top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 19, 2025



Will Ashley - IG

Photo: IG Will Ashley



Bago pumasok sa Bahay ni Kuya para sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE), nakapag-audition na si Will Ashley para sa pelikulang Bar Boys 2: After School (BB2AS) at pumasa siya kay Direk Kip Oebanda.


Nang ma-extend nang ilang beses ang PBBCCE, nangamba ang batang aktor dahil baka palitan siya dahil binigyan siya ng target date ng shooting na hindi nasunod.


Nalaman niyang nagsimula na ang shooting, kaya lalo siyang naaligaga. Kaya pala nadaanan ko minsan na kausap niya si Big Brother at nabanggit niya na may project siya at baka hindi na niya magawa o mahintay. Gustung-gusto pa naman daw niya ang project na ito.


Kaya naman, nang makalabas ng PBB house si Will, kinabukasan ay may shoot na agad siya ng BB2AS bilang entry sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood simula December 25.


Sadya namang hinintay si Will ni Direk Kip dahil para sa kanya talaga ang karakter na Arvin, na nag-aaral at nagtatrabaho sa isang coffee resto bar na pag-aari ni Emilio Daez, na dumaan din sa audition.


Unang nakatrabaho ni Direk Kip si Will sa Cinemalaya movie ni Marian Rivera na Balota na ipinalabas noong 2024 bilang anak ng aktres.


Ilang beses na-nominate si Will sa Balota, pero sa Star Awards for TV siya napansin bilang Best Supporting Actor, na hindi naman niya personal na natanggap dahil nasa shooting siya ng Love You So Bad (LYSB) mula sa Star Cinema, GMA Pictures, at Regal Entertainment na entry din sa MMFF.


Aniya, “Pangarap ko lang po dati na mapasama sa MMFF. Sino ba naman po ang mag-aakala na dalawa pa (ang entry). Sobrang blessed po talaga. Sobrang grateful lang sa mga nangyayari.”


Nang hingan ng reaksiyon ang aktor sa papuri sa kanya ni Direk Kip, sabi niya, “Happy 

naman po marinig ‘yun, pero teamwork po talaga ‘yung ginawa namin. Lahat po kami nag-compromise sa pelikulang ito. Lahat po, ibinigay ang puso namin para magawa itong pelikula na maganda.”


Dagdag pa niya, “Noong nabasa ko po ‘yung script, nagkaroon po s’ya ng impact sa puso ko, lalo na po ‘yung character ni Arvin. Para s’ya sa mga tao. Kumbaga, maraming makaka-relate rito. Ginagawa niya ito para sa mom niya, sa magulang n’ya. Malapit din po s’ya sa pagkatao ko.


“Siguro naging mahirap lang po para sa akin ‘yung maibalik ako sa pag-arte kasi ang tagal ko nga pong nawala pagkatapos ng Balota. Medyo nawala po ‘yung utak ko kasi sobrang overwhelming, pero tinulungan nila akong ma-ground, na maibalik kung sino ako.”

Na-star struck daw si Will kay Ms. Odette Khan.


“Pinapanood ko lang po s’ya. Sabi ko kay direk, gusto ko pagtanda ko, ‘yun ako. Sobrang goosebumps po talaga. Gusto ko po mag-iwan ng legacy dito sa industry na ito. Si Miss Odette po ‘yung isa sa magandang halimbawa,” malumanay na sabi ng binata.

Samantala, bukod kina Emilio at Will, kasama sa BB2AS sina Carlo Aquino, Kean Cipriano, Enzo Pineda, Rocco Nacino, Therese Malvar, Klarisse de Guzman, Bryce Fernandez, Sassa Gurl, at Glaiza de Castro.


Mula sa direksiyon ni Kip Oebanda at katuwang niyang nagsulat ng script sina Carlo Enciso Catu at Zig Dulay, produced ito ng 901 Studios nina Jon Galvez, Leo Liban, at Carlos Ortiz.



PINANGUNAHAN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto ang panunumpa sa tungkulin ng dalawang bagong Board Members ng ahensiya noong Martes, Disyembre 16, 2025 na ginanap sa MTRCB Liezl Martinez Hall, Quezon City. Ito ay sina Nestor Cuartero at Evylene ‘Bing’ Advincula.


Pinalitan nila sina Jerry Talavera, na nagtapos na ng kanyang termino, at Michael Luke Mejares na nagbitiw noong Nobyembre 11, 2025.


Si Cuartero ay isang beterano at multi-awarded na mamamahayag na may ilang dekadang karanasan sa industriya ng media. Naging guro siya ng mahigit 20 taon sa Department of Communication and Media Studies ng Faculty of Arts and Letters ng University of Santo Tomas.


Samantala, si Advincula ay dating executive officer ng Robinsons Movieworld at naging Board Member ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP). Dala niya sa MTRCB ang malawak na karanasan at kaalaman sa operasyon ng mga sinehan at ugnayan sa industriya ng pelikula.


Tiwala si Sotto na ang mga bagong miyembro ay magbibigay ng mahahalagang pananaw at higit pang magpapatibay sa mandato ng ahensiya.


Aniya, “Kumpiyansa akong makatutulong sila sa aming mandato lalo na pagdating sa pakikipagtulungan sa industriya at sa pagtaas ng tiwala ng publiko. We thank President Ferdinand R. Marcos, Jr. for entrusting the MTRCB with leaders who bring integrity, expertise, and a deep understanding of the media and film industry.”


Nagpasalamat din si Chair Lala kina Talavera at Mejares sa kanilang serbisyo at dedikasyon sa ahensiya.


Aniya, “Lubos kaming nagpapasalamat kina dating Board Members Talavera at Mejares sa kanilang trabaho. Malaki ang naitulong nila sa pagsusulong ng misyon ng MTRCB.”

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 17, 2025



SHEET - POKWANG, INAMING KAPATID NIYA ANG DRAYBER NA NAMBATOK SA MAGKAKARITON_IG @itspokwang27

Photo: IG @itspokwang27



Sa pamamagitan ng kanyang Instagram (IG) account ay nag-live ang TV host-comedienne na si Pokwang upang humingi ng dispensa sa nakaalitan ng kanyang kapatid na nambatok ng magkakariton kamakailan. 


Na-witness ito ng anak ng magkakariton na maliit pa kaya napaiyak nang malakas ang bata.


Ayon sa kumuha ng video, mabilis ang takbo ng nagmamaneho ng Toyota Hi-Lux at muntikan nang masagi ang batang babae. 


Nagkaroon umano ng sagutan, bumaba ang driver at binatukan ang magkakariton. Nakita ito ng batang babae kaya napaiyak.


May lumapit na lalaki upang umawat, pero hindi pa rin nagpaawat ang nagmamaneho ng pick-up truck. Sinabihan umano ng lumapit na lalaki ang isa na i-video ang driver at kunan ang plate number. Maging ang pag-iyak ng batang babae ay kinunan din at agad na ipinost.


Mabilis na nag-viral ang video at isa kami sa mga nag-share nito upang ipanawagan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO). Napansin ito ng mga ahensiya ng gobyerno at papatawan ng 90-day suspension ang lisensiya ng driver.


Base sa IG Live ni Pokwang, “Totoo po ‘yung nag-viral na video na isang lalaki na naka-Hilux na Toyota na puti. Opo, kapatid ko po ‘yun. Nag-viral s’ya. Ang galing.


“Ako po ay humihingi ng dispensa du’n po sa kanyang nakaalitan, lalung-lalo na po doon sa anak na babae. Pasens’ya ka na, hija. Dadalawin kita, ha? Wait lang, pupunta ang Tita Pokwang mo r’yan. Pasens’ya ka na.


“‘Di po ako natutuwa at ‘di ko po dapat kampihan ‘yung nangyari du’n sa kapatid ko. Kumbaga, s’yempre, nanay din naman po ako. Pero lagi po nating iisipin na may other side of the story. Pero sige po, sa amin na lang po ‘yun. At humihingi po ulit ako ng kapatawaran du’n po sa mag-ama.”


Pinaalalahanan din ng aktres ang mga nag-post ng larawan ng buo nilang pamilya para i-bash.


“Paalala ko lang din po du’n sa mga nag-post ng paulit-ulit ng mukha ng pamilya ko, may tinatawag po tayong cyberbullying at cyber libel.


“Doon po sa ibang pulitiko na nakisakay at ‘di naman taga-Antipolo, nakakaloka! Nag-post pa kayo, Sir. Alam n’yo na kung sino kayo.


“Alam ko, taga-Bicol kayo. Ingat po kayo kasi mambabatas pa naman kayo, so alam n’yo dapat kung ano ang tinatawag na cyberbullying at cyber libel.”


“Ipinost po ninyo ang mukha ng buong pamilya ko. Isa lang po ang may kasalanan, kapatid ko. Pero nasaan po ang privacy at protection ng pamilya ko? Hindi po ako kumakampi sa kapatid ko, pero sana nag-iingat po kayo sa mga posts at sa mga comments ninyo,” pahayag ni Pokwang.


Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan si Antipolo City Mayor Junjun Ynares sa pag-aayos ng problema.


Aniya, “Humihingi rin po ako ng paumanhin sa aming mayor at pasens’ya na rin po kayo.”

Samantala, ang nakaalitang magkakariton ng kapatid ni Pokwang ay si Crispin Villamor at nangyari ang insidente sa Bgy. San Roque, Antipolo City.


Base rin sa police report, pumunta ang pick-up driver sa police station upang makipag-areglo.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 14, 2025



SHEET - KA TUNYING, TINAWAG NA BANGAG, LOYALISTA AT BALIMBING_IG _iamtunying28

Photo: IG _iamtunying28



Nakaka-inspire ang buhay ng mag-asawang Anthony at Rossel Taberna dahil ang dami nilang napagdaanan nu’ng mga nakaraang taon, lalo na ang pagkakasakit ng kanilang panganay na si Zoey, pero ngayon, umaani na ng biyaya at pagpapala ang kanilang pamilya.


Nitong December 10 lang, ipinagdiwang ng TGC o Taberna Group of Companies ang “Kasama, Kasalo, Pasasalamat” para sa mga naging katuwang nila sa kanilang tagumpay – kabilang na ang mga business at media partners nila – sa event na ginanap sa Cities Events Place.


Binuksan ang programa sa isang pagpapakilala at milestone video na nagbalik-tanaw sa higit isang dekadang paglalakbay ng TGC mula sa simpleng simula na puno ng pananampalataya, hanggang sa paglago ng apat na pangunahing kumpanya – ang Ka Tunying’s Restaurants, Kumbachero Food Corporation, Taste of the Town Catering, at Outbox Media Powerhouse Corporation.


Nagbigay ng makahulugang mensahe si Mrs. Rossel ‘Mrs. T’ Taberna, COO ng TGC, matapos ipalabas ang milestone video. Ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pusong mapagpasalamat at mapagpakumbaba sa bawat hakbang ng kanilang paglago.


Aniya, “Dito sa TGC, namumuno at naglilingkod kami nang may puso at pasasalamat.”

Nagbigay din ng mensahe si Mr. Anthony Taberna, CEO ng TGC, bilang pasasalamat sa mga media partners, “Maraming salamat sa tiwala at suporta. Katuwang po namin kayo sa bawat kuwento at tagumpay.”


Sa panayam ng media kay Anthony, natanong ang brodkaster-businessman kung sa kabila ng tagumpay niya sa dalawang larangan ay may balak din siyang pasukin ang pulitika.


Sagot nito, “Ah, no, no! Ang dami nang offers sa akin mula noon pa, like 18 yrs. ago, nu’ng 2007 pa. And every election thereafter, meron nang mga offer, pero hindi natin gusto ‘yan.”


Dahil naman sa pagiging objective journalist niya, kung anu-ano na raw itinawag sa kanya ng mga netizens.


“Tinawag na akong DDS. Tinawag na akong bangag, loyalista, balimbing, kasi objective ako. Kaya tinawag na nila ako sa iba’t ibang pangalan kasi objective ako. Minsan, tinitira ko si PBBM. Minsan, tinitira ko si Duterte. Minsan kinakampihan ko si PBBM. Minsan kinakampihan ko si Duterte. 


“Akala nila, ‘pag nag-iiba-iba ka ng… may paninindigan ka, hindi ganu’n ang journalist. Ang journalist, nagsasabi nang totoo objectively.” 


Pero hindi naman daw madaling maapektuhan si Ka Tunying kahit i-bash pa siya, ‘wag lang idadamay ang kanyang pamilya, lalo na ang mga anak niya. 

Oo nga naman, foul na ‘yun!



Pasahero, dinala raw sa motel…

OGIE, NANAWAGAN SA INDRIVE NA ‘DI NA SAFE SAKYAN



Mukhang hindi na gaanong safe sakyan ang Transportation Network Vehicle Service o TNVS na InDrive dahil marami na rin kaming naririnig na reklamo, tulad ng dalawang beses na experience namin.


Nag-book kami ng InDrive along Roces Avenue, Quezon City, at nagulat kami dahil dumating ang sasakyan na may kasamang babae ang driver at ang katwiran niya ay asawa niya ito.


Napansin siguro ng driver na atubili kaming sumakay kaya nagsabing may bibilhin lang sila, pero tumanggi pa rin kami. Medyo nairita pa ito dahil wala naman daw masama kung sasabay ang asawa niya.


Ang katwiran namin ay ang tagal dumating ng driver, bakit hindi niya nabanggit na kasama niya ang asawa niya o may kasama siya? Eh, di sana ay sinabihan na naming huwag na siyang tumuloy dahil ayaw namin ng may ibang kasabay.

Nag-iingat lang naman kami dahil sa panahon ngayon, lalo na kung inaabot ng gabi. At nagpadala pala kami ng complaint sa InDrive sa pamamagitan ng email, pero dedma, wala kaming nakuhang sagot.


Kaya tinanggal na namin ang InDrive application namin dahil pakiramdam namin ay hindi kami safe.


Kaya namin ito naikuwento ay dahil nakita namin ang Facebook (FB) post ng movie producer-host na si Ogie Diaz kaninang madaling-araw na nag-share siya ng reklamo ng dalawang magkaibang pasahero na nanakawan ng malaking halaga at nakunan ng gamit, at ang isa ay dinala sa motel.


Ang post ni Ogie, “InDrive, aksyunan n’yo naman po ito. Dalawang magkaibang insidente ito baka madamay ‘yung ibang matinong drivers n’yo, kawawa naman.

“Sana, gumawa ng batas para maproteksyunan ang mga pasahero. Dapat iobliga ang lahat ng TNVS na may CCTV na kuha ang loob at labas ng sasakyan para sa parehong proteksyon ng drivers at pasahero.


“Saka lahat ng taxi, dapat may contact number sa loob kasama ang plate number ng sasakyan na nakasulat sa bawat pinto para maka-text agad ang pasahero kung duda siya o gago/bastos ang driver.


“Nabanggit din na dapat magsuot ng facemask ang mga pasahero dahil nauuso na naman ang spray na kapag nakaamoy ay nag-iiba ang pakiramdam.


“Kung ang driver ay naka-face mask, dapat may face mask ding baon ang pasahero, dahil uso ngayon ‘yung ini-spray sa hangin tapos mahihimatay ‘yung pasaherong makakalanghap ng nakakahimatay na amoy.


“Sa mga pasahero, lalo na sa mga babae, send na agad sa kaibigan o kaanak ang picture ng driver just in case may mangyaring masama. Diyos ko, magpa-Pasko na. Maraming gipit, maraming gustong rakitin ang mga pasahero.


“Saka sa mga pasahero, lalo na sa mga may kaya, bigyan n’yo ng tip ‘yung mababait, magagalang na driver at tinutulungan kayo sa pagbubuhat ng mga gamit n’yo.

“Anyway, bago magkalimutan — InDrive, aksyunan naman n’yo ito para hindi matakot ang mga pasahero. Pansinin n’yo ang mga complaints kung ayaw n’yong um-attend ng Senate hearing.”


Bukas ang BULGAR sa panig ng InDrive.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page