ni Anthony E. Servinio @Sports | September 19, 2025

Photo : Nagtulungan sa pagdepensa sina Alas Pilipinas #7 Kim Malabunga at #3 Ave Retamar upang hindi makapuntos sa atake ang katunggaling si #9 Poriya Hossen ng Iran sa mahigpit na laban sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa MOA Arena, Pasay City kagabi. (Reymundo Nillama)
Inabot ng limang makapigil-hiningang limang set bago iniligpit ng Iran ang palabang Alas Pilipinas – 21-25, 25-21, 17-25, 25-23 at 22-20 – sa huling araw ng elimination ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena kagabi na may 14, 240 na manonood. Napalitan ang ligaya ng libu-libong tagahanga ng poot ng biglang naging bato ang sana ay ginintuang kabanata sa kasaysayan ng laro sa bansa.
Ibinigay ni kapitan Bryan Bagunas ang 19-18 lamang sa pinahabang ika-limang set. Nakapuntos ang Alas upang wakasan ang laro at pumasok sa playoffs – pero mali ang kanilang akala.
Biglang tumahimik ang palaruan nang ihayag ng reperi na matagumpay ang inihain na challenge ng Iran bunga ng pagdaplis ng isang manlalaro ng Alas sa net. Iginawad ang puntos sa Iran, 19-19, at hindi na nila binitawan ang pagkakataon.
Nakakahinayang ang ipinakita ng mga Pinoy na lumamang matapos kunin ang pangatlong set. Umiral ang mas malawak na karanasan at lamang sa tangkad ng Iran na sa una ay mukhang nahanapan ng sagot ng Alas.
Ibinuhos ni Poriya Hossein ang 6 ng kanyang 22 puntos sa huling set. Nag-ambag ng 22 din si Ali Hajipour.
Sa gitna ng kabiguan ay natatangi pa rin ang ipinakita nina Bagunas na may 22 at Leo Ordiales na may 21. Sumuporta sina Marck Espejo na may 15 at Kim Malabunga na may 10.
Sa naunang laro sa Pool A, pasok ang Tunisia sa playoffs nang pauwiin ng Ehipto – 25-19, 25-18 at 25-22. Numero uno ang Tunisia (2-1) at pangalawa ang Iran (2-1) at maghihintay ng makakalaro buhat sa Pool H na maaaring Serbia (2-1), Brazil (2-1) o Czechia (1-1).
Ginulat ng Brazil ang Serbia – 25-22, 25-20 at 25-22 – upang tumabla. Sa Araneta Coliseum, tagumpay ang Finland sa Timog Korea – 25-18, 25-23, 17-25 at 25-21 –SALAMAT sa laban Alas Pilipinas!