top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 22, 2024


Dear Sister Isabel,


Isa akong house wife habang tricycle driver naman ang asawa ko. Kadarating ko lang dito sa Pilipinas, hindi ko na natapos ang contract ko sa Hong Kong dahil hindi ko na kinaya ang ugali ng employer ko. 


Iisa lang ang boss ko, may alaga siyang pusa na mahal na mahal niya, kaya iyon mismo ang naging trabaho ko, ang bantayan at alagaan ang pusa niya. Mukhang magaan lang pero napakahirap ng aking ginagawa. Nangangalmot ang kanyang alaga, mabuti na lang ay ‘di ako nito kinakagat. Ang hirap din nu’n pakainin at paliguan.


Buong akala ko ay tao ang aalagaan ko, mas okey pa sa akin kung ganu’n ang nangyari, kayang-kaya ko pa pero pagdating ko rito sa HK, pusa pala ang aalagaan ko. ‘Yung amo ko pa ay napakasungit, ‘pag may nangyari umanong hindi maganda sa pusa niya pakukulong niya ko. 


Hindi siya nasiyahan sa pag-aalaga ko sa pusa niya, kaya tinerminate niya ako. 6 months palang ako nagtatrabaho sa kanya, at hindi na niya ibinigay ang huling 3 buwan na sana’y suweldo ko. Wala akong kapera-pera nang umuwi rito sa Pilipinas. Buwan-buwan din kasi akong nagpapadala sa pamilya ko. 


Puwede ko bang ireklamo ang employer ko sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)?


Nagpapasalamat,

Jonalyn ng Roxas City


Sa iyo, Jonalyn,


Nakikisimpatya ako sa hirap na naranasan mo sa abroad, sa pag-aakalang uunlad at mahahango sa kahirapan ang inyong buhay. Sa kasamaang palad, minalas ka pa sa pagkakaroon ng masungit na amo at pusang napakahirap alagaan dahil nangangalmot.


Ganyan talaga ang buhay ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).


Isa na ako roon, sobrang hirap din nang dinanas ko sa abroad habang nagtatrabaho para sa aking pamilya. Muntik pa akong magbuwis ng buhay dahil sa aksidenteng dinanas ko roon. Kani-kanyang istorya, iba’t ibang angulo na may sumatotal na sakripisyo, hirap, at kapighatian upang mahango lamang sa hirap ang ating pamilya. 


Ang maipapayo ko sa iyo ay pumunta ka sa OWWA, puwede rin naman sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ipagtapat mo sa kanila ang iyong dinanas sa abroad. Tutulungan ka nila at bibigyan ng puhunan kung gusto mong magbukas ng maliit na negosyo rito sa Pilipinas.


Itanong mo rin kung puwede mong kasuhan ang employer mo roon na hindi ka pinasuweldo. Sa aking palagay, makabubuting huwag ka na lang mangibang-bansa. Rito ka na lang sa ‘Pinas, kikitain mo rin naman ang sinusuweldo mo sa abroad. Lalo na kung magtutulungan kayo ng iyong mister. Magtinda ka ng street foods gaya ng fishball, kikiam, ihaw-ihaw at iba pa. Mabili ‘yan dito, kaya tiyak na kikita ka. Kaysa mag-abroad ka, ang dollar laging may kapalit na hindi maganda sa buhay ng isang pamilya, isa na rito ang pagkakaroon ng broken family. 


Ang maipapayo ko sa iyo at pati na rin sa iba pang mag-asawa na nangingibang-bansa, magtulungan na lang kayo. Magbukas kayo ng maliit na negosyo rito sa 'Pinas. Sa awa at patnubay ng Diyos, tiyak na lalago ang iyong kabuhayan, basta’t panatilihin n'yo lang ang pagmamahalan sa hirap at ginhawa, gaya ng sinumpaan n'yo sa altar. 


Ginagabayan ng Diyos ang mag-asawang nagmamahalan, magkasamang lumalaban at hindi naghihiwalay. Hindi natutulog ang Diyos. Hanggang dito na lang, ipanatag mo ang iyong isipan dahil may magandang bukas pang nakalaan para sa iyo. Matutupad mo na ang iyong mga pangarap sa piling ng iyong pamilya. Yayaman at giginhawa ka na rin. 


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 17, 2024


Dear Sister Isabel,


Isa akong ulila sa ama at ngayon ay nagtatrabaho sa abroad. Okey naman ang trabaho ko at nakatutulong naman sa mother at mga kapatid ko. 


37-anyos na ako, at inip na inip na ang pamilya ko na sana umano ay matagpuan ko na ang partner ko. Ayaw nilang tumanda akong dalaga. Ngunit, ang hindi nila alam, isa akong tomboy. Babae ang dyowa ko sa kasalukuyan at balak naming magpakasal sa ibang bansa na kung saan legal ang same sex marriage.


Kung anak naman ang pag-uusapan, puwede naman isa sa amin ang magbuntis sa pamamagitan ng modernong paraan ngayon na ginagawa ng mga doktor. Ang problema ko ay kung papaano ko sasabihin sa pamilya ko na babae ang dyowa ko at hindi lalaki gaya ng ipinagdarasal nila na matagpuan ko upang mamuhay na umano ako ng maligaya sa piling ng magiging kaagapay ko habambuhay. 


Paano ko kaya ipagtatapat sa ina at mga kapatid ko ang tungkol sa nalalapit kong kasal sa isang babae?At paano ko rin sasabihing isa akong tomboy? Sana ay mapayuhan n’yo ako sa kung ano ang dapat kong gawin.

 

Nagpapasalamat,

Bessy

 

Sa iyo, Bessy, 


Maraming salamat sa pagtitiwala mong sabihin sa akin ang pagkatao mo. Tunay ngang mahirap sa isang tomboy na tulad mo na ipagtapat ang katotohanan sa pamilya mo na buong akala’y isa kang tunay na babae. 


Makabubuting sa inay mo muna ikaw magsabi. Natitiyak kong mauunawaan ka niya. At siya na ang bahalang magsasabi sa mga kapatid mo. Sa panahon ngayon, open minded na ang lipunan sa sitwasyon mo. Tanggap na ng karamihan ang same sex relation.


Huwag kang mabahala, sa palagay ko hindi na tututol ang inay mo sa buhay na gusto mong tahakin. 


Ang mahalaga, kahit magpakasal ka na sa babaeng minamahal mo, tuloy pa rin ang pagtangkilik mo sa pamilya mo. Sa palagay ko, wala naman silang ibang hinahangad at ipinagdarasal kundi ang maging maligaya ka habambuhay. Kaya kung saan ka maligaya, roon ka. 


Sa kabilang dako, huwag na huwag mong hindi ipagtapat sa pamilya mo ang lahat upang sa ganu’n hindi sila magtanim ng sama ng loob sa iyo. Natitiyak kong mauunawaan ka rin naman nila.

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | January 15, 2024


Dear Sister Isabel,


Ang isasangguni ko sa inyo at tungkol sa kaibigan ko. Naaawa kasi ako sa kanya, 73-anyos na siya, at paiba-iba ang kanyang amo bilang kasambahay. ‘Di ko alam kung bakit lagi siyang umaalis sa kanyang pinagtatrabahuhan. Nitong nakaraang araw, nakita ko siyang nakatambay sa palengke namin, at wala na umano siyang trabaho.


Naisip kong ipasok siya sa kapitbahay namin na nangangailangan din ng kasambahay. Kaya lang, parang hindi siya mapagkakatiwalaan at parang hindi na rin niya kayang magtrabaho, pero sabi niya sa akin, kayang-kaya pa naman daw niya.


Kaya agad ko siyang nirekomenda sa kapitbahay namin.Tama ba ang ginawa ko, Sister Isabel? Kahit alam kong may edad na siya, ni-recommend ko pa rin siya?


Hihintayin ko ang payo n’yo.

Nagpapasalamat,Janice ng Valenzuela City.


Sa iyo, Janice,


Okey lang naman na tulungan mo ang kaibigan mo, pero siguraduhin mo lang na hindi ka malalagay sa alanganin. Baka mamaya, ikaw pa ang sisihin ng kapitbahay mo, lalo na kung hindi na pala kayang magtrabaho ng nirekomenda mong maging katulong nila.


Anyway, puwede mong subukan. Sabihin mo sa kapitbahay mo, subukan nila kahit one week lang. Ipag-pray mo na lang na maging maayos ang lahat upang kahit papaano ay makatulong ka sa kaibigan mo.Ipaalala mo rin sa kanya, last chance na niya ang trabahong iyan, kaya dapat niyang pagbutihan ang kanyang trabaho at kung ano man ang hindi magandang ginawa niya noon sa rati niyang employer, huwag na huwag na niyang gagawin ngayon, at mamuhay na nawa siya nang maayos.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page