa ang innovative education program ng Taguig City sa pakikinabangan ng mga estudyante ng EMBO Barangays na parte na rin ng lungsod.


Ayon kay JV Arcena, assistant secretary for special concerns and international press secretariat, kumpara sa Makati City na nag-aalok ng scholarship sa Top 10% lamang ng kanilang estudyante, sa Taguig City ay nag-aalok ng oportunidad sa lahat ng estudyante at hindi hadlang kung anuman ang kanilang academic achievements.


Ang tinutukoy na programa ay ang alok na “flexible” scholarship kung saan nagbibigay ang Taguig LGU ng financial assistance sa mga estudyante na mula P15,000 hanggang P110,000 kada taon, depende sa nais na scholarship ng estudyante.


Isa sa nakinabang sa scholarship ng Taguig ang De La Salle University student na si Briann Sophia Reyes.


Bukod sa libreng uniform at school supplies, nakatatangap pa umano siya ng cash incentive at allowance habang nag-aaral noon sa Cayetano Science High School at ngayong nag-aaral na siya sa DLSU ay patuloy pa rin siyang nakakatanggap ng scholarship allowance mula sa Taguig.


Nilinaw din nito na ang scholarship ng Taguig ay hindi lamang para sa mga nasa Top rank sa klase kundi para sa lahat at walang pinipili.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 23, 2023




Hands-off dapat ang Makati City sa mga EMBO schools kasunod ng ipinalabas na order ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, subalit ilang guro ang nag-report ng paglabag ng lungsod sa kautusan.


Ilang guro mula sa mga paaralan ang nagpaabot ng kanilang report ng paglabag ng Makati City sa order ni Duterte kabilang na ang tangkang pagpapasok ng school supplies ng Makati LGU sa Pitogo High School.


Ang nasabing school supplies ay ipinadala umano sa pamamagitan ng courier service delivery ng Makati.


Ang tangkang pagpapasok ng school supplies ng Makati ay tinanggihan ng mga guro dahil batid nitong dapat may kautusan muna mula sa DepEd.


Patuloy pa rin umano ang paglalagay ng mga bagong tarpaulin sa mga EMBO schools na nakasaad na “This Property is owned by Makati City”.


Matatandaang sa hangarin na maalis ang tensyon sa pagitan ng Makati at Taguig, nagpalabas ng Memorandum No 23-2023 si Duterte na nag-uutos na ilagay sa direct authority ng DepEd ang 14 na public schools sa EMBO.


Ang DepEd Central Office ang may direct supervision sa management at administration habang hindi pa natatapos ang transition plan para sa paglilipat sa Taguig City ng mga EMBO schools.


Nakapaloob din sa memo na habang nasa transition period ang lahat ng kilos ng Makati at Taguig LGUs ay may pahintulot muna mula sa DepEd Office of the Secretary.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page