top of page
Search

ni Maeng Santos @News | September 20, 2023



ree

Tinatayang milyong halaga ng mga produkto ang naabo matapos sumiklab ang dalawang magkasunod na sunog sa magkahiwalay na lugar sa Malabon at Valenzuela Cities.


Unang tinupok ng apoy ang bodega ng medyas at tuwalya sa Gov. Pascual Avenue, Bgy. Catmon, Malabon City matapos mapuna ng nagrorondang guwardiya na umaapoy na ang dulong bahagi ng bodega, alas-9:58 ng gabi.


Kinailangan pang wasakin ng mga bumbero ang pader ng bodega, pati na ang paggamit ng heavy equipment upang maalis ang bumagsak na bubong para mapadali ang pag-apula sa apoy.


Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ideklarang under control alas-11:30 ng gabi hanggang sa tuluyang maapula ng alas-6:03 ng umaga, you araw ng Martes.


Alas-3:35 naman ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa Leo Tire Manufacturing Corp. na isang pabrikang pagawaan ng gulong sa Master Road, Bgy. Lingunan, Valenzuela City.


Naging pahirapan ang pag-apula sa apoy na nagsimula sa gilingan ng gulong na unang proseso sa paglikha ng gulong kaya’t kinailangan pang gumamit ng isang uri ng kemikal ang mga bumbero dahil gawa sa goma ang mga nasusunog na materyales.


Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago idineklarang under control alas-5:35 ng madaling-araw habang wala namang nadamay na mga katabing bodega ang dalawang magkahiwalay na sunog at wala ring naiulat na nasawi o nasugatan.


Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng dalawang magkahiwalay na sunog habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng napinsalang mga produkto.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 7, 2023



ree

Nasunog ang bahaging rooftop ng isang lodge kahapon ng umaga sa Globo de Oro, Quiapo, Maynila.


Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), alas-6:17 ng umaga nang magsimula ang sunog sa 816 Shairah Lodge na matatagpuan sa Globo de Oro St., Bgy. 834, Quiapo.


Walang idineklarang alarma ngunit alas-7:18 ng umaga nang makontrol ang apoy at alas-7:53 ng umaga nang ideklarang fire-out.


Sa imbestigasyon, nagsimula umano ang apoy sa bahagi ng rooftop ng gusali. Tinaya ng BFP na umabot sa P225,000 halaga ang napinsalang ari-arian. Wala namang iniulat na namatay o nasugatan sa naganap na sunog.

Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.



 
 
  • BULGAR
  • Sep 1, 2023

ni Jeff Tumbado @News | September 1, 2023



ree

Malagim na trahedya ang gumulantang sa agahan ng mga residente ng Bgy. Tandang Sora sa Quezon City dahil sa sumiklab na sunog sa isang residential area na siyang ikinasawi ng nasa 15 indibidwal kahapon.


Ayon sa ulat ng Quezon City-Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-5:30 ng madaling-araw ng Huwebes, Agosto 31, sa inuupahang 2-storey apartment building sa Pleasant View Subdivision.


Matapos maapula ang sunog sa apektadong gusali pasado alas-8 ng umaga ay dito tumambad sa mga awtoridad ang kalunus-lunos na hitsura ng mga biktima kung saan magkakatabi sila at sunog na sunog ang mga katawan.


Nabatid kay BFP-National Capital Region Director Fire Chief Superintend Nahum Taroza, bukod sa mga nasawi ay may tatlong iba pa ang nakaligtas sa pagkaka-trap sa nasusunog na gusali na ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.


Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil ang unang palapag ng bahay ay pagawaan at printing ng mga damit.


Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Quezon City Police District (QCPD) para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang inaalam din kung ano ang pinagmulan ng apoy.


Nangyari ang insidente sa kalagitnaan ng walang patid na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng pinagsamang habagat at Bagyong Hanna.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page