top of page
Search

ni Jeff Tumbado @Photo Scoop | September 6, 2023




Pinangunahan nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora ang pag-inspeksyon sa mga itinitindang bigas sa Nepa Qmart sa Quezon City.


Kaugnay ito ng joint monitoring para sa mandated price ceiling na kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa ilalim ng Executive Order No. 39 series of 2023.


Kasama rin sa inspeksyon sina QC Mayor Joy Belmonte, MMDA Chairman Atty. Romando Artes at Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 5, 2023




Inaasahang makatatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kwalipikadong small rice retailers na apektado ng mandatong price ceilings sa bigas.


Ipatutupad simula ngayong araw, Setyembre 5, ang utos na nagtatakda ng price cap sa bigas.


Base sa Executive Order No. 39, na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., noong Agosto 31, ang regular milled rice ay maibebenta hanggang P41 kada kilo lamang at ang well-milled rice ay hanggang P45 kada kilo.


Ayon kay Sec. Rex Gatchalian, inatasan sila ni Pangulong Marcos na gamitin ang kanilang sustainable livelihood program upang tulungan ang mga rice traders at retailers sa ilalim ng mandato ng “capital build-up” ng programa.


Aniya, tanging ang maliliit na rice traders at retailer, o ang mga mahihinang grupo lamang ang tatanggap ng tulong ng gobyerno.


Ang sustainable livelihood program ng DSWD ay may tatlong mahahalagang mandato tulad ng start-up capital, na para sa mga gustong magsimula ng maliit na negosyo; ang pagbuo ng kapital para sa mga kaso na katulad ng mga epekto ng EO 39 sa maliliit na negosyante at employment grants.


Ipinunto ng DSWD chief na may nakahandang mekanismo ang DSWD para sa sustainable livelihood program dahil ganoon din ang ginamit ng ahensya noong Boracay rehabilitation at COVID-19 pandemic.


Bago umalis patungong Indonesia nitong Lunes, sinabi ni Marcos na aalamin at sisiguruhin ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Agriculture (DA) ang listahan ng mga apektadong rice traders at rice retailers na kwalipikadong bigyan ng ayuda mula sa pamahalaan.


Sinabi ni Gatchalian na agad nilang ibibigay ang kinakailangang tulong kapag natanggap na nila ang verified list mula sa DTI at DA. Binigyang-diin niya na handa silang simulan ang payout sa buong bansa.


Binanggit din ng opisyal na hindi nila inaasahan na "napakatagal" ang tulong pinansyal dahil pansamantala lamang ang implementasyon ng ipinag-uutos na rice price ceilings, o isang "stopgap measure" upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing pagkain.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 3, 2023




Umapela ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga retailer ng bigas na magsakripisyo na muna kaugnay sa bagong ipapataw na price ceiling sa presyo ng bigas sa darating na Martes, September 5.


"Hinihingi ng pamahalaan ‘yung sakripisyo ng mga retailers, tumulong din sila sa mga mamamayan, sa nakakarami," pahayag ni Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero sa Saturday News Forum sa Quezon City.


Ayon kay Uvero, batay sa kanilang kalkulasyon, hindi naman malulugi ang mga retailer kung ibebenta nila ang bigas sa mas mababang presyo, ngunit mawawalan lamang umano sila ng kita.


"Based sa computation namin puwede kasing ibenta pa na siguro hindi naman lugi baka wala nga lang kita. So again, tama, kailangan magsakripisyo 'yung mga rice retailers natin," sabi ni Uvero.


Una rito, inilabas ang Executive Order No. 39 na nagtatakda sa P41 ang regular milled rice habang P45 kada kilo sa well-milled rice na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ani Uvero, ‘temporary’ lamang ang nasabing price cap at kalaunan ay makakahanap din sila ng long term na solusyon.

Manggagaling din aniya ang rekomendasyon sa Department of Agriculture (DA), DTI o Price Coordinating Council kung aalisin na ang price cap sakaling mag-stabilize na ang presyo.


"So, kahit iyong ating mga economic officials or economic cluster ng team, malinaw ang ano natin na temporary lang ito. This will not even be the solution to the problem, this is not a solution to the problem – this is a temporary measure and sooner than later aalisin din ito," paliwanag pa ng opisyal.


"Short term lang talaga ito, short term lang. Baka nga, kasi magha-harvest season na rin eh, so anihan na baka bago mag-anihan baka magbago na iyong mga numero, tatanggalin na ito," dagdag pa ni Uvero.


"So by Tuesday, DTI, DA the LGUs will now start monitoring the prices of these two categories of rice. Mayroon pong mga rice varieties na mas mura pa rin lalo na iyong mga mataas iyong porsyento ng mga broken or mahinang klase talaga ng bigas. Mayroon din pong mga bigas na mas mataas pa rin, ito iyong mga premium rice natin. Iyong iba gusto iyong mabango at malambot at masarap na kanin, so hindi bawal iyon, mayroon pa ring ganoon. Ang sinasabi natin ay ang well-milled at saka regular-milled ay P41 at P45, iyon po. So by next week iyong DA, DTI and LGUs will start visiting the major markets in major cities," dagdag pa ni Uvero.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page