top of page
Search

ni VA @Sports | August 17, 2024


Sports News
Photo: Circulations / FB

Sa kabila ng kanyang pagwawagi ng 2 Olympic gold medals na naging dahilan sa pagbuhos sa kanya ng napakarami at naglalakihang mga biyaya, hindi pa rin kuntento ang gymnast na si Carlos Yulo.


Nais ni Yulo na madagdagan pa ang mga events na puwede at gusto niyang magwagi ng gold medals sa susunod na 2028 Los Angeles Olympics.


Ngayon pa lamang ay buo na sa isipan ng 24- anyos na Olympics champion na magwagi rin sa men’s individual at men’s team all-around events na pinagharian ng Japanese gymnast na si individual all-around gold medal winner na si Shinnosuke Oka.


“Tatargetin ko yung individual all-around medal at kung masusunod ang plano pati yung team all-around at sana pati parallel bars makapag-final," ani Yulo sa isang panayam sa TV dalawang araw pagkauwi ng bansa mula Paris. “Isa sa mga pangarap ko na manalo rin ang mga teammates ko ng medal sa Olympics. Ipinagdarasal ko yun."


Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion may posibilidad na magbuo sila ng “Dream Team” na isasabak sa LA Games kung saan makakasama ni Yulo ang nakababatang kapatid na si Eldrew, Miguel Besana at ang Filipino-British na si Jake Jarman, ang nagwagi ng bronze medal sa floor exercise sa Paris.


Samantala, kabi-kabila naman ang mga pabuya at insentibong tinatanggap ni Yulo mula ng dumating sila ng Pilipinas. May dagdag pang P20-M pa mula sa gobyerno gaya ng isinasaad ng Republic Act 10699 at P14-M mula sa Kongreso.


May P6-M bahay at lupa sa Nasugbu, Batangas at P150,000 Mabuhay Miles taun-taon at panghabang buhay mula sa Philippine Airlines bukod pa ang libreng 28 domestic at international flights galing naman sa Cebu Pacific.


Bibigyan din si Yulo ng Sports betting app na Arena Plus ng P5 milyon at gayundin magbibigay si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ng P5-M kung magkakabati ang kanilang pamilya. Pero para kay Yulo ang pinakamahalaga sa lahat ng kanyang mga natanggap ay walang iba kundi ang dalawang gintong medalya na napanalunan niya sa Paris Games.

 
 

ni Clyde Mariano @Sports | August 16, 2024



Sports News
Ang Alas Pilipinas men's team habang nakikinig sa Italian coach sa pagsagupa sa SEA V.League ngayon. (pnvfpix)

Masusubukan ang Olympic credential ni bagong hirang na Italian coach Angiolino Frigoni sa pagbubukas ng host team sa kanyang title campaign sa Southeast Asia Men’s V. League tournament laban sa powerhouse Vietnam sa opening game ngayong Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium.


Haharapin ng mga Pinoy ang mga Vietnamese ng 6 pm matapos ang 3 pm na sagupaan ng reigning champion Indonesia at Thailand sa tatlong araw na volleyball competition na sinuportahan ng Philippine Sports Commission.


Tiyak daraan ang mga Pinoy sa butas nang karayom sa mga Vietnamese sa una nllang pagharap ilang buwan matapos ang tournament na ginawa sa Sta. Rosa, Laguna.


Lamang si Frigoni, 70-anyos sa kanyang Vietnamese counterpart dahil malawak ang karanasan naging coach ng Italian women’s team sa 1992 Barcelona Olympics. Tutulungan si Frigoni nina Dante Alinsunurin, Matteo Antunucci, Odjie Mamon at trainer Dexter Clamor.


Si Frigoni ang pangalawang coach sa volleyball. Si Brazilian coach Edson Souza de Brito ang coach ng women’s team.  


Pormal siyang itinalaga ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara, noong nakaraang buwan nang irekomenda ng International Volleyball Federation o FIVB. 


Ang SEA V. League ay bahagi ng year-long build-up ng makasaysayang solo hosting ng FIVB Men’s Volleyball World Championship noong Setyembre 2023. 


Ang  national team ay binubuo nina ace hitter Bryan Bagunas,  Marck Espejo, UAAP MVP Josh Ybañez, Vince Patrick Lorenzo, Jade Lex Disquitado, Kim Malabunga, Noel Kampton, Gabriel Casaña, Ave Joshua Retamar, Rwenzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Jenngerard Diao, Lloyd Josafat, Louie Ramirez at Michaelo Buddin. MatapoS ang Vietnam, sasagupain ng Alas ang Indonesia ng 6 p.m. sa Sabado bago matapos ang laban kontra Thailand ng 6 p.m. Linggo. Ang second leg ngayong taon ay idaraos sa Indonesia at wala pang petsa at lugar na pagdarausan.

 
 

ni Julie Bonifacio @Winner | August 16, 2024



Showbiz News
Photo: Carlos Yulo - Megaworld Corporation

Araw-araw ay may nadaragdag sa listahan ng mga nagbigay ng ‘incentive’ sa double-gold Olympian athlete na si Carlos Yulo.


As of yesterday, mahigit P100 million na ang nakuwenta namin sa listahan ng mga nagbigay at ibinigay na incentives kay Carlos na lumabas sa X (dating Twitter). 


Tumataginting na P77 M na ang cash incentives para kay Carlos na na-sight namin sa listahan.  Kasama na r’yan ang P20 M mula kay President Bongbong Marcos at another P20 M mandated by Republic Act 10699.


Mula naman sa House of Representative ang P14 M, P5 M kay Chavit Singson, another P5 M from Arena Plus, tig-P3 M naman ang Bounty Fresh at Megaworld, habang P2 M ang Manila LGU.


May undisclosed amount din daw na ibibigay si Manny Pacquiao kay Carlos, bagama’t may balitang P10 M ang ibibigay na incentive ng boxing champ.


In kind, meron ding P42 M na three-bedroom condo, house and lot sa Batangas at Tagaytay, isang Toyota Prado Landcruiser (more than P5 M worth) at sandamakmak na unli-kain sa mga restaurants.


'Kaaliw naman ang nakita naming comments ng mga netizens sa mga incentives na matatanggap ni Carlos.


Sey ng mga netizens:


“Personal money po ba ni Bongbong ‘yung P20M?”


“Ang tanong, kailan magiging pera talaga ‘yan? At sana, marunong mag-manage si Carlos Yulo ng mga finances at properties n’ya, ‘wag makinig sa mga bulong ng mga nakapaligid.”


“Tawang-tawa ako sa lifetime Pares by Diwata at PM2 ng Mang Inasal.”


“Sana, inilagay n’yo rin unli rice.”


“Galing sa P32 M na condo sasakay sa Toyota Land Cruiser Prado, tapos kakain ng pares kay Diwata, aguy!”


“Sana, may health insurance, lifetime HMO, and travel insurance. Ano ang lifetime Diwata Pares?”


“Bunso… Caloy, ako 'yung nawawala mong kuya (laughing emoji).”

Oh, ‘di ba?



LAST time na nakausap namin ang veteran actor na si Christopher de Leon (Boyet) sa backstage ng 40th Star Awards for Movies ay naurirat namin sa kanya kung sa tingin niya ay aabot din sa five years ang FPJ’s Batang Quiapo (BQ) gaya ng Ang Probinsyano (AP) ni Coco Martin. 


Walang definite na sagot kung hanggang kailan sa tingin niya tatagal ang BQ sa telebisyon, pero ang tiyak niya ay marami pa raw kuwento ang Kapamilya action-series.

“Madami pa,” diin niya. 


“Hindi pa kami nagkakilala ni Coco (bilang si Tanggol). Hindi n’ya alam na ako ang ama n’ya at paano nangyari ‘yun. At ‘yung ano pa, ‘di pa rin kami nagkita ni Cherry Pie (Picache). Kaya sa tingin ko, mahaba ang tatakbuhin ng kuwento,” paliwanag ni Boyet.


Although, sa last week’s episode ng BQ ay aksidenteng nagkita na ulit sina Boyet at Cherry Pie.


Ayaw naman naming ipa-reveal kay Boyet ang mga susunod na pangyayari at baka maging spoiler pa kami, baka magalit pa sa amin ang mga online viewers ng Kapamilya hit action series.


We heard umabot sa 729,234 peak concurrent views o ang sabay-sabay na nanonood sa Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) ang episode na ipinalabas noong Agosto 13.


Winasak nito ang sariling online record sa dalawang magkakasunod na gabi pagkatapos nitong gumawa ng record na higit 700,000 concurrent views sa unang pagkakataon.

Tuluy-tuloy nga ang mga pasabog sa BQ dahil nakamit ang panibagong milestone na ito sa loob lamang ng dalawang linggo mula noong lumampas sa 600,000 concurrent views ang serye.  


Huwag palampasin ang maaaksiyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo na hango sa orihinal na kuwento ng Regal Films, 8 PM gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YT channel at Facebook (FB) page ng ABS-CBN Entertainment. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page