top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 17, 2026



SPECIAL - DINGDONG, PINAG-IINGAT KAY MAX COLLINS_IG @maxcollinsofficial

Photo: IG @maxcollinsofficial



Trending sa Facebook ang video at mga na-screenshot na photos ni Max Collins sa ipinost niyang teaser para sa bagong show na pagbibidahan ni Dingdong Dantes sa GMA-7, ang Master Cutter, kung saan isa si Max sa mga leading ladies.


Sa naturang video, makikitang sumasayaw nang super-sexy si Max (pantapat sa Marimar moves ni Marian Rivera?), pero ang mas nakapagpa-hot ng kanyang dating ay ang suot niyang white spaghetti-strapped bilang pang-itaas at blue skinny bikini na sa konting galaw ay naghe-hello na ang magkabilang pisngi ng langit.


May mga pilyong netizens na nag-screenshot ng video ni Max at nang maging photo na, hala, izinoom-in pa para mas maging kapansin-pansin ang tinatakpan ng bikini ni Max Collins.





Inulan tuloy ng samu’t saring komento mula sa mga netizens ang Kapuso actress. May mga nagsabing sobrang hot si Max at tinatalbugan niya ang init ng panahon sa beach. 

Isa sa mga ‘kaaliw na comments na nabasa namin ay… “Parang ako ‘yung kinakabahan para kay Max,” habang itinabi sa piktyur niya ang larawan ni Dingdong na super-hot at ang guwapu-guwapo rin.


May nagsabi pang, “Ingat Max, baka ikulong ka sa CR,” at “Baka ma-lock ka sa CR,” na siyempre pa, sino ba’ng makakalimot sa isyung ito na kinasangkutan noon nina Marian Rivera at Bela Padilla dahil sa selos ng una sa huli nang gumawa ng serye dati sina Bela at Dingdong.


May mga nagbabala rin kay Dingdong na ‘wag masyadong makipag-close kay Max at baka hindi mapigilan ang sarili at makalimot na may Marian na siya dahil sa sobrang hot ng leading lady.


Pero may nagsabi namang ni-like ni Marian ang post ni Max kaya naniniwala silang hindi ito magseselos sa seksing Kapuso actress.


Well… dahil sa pasabog na ‘yan ni Max Collins, in fairness, umingay agad ang bagong show ni Dingdong Dantes at for sure, may mga nag-aabang na kung may intimate scenes ang dalawa sa Master Cutter.



Ex, huminto ang paghinga…

ROBIN, HUMIHINGI NG DASAL PARA KAY KRIS



HINDI man nagkatuluyan, nanatiling friends sina Sen. Robin Padilla at Kris Aquino at concerned pa rin ang aktor-pulitiko sa nanay nina Joshua at Bimby Aquino-Yap.

Kaya naman sa kanyang Facebook page, ini-repost ni Sen. Robin ang isang balita sa social media kung saan makikitang nakahiga sa operating table si Kris at ang inilagay niyang caption ay: “Patuloy natin ipagdasal ang kaligtasan ni Ms. Kris Aquino.”


Kasunod nga ito ng kuwento-post ni Kris sa kanyang Instagram account na nu’ng sumailalim siya sa minor operation ilang araw pa lang ang nakararaan, tumigil nang 2 minuto ang kanyang paghinga dahil hindi nag-function ang kanyang lungs.


Pero dahil malakas talaga si Kris kay Lord at maraming nagdarasal para sa kanyang kaligtasan at paggaling, kahit pa ang dami nang pinagdaanang hirap ng TV host, muli siyang naka-survive para sa kanyang dalawang anak na sina Joshua at Bimby.


Sana lahat ng mag-ex, ganyan ang ending — love, love, love pa rin at hindi bitter sa isa’t isa, ‘no?! 


Sana all na lang talaga!


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 16, 2026



Lipa Vice-Mayor Mikee Morada ang ugali ng kanyang misis na si Alex Gonzaga

Photo: File / Atty. Topacio



Very vocal ang sikat na lawyer at Borracho Films producer na si Atty. Ferdinand “Ferdie” Topacio sa kanyang mga disgusto sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa kabila nito, hindi naman daw naaapektuhan at hindi niya hahayaang maapektuhan ang kanyang pagiging film producer ng kanyang mga political views na salungat sa mga nangyayari ngayon sa gobyerno.


In fact, nakakuha naman ng playdate on Feb. 4 ang kanyang pelikulang Spring in Prague na two years in the making na at finally ay maipapalabas na nga ang romantic love story na pinagbibidahan ng aktor na si Paolo Gumabao at ng Czech Republic actress na si Sara Sandeva, mula sa direksiyon ni Direk Lester Dimaranan.


“I’m against the government because of the massive corruption and the anomalies. Hindi naman puwedeng pabayaan na lang natin ‘yang mga Pilipino kasi taxes natin ‘yan, eh, gobyerno natin ‘yan,” pahayag ni Atty. Ferdie.





Bilang PDP spokesperson, willing din daw siyang sumama kung magkakaroon ng one time, big time rally, pero hindi para mag-cause ng gulo o kudeta. Mas gusto pa rin nila ng peaceful na pagpapababa kay PBBM para makapagpalit ng liderato, pero kung hindi raw ito kusang bababa, wala naman silang magagawa.


Samantala, after ng mediacon ng Spring in Prague, nahingan din namin siya ng reaksiyon sa kumakalat na nude photos at videos daw ngayon sa social media ng ating First Lady Lisa Araneta-Marcos.


Diretsong sagot ni Atty. Ferdie, “Para sa akin, that’s beside the point. Kung maganda ang pamamahala, kahit maghubad sila, wala akong pakialam, eh. Ang akin, eh, good governance. Kahit mag-press conference sila nang nakahubo’t hubad, wala akong pakialam. Basta maganda ang takbo ng gobyerno at umuunlad ang mga Pilipino, hindi ninanakaw ang salapi ng bayan, wala akong pakialam diyan, eh.”


Ano’ng analysis niya kung bakit may mga nagpapakalat ng ganitong kasiraan sa First Lady bukod kay PBBM?


“Black propaganda. For the record, ayoko ng ganitong mga paninira kasi it diverts the issue from graft and corruption. ‘Yung mga ganitong sensationalism, dapat, eh, hindi na pinapatulan ‘yan,” pahayag ng producer ng Spring in Prague.


Proud na proud naman si Atty. Ferdie sa kanyang movie na kahit 2 yrs. in the making, tiyak naman daw na quality lalo’t napakamabusisi niya sa bawat detalye at hands-on sa lahat.


May premiere night ang SIP sa Jan. 19 sa Gateway 2 cinema at sana ay maka-join na roon si Sara Sandeva na hindi nakarating sa mediacon.



Kahit super-in love sa isa’t isa…

KASALANG DANIEL-KAILA NGAYONG 2026, ‘DI UBRA!





MALABONG magkatotoo na ikakasal sina Daniel Padilla at Kaila Estrada ngayong 2026 base sa hula kamakailan ng isang fortune teller, dahil ang kapatid ni Kaila na si Moira ang ikakasal sa fiance nitong si Alfonso Miguel this year.


Nag-post nga ng video si Janice de Belen at ibinalitang nasa planning stage na sila para sa kasal ng ikalawa niyang anak na si Moira.


Si Inah de Belen na long-time live-in partner ng Kapuso actor na si Jake Vargas ang panganay ni Janice kay John Estrada. Hindi pa rin kasal ang dalawa at mauunahan pa nga ni Moira.


At kung naniniwala nga sa ‘sukob’ ang pamilya ni Janice, for sure ay hindi niya hahayaang magpakasal din this year ang pangatlong anak na si Kaila kahit pa ang hula ay mabubuntis ito ni Daniel kaya mauuwi sila sa kasalan.


Well, dahil ilang buwan pa lang naman ang relasyon nina Daniel at Kaila, obyus na super in love pa sila sa isa’t isa at i-enjoy muna nila ito. ‘Wag munang magmadali sa pag-aasawa lalo’t ngayon pa lang sumisipa ang career ni Kaila. 


At kahit si DJ, marami pang puwedeng gawin sa kanyang career kaya ‘wag silang madaliin ng mga fans.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 14, 2026



Lipa Vice-Mayor Mikee Morada ang ugali ng kanyang misis na si Alex Gonzaga

Photo: IG / Mikee at Alex



Dumayo kami sa Lipa, Batangas last Sunday sa imbitasyon ng good friend naming si Joel Umali Peña, Lipa City Tourism Council head at isa sa mga owners ng Big Ben Complex.


Tulad nu’ng nakaraang taon, inimbita kami ni Joel para mapanood ang ipinrodyus niyang Sebastian, The Musical na ginanap sa mismong San Sebastian Cathedral sa Lipa.


Umani ng masigabong palakpakan ang cast ng musical play sa pangunguna ni Vince Conrad na gumanap na San Sebastian. 


Puring-puri ng mga Lipeños ang napaka-talented group na taun-taong nagtatanghal tuwing nalalapit na ang kapistahan ni San Sebastian. Papasa na kasing mga propesyonal na theater actors ang cast sa galing nilang umarte at ang gaganda ng boses.


Maayos din ang story at script na si Joel din pala ang sumulat at mas na-appreciate ng mga nanood ang presentation this year kesa last year dahil maikli lang ito pero malinaw ang mensahe tungkol sa naging buhay ni San Sebastian kaya siya naging santo at kung bakit ipinagdiriwang ang kapistahan ng tinaguriang Patron Saint of Soldiers.


Nakausap namin si Vince Conrad after ng musical show at nabanggit niyang may kontrata pala siya sa Viva Artists pero nagtapos na raw ito na hindi siya nabigyan ng projects dahil pinipili rin daw niya ‘yung mga naka-align lang din sa kanyang values at hindi naman puwede sa kanya ang mga sexy roles.


Sa ngayon, naghahanap daw siya ng bagong manager na puwedeng mag-manage sa kanyang career. At dahil guwapo at talented naman siya, right break and time lang siguro ang kailangan para makapasok siya sa showbiz.


Anyway, after naming manood ng Sebastian, The Musical, nag-dinner muna kami bago bumalik ng Manila. May nakakuwentuhan kaming ilang Lipeños at nagulat kami sa chikang narinig namin.





Hindi naman paninira ang dating sa amin ng kuwentong hindi pala nagugustuhan ng ilang kamag-anak ni Lipa Vice-Mayor Mikee Morada ang ugali ng kanyang misis na si Alex Gonzaga kundi pamumuna lang daw ito sa aktres-TV host para malaman niyang may ilang nao-offend sa kanyang pagka-jologs at ugaling-kalye kahit pa raw nasa formal occasion siya.


Ayon sa aming kausap, mabait naman daw si Alex kapag kaharap ang mga kamag-anak ni Mikee, pero ‘yung kawalan nga lang daw nito ng breeding ang inaayawan sa kanya.


Well, naturalesa na kasi talaga ni Alex ang pagiging makulit at galawgaw, pero ‘yun nga, hindi naman lahat ng tao ay makakaunawa sa kanya. Kahit naman ang kanyang Mommy Pinty at Ate Toni Gonzaga, paulit-ulit na rin siyang pinagsasabihan, so siguro, kailangan na talagang makiramdam nang mabuti si Alex kung paano siya kikilos at magsasalita depende sa kanyang mga kaharap.


Well, next week ay makikipiyesta uli kami sa Lipa para naman sa kanilang Rigodon de Honor at para manood ng parada. Makita kaya uli namin ang mga celebrities na taga-Lipa na sumama last year ngayong tapos na ang campaign period?


Itsitsika namin sa inyo next time. Okidok?!



Kahit dinedma raw sa wedding ni Claudia…

DENNIS, SASAMAHAN ULI NG UTOL SA KASAL NI JULIA



Hindi nakatangging magpainterbyu si Gene Padilla after ng premiere night at mediacon ng pelikulang Breaking The Silence kung saan isa siya sa cast.


First time na nakorner ng entertainment press si Gene matapos ang controversial issue sa kasal ng pamangkin niyang si Claudia Barretto kay Basti Lorenzo last year.


Inamin ng younger brother ni Dennis Padilla na simula nu’ng matapos ang kasal ni Claudia hanggang ngayon, hindi pa rin nagkaroon ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang pamilya.


Pero tahimik naman na raw silang pare-pareho at hindi pa rin naman sumusuko si Dennis sa panunuyo sa mga anak kahit walang reply ang mga ito, dahil bali-baligtarin man ang mundo, magkakadugo sila. Hangad din niyang maayos ang relasyon ng kapatid sa mga anak sa tamang panahon. 


Payo nga raw niya sa kanyang kuya, “‘Wag mo nang ipilit ang sarili mo, sa tamang panahon, ‘yung gusto mong mangyari na magkaayos kayo, darating ‘yun, ibibigay ng Panginoon ‘yun.”


Wala naman daw siyang sama ng loob sa mga pamangkin na sina Julia, Claudia at Leon, gayundin sa ex-sis-in-law na si Marjorie Barretto at kung sakali ngang magkakasalubong sila, babatiin daw niya ang mga ito.


“Kung babatiin ako, okay, kung hindi ako babatiin, okay,” sabi pa ni Gene. 

Natanong nga si Gene kung sakaling si Julia naman ang ikasal, pupunta rin daw kaya siya?


Sagot nito, “A-attend ako, kahit ‘di ako imbitado, a-attend ako. Kahit ‘di ako pansinin lahat, wala akong pakialam. Basta isinama ako ng kapatid ko, sasamahan ko pa rin siya. Kasi dugo pa rin namin ‘yun kahit bali-baligtarin natin.”


Samantala, napapanahon ang mensahe ng pelikulang Breaking The Silence na tumatalakay sa mental health problems lalo na ng mga kabataan dahil sa bullying, family issues, depression at kung anu-ano pang factors.


Mula sa direksiyon ni Errol Ropero at produced ng Gummy Entertainment, bida sa BTS sina Potchi Angeles at Shira Tweg at kasama rin sa pelikula sina Ramon Christopher Gutierrez, Rob Sy, Jeffrey Santos, Pinky Amador, Pekto Nacua, Bugoy Cariño, Mark Herras, Gray Weber (ang cute na ingleserang bagets na anak ng producer ng movie) at Ryrie Sophia.


Walang theatrical release ang BTS at sa halip, sadyang ginawa ito ni Direk Errol para ipalabas sa mga eskuwelahan nang maging aware ang mga guro at estudyante sa parehong private at public schools tungkol sa issue ng mental health.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page