Bill jordan sinilo ang panalo sa Turf
- BULGAR
- Oct 23, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 23, 2023
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang galing ni Bill Jordan matapos siluhin ang panalo sa 2023 PHILRACOM 2-Year-Old Maiden race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Pumuwesto sa pang-apat si Bill Jordan paglabas ng aparato para abot tanaw lang nito ang matulin sa harurutan at nasa unahan na si Victorious Angel.
Lumapit ng bahagya si Bill Jordan sa unahan pagdating sa kalagitnaan ng karera kaya naman sa far turn ay naagaw na nito ang bandera kay Victorious Angel.
Nagpatuloy ang arangkada ni Bill Jordan at nakalamang agad ng apat na kabayo pagsapit sa home turn kaya sa rektahan ay halos kuha na niya ang panalo sa event na suportado ng Philippine Racing Commision, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Nagwagi si Bill Jordan ng may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Polite Bell, tersero si Victorious Angel habang pumang-apat si High Roller.
Nirendahan ni jockey EA Abrea si Bill Jordan at nasilo ng horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P20,000 added prize matapos ilista ang tiyempong 1:26 minuto sa 1,400 meter race.
Samantala, hinahanda ng trainer na si Claudio C. Angeles ang Bill Jordan sa susunod nitong takbo kaya tiyak na inaabangan ito ng mga karerista.
Inaasahang puspusan ang gagawing paghahanda kay Bill Jordan dahil mas mabibigat ang susunod nitong makakalaban.





Comments