ni Ryan Sison @Boses | June 27, 2025

Sa panahon ng mabilisang pagbabahagi ng impormasyon sa social media, napakahalaga ng pagiging maingat lalo na kung nadadamay ang iyong legal na katayuan bilang mamamayan ng isang bansa.
Nitong Huwebes, naglabas ng babala ang Philippine Embassy sa Washington D.C. hinggil sa mga maling balitang kumakalat online na diumano’y may bagong patakarang ipinatutupad ang Estados Unidos laban sa mga dual citizens at green card holders.
Mariing pinabulaanan ng embahada ang mga maling report na nagsasabing may pagbabago sa immigration policies ng Amerika.
Ayon sa opisyal na pahayag, nananatiling pareho ang mga alituntunin ukol sa dual citizenship at sa karapatan ng mga lawful permanent residents (LPRs) sa paglalakbay o paninirahan.
Sa kabila nito, marami pa rin ang nababahala at nalilito sa mga kumakalat na post na umano’y nagtatakda ng bagong limitasyon sa mga may hawak ng green card o dual citizenship.
Kaya pinayuhan na ng embahada ang Filipino community sa US na huwag padalus-dalos sa paggawa ng legal na desisyon, lalo na’t may mga naiulat na balak nang mag-renounce ng kanilang Philippine citizenship dahil lamang sa nabasang social media content.
Ipinaalala rin ng emhabada na ang pagsasaisantabi sa pagkamamamayang Pilipino ay isang seryoso at hindi mababawing desisyon, dahil ito ay nangangailangan ng malalim na pag-unawa at tamang gabay mula sa mga eksperto.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9225 o Dual Citizenship Law, ang mga natural-born Filipinos na naging naturalized citizen ng ibang bansa ay may karapatang muling makuha ang kanilang Philippine citizenship basta’t sila ay nasa hustong gulang.
Ang embahada ay nananawagan sa publiko na huwag basta maniwala sa mga impormasyon sa internet, maliban kung ito ay mula sa opisyal na ahensya ng gobyerno.
Bukod dito, hinihimok din ang mga kababayan na huwag magbahagi o mag-share ng hindi pa beripikadong impormasyon at i-report ang maling content sa mga platform kung saan ito nakita.
Sa ganang akin ang insidenteng ito ay muling nagpapaalala ng kahalagahan ng media literacy sa panahon ng misinformation. Dahil hindi lahat ng popular na post ay totoo, at hindi lahat ng nakikita online ay dapat gawing batayan para gumawa ng legal na desisyon.
Marahil sa halip na mag-panic, dapat mas palaganapin ang pagiging responsableng pagbabahagi ng impormasyon.
Ang mga embahada ay nandiyan hindi lamang para sa diplomatikong ugnayan, kundi upang magserbisyo sa mga mamamayan.
Maging maingat, maalam at higit sa lahat maging matalino sa pagsuri ng tamang impormasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com