ni Ryan Sison @Boses | September 7, 2025

Sa isang bansa kung saan bawat segundo ay maaaring magtakda ng pagitan ng buhay at kamatayan, mahalagang malinaw at mabilis ang paraan ng paghingi ng saklolo gayundin ang pagtugon dito.
Kaya naman sa Setyembre 11, 2025, ilulunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Unified 911 system na papalit sa higit 30 magkakaibang hotline para sa mga emergency sa buong Pilipinas. Layunin nitong gawing simple at mabilis ang pagtawag ng tulong mula sa pulisya, bumbero, medical teams, at disaster responders gamit ang iisang numero.
Ayon sa DILG, ang serbisyo ay libre, bukas 24/7, at kayang tumanggap ng tawag sa iba’t ibang lengguwahe gaya ng Tagalog, Cebuano, Ilocano, Waray, at Tausug. Target nitong makapagresponde sa loob ng limang minuto — isang pangakong kung maisasakatuparan ay magbibigay ng ginhawa at kabutihan sa mga mamamayan na madalas hindi agad natutulungan. Binigyang-diin din ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang hotline bilang isang lifeline, dahil bawat segundo ay mahalaga, bawat tawag sa oras ng sakuna ay may katumbas na buhay.
Sa ilalim ng Unified 911, ang tawag ng publiko ay agad na ididiretso sa network na nag-uugnay sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga lokal na pamahalaan. Gayunman, dapat tandaan na hindi sapat ang pagbibigay ng bagong numero sa paghingi ng tulong at pagtugon kung hindi magiging maayos ang aktuwal na operasyon. Maraming emergency hotline ang maganda sa umpisa ngunit pumapalya sa tunay na serbisyo dahil sa kakulangan ng tauhan, kagamitan, at mabagal na aksyon. Kung walang sapat na suporta para sa training, pasilidad, at pondo ng mga responder, baka maging dagdag-proyekto lang ito na hindi natutupad ang totoong layunin.
Ang Unified 911 ay maaaring maging simbolo ng pagkakaroon ng mas ligtas na bansa, pero ito rin ay isang hamon kung kaya bang tuparin ng gobyerno ang pangako nitong agarang tulong.
Sakaling magtagumpay, mawawala ang kalituhan ng publiko sa dami ng numero na dapat tawagan, at magiging mas organisado ang komunikasyon tuwing may mga
emergency at sakuna.
Subalit, kung magpapatuloy ang dating problema — mabagal na tugon, walang sasakyan, kulang ang kagamitan, etc. —mawawalan ng saysay ang naturang hotline kahit gaano ito kadaling tandaan.
Ang kaligtasan ng bawat indibidwal ay hindi lang nakasalalay sa isang hotline, kundi sa sama-samang pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan. Responsibilidad ng gobyerno ang agarang pagresponde sa tawag, habang tungkulin naman ng publiko ang tamang paggamit ng linya sa paghingi ng tulong.
Kung maayos na maisasakatuparan ang Unified 911, higit pa ito sa pag-dial ng numero, dahil ito ay magiging isang malinaw na paalala sa lahat na ang bawat buhay ay mahalaga, at nagpapatunay sa pangako na kapag dumating ang panganib, agad ding darating ang inaasahang tulong.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




