ni Ambet Nabus @Let's See | Apr. 28, 2025
Photo: Kyline Alcantara - IG
“Kung gimik man o sadyang nakasabay, dapat sigurong makinabang si Kyline,” komento ng ilang netizens sa biglang pagkakaroon nito ng bagong soap sa GMA-7.
Sa pinagdaraanan kasing kontrobersiya ni Kyline Alcantara sa usaping hiwalayan nila ni Kobe Paras, never na nagbigay ng anumang pahayag ang batang aktres.
Pero sa socmed (social media) ay masasabing bugbog na ang kanyang imahe bilang babae.
At dahil the secret is out na nga, magkakasama nga sa isang big project sina Barbie Forteza at Kyline Alcantara. Ito ay para sa upcoming revenge drama series ng GMA Public Affairs na Beauty Empire (BE).
Usap-usapan nga ngayong linggo ang bagong collaboration ng GMA Network sa Viu Philippines at CreaZion Studios. Makakasama nila rito ang dalawang tinitingalang beauty queens na sina Ruffa Gutierrez at Gloria Diaz.
First project naman ito ng Korean superstar na si Choi Bo-min dito sa bansa habang mapapanood din dito sina Sam Concepcion, Chai Fonacier at Sid Lucero.
Sabi ng isang netizen, “Sobrang kaabang-abang ang series na ito, lalo na’t pagbibidahan nina Barbie Forteza at Kyline Alcantara. Can’t wait na, guys!”
Sey pa ng isa, “It’s giving!!! Iba talaga ‘pag GMA, full of surprises. Can’t wait na mapanood na agad si Kyline. Sana, kontrabida!”
Tulad ng kanyang mga fans, excited na si Barbie sa kanyang serye.
“Coming from the grand period drama na Maria Clara at Ibarra at Pulang Araw, ngayon we will step into beauty and fashion. B-beauty si Ate Barbie, pa-fashion s’ya, so very, very excited. Together with my glam team, we’re all very excited,” sey ni Barbie.
Tiyak na aabangan ang seryeng ito!
Marami ang nanghinayang sa tandem nina Michael Sager at Emilio Daez na na-evict na nga sa bahay ni Kuya last Saturday.
Very emotional si Michael na on his third time as nominee ay natuluyan na ngang mapalabas sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition.
Nakakaawa nga ‘yung emote niya kay Kuya na hindi na raw niya malaman ang kanyang gagawin sa loob dahil every time na nominated siya, pinipilit niyang ayusin at i-adjust ang sarili among his housemates.
Cool na cool naman si Emilio na hinangaan sa pagiging bubbly at smart sa loob. Maayos niyang tinanggap ang mabilis niyang paglabas sa bahay ni Kuya, lalo’t kahit noong na-nominate siya ay sinasabi niyang wala pa siyang fan para suportahan siya.
Ang hindi niya alam ay naka-gain siya ng maraming following at isa na nga siya sa mga tinatakan na magkakaroon ng bonggang karir outside what with his looks, charm, intelligence and appeal.
Si Michael naman ay maituturing na ring big star kumpara sa ilan pang male housemates na naiwan sa loob.
Malungkot din ang mga accla (bading) dahil dalawang legit na hunk, pogi, seksi at matalino ang hindi na raw nila masisilayan na nagdidispley ng mga katawan nila sa PBB. Hahahaha!
Vilma, pinatutsadahan… SIGAW NG MGA NORANIANS: CELIA, WALANG PINAGKATANDAAN
MAY mga Noranian friends kaming nagmensahe at tumawag sa amin after na lumabas ‘yung artikulo natin dito on Manang Celia Rodriguez na may tipong pa-shade nga kay Star for All Seasons Vilma Santos na ipinu-push para maging next National Artist.
“Serves her right. Tama lang din na may pumitik sa kanya,” sey ng mga taga-Sorsogon at Iriga friends natin na mga Noranians.
Hindi rin daw ikatutuwa ni Ate Guy ang mga ganu’ng pananaw, lalo’t nakilala nila itong humble at never nanggamit ng kapwa-artista para iangat ang sarili.
Hirit pa nila, “May small group of friends kami na dumayo sa Legazpi, Albay dahil may film showing ng movie ni Ate Guy, may pa-misa, konting salu-salo at get-together to reminisce our old days na nakikipagbardagulan pa kami sa ibang fans, lalo na sa mga Vilmanians. Pero lahat ng ‘yan, for fun remembering lang. We are way beyond those days. Mas mabuting ‘yung magaganda at positibong impact at inspirasyon ang ipakita namin bilang pag-alala sa isang Superstar.”
Ayon pa sa mga kapwa-Uragon na nire-rediscover ang Superstar, “Ang Lola Celia natin, para namang walang pinagkatandaan. Galing ‘yan sa exclusive school at maayos naman ang angkan na pinanggalingan, pero kung kailan tumanda, saka naman naging jologs. May pagka-squammy ang awrahan kahit ‘yung fashion sense niya ay hindi na nagbago. Bakit hindi na lang niya bigyan ng pampanood ng sine ng mga movies ni Ate Guy ‘yung mga nanghihingi sa kanya ngayong may mga activities ang mga Noranians na ipalabas uli sa buong kapuluan ang ilang classic films niya?”
Although pinupuna rin nila na marami nga raw mga legit media and production organization na ‘ginagamit’ ang namayapa nang National Artist via reshowing her old film, gayung free and available naman daw ang mga ito sa ibang platforms.
“Tapos, ‘yung mga sinasabing Noranians from all over ay kinukuwestiyon kasi wala raw support?” dagdag pa nila.










