top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 24, 2023


Parang nag-ensayo lang si Bea Bell matapos ang walang kahirap-hirap na pagtawid sa meta at pag-angkin ng korona sa 2023 PHILRACOM 2nd Leg Juvenile Stakes race na inilarga sa Metro, Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.


Humarurot sa unahan si Bea Bell paglabas ng aparato para hawakan agad ang dalawang kabayong bentahe sa kaagahan ng karera.


Umabot sa far turn ang bakbakan pero hindi pa rin madikitan ng ibang kabayo ang matikas na si Bea Bell na pag-aari ng mag-amang sina Elmer De Leon at volleyball star player Bea De Leon.


Kaya naman nanatiling nasa unahan si Bea Bell at pagsungaw ng rektahan ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng winning horse.


Lumayo sa anim na kabayo ang bentahe ni Bea Bell sa huling 150 meter race kaya pagtawid nito sa meta ay nasa walong kabayo ang lamang nito sa pumangalawang Morning After.


Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, inirehistro ng Bea Bell ang tiyempong 1:25.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P1,080,000 premyo habang napunta kay Morning After ang P360,000.


Sinungkit ng third placer na si Over Azooming ang P180,000 habang naibulsa ng Heartening To See ang P90,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Dahil sa ipinakitang husay ni Bea Bell ay inihahanda ito ng kanyang trainer sa mas malaking karera kaya paniguradong aabangan ito ng kanyang mga tagahanga.

 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 23, 2023


Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang galing ni Bill Jordan matapos siluhin ang panalo sa 2023 PHILRACOM 2-Year-Old Maiden race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.


Pumuwesto sa pang-apat si Bill Jordan paglabas ng aparato para abot tanaw lang nito ang matulin sa harurutan at nasa unahan na si Victorious Angel.


Lumapit ng bahagya si Bill Jordan sa unahan pagdating sa kalagitnaan ng karera kaya naman sa far turn ay naagaw na nito ang bandera kay Victorious Angel.


Nagpatuloy ang arangkada ni Bill Jordan at nakalamang agad ng apat na kabayo pagsapit sa home turn kaya sa rektahan ay halos kuha na niya ang panalo sa event na suportado ng Philippine Racing Commision, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Nagwagi si Bill Jordan ng may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Polite Bell, tersero si Victorious Angel habang pumang-apat si High Roller.


Nirendahan ni jockey EA Abrea si Bill Jordan at nasilo ng horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P20,000 added prize matapos ilista ang tiyempong 1:26 minuto sa 1,400 meter race.


Samantala, hinahanda ng trainer na si Claudio C. Angeles ang Bill Jordan sa susunod nitong takbo kaya tiyak na inaabangan ito ng mga karerista.


Inaasahang puspusan ang gagawing paghahanda kay Bill Jordan dahil mas mabibigat ang susunod nitong makakalaban.


 
 

ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 22, 2023


Magtutulungan sina Brightside at Rule The World sa magaganap na 3-Year-Old & Above Maiden race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas ngayong araw.


Gagabayan ni veteran jockey Jeffrey Bacaycay si Brightside habang si Yson Bautista ang nakatoka kay Rule The World sa distansiyang 1,400 meter race.


May nakalaan na added prize na P20,000 para sa winning horse owner ang ibang kalahok ay sina Princess Tycoon, Eye In The Sky, Homecourt, Wallop at Grandi Moments.


Posibleng magbigay ng magandang laban kina Brightside at Rule The World ay ang magka-kuwadrang Homecourt at Wallop sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Samantala, walong races ang pakakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Linggo kaya masisiyahan ang mga karerista sa kanilang pananaya.


Isa pa sa aabangan ng mga karerista ay ang bakbakan ng siyam na mahuhusay na kabayo sa 2nd Leg Juvenile Stakes race na pakakawalan sa pangalawang race.


Tiyak na markado sa karera ng mga batang kabayo ang magkakamping sina Bea Bell at Cassandra Bell na pag-aari ng mag-amang Elmer De Leon at volleyball star Bea De Leon.


Makakatagisan ng bilis nina Bea Bell at Cassandra Bell ay sina Over Azooming, Morning After, Mommy's Love, Amor My Love, Heartening To See, Mae Bell at Masunaga, may haba itong 1,400 meter race.


Mga Pili ni Green Lantern:


Race 1 - Grandi Moments (5), Brightside/Rule The World (1/1A)

Race 2 - Bea Bell/Cassandra Bell (3/3A), Mommy's Love/Amor My Love (5/5A)

Race 3 - Summer Brew (4), Charm Campaign (2)

Race 4 - Top Of The Mark (2), Honey Ryder (7)

Race 5 - Love Radio (1), Chef Kat (6), Advocacy (5)

Race 6 - Electrify (6), Superhawk (4)

Race 7 - Grand Majesty (4), Work From Home (8), Super Spunky (5)

Race 8 - Makarit/Waray Na Mayda Pa (2/2A), Havana Oohnana (9), Wild Eagle (3)

 
 
RECOMMENDED
bottom of page